Tuesday, March 22, 2011

Ibong Migrante

Pababa nang pababa
lipad
ng ibong migrante

mabigat ang pakpak
ni hindi na kayang umabante
paitaas

nilalamig
giniginaw
nanghihina

pabulusok na nang nakita
ng batang si juan
na kahapon pa kumakalam ang sikmura
itong ibong sa pagkampay, pagpagaspas ay nanghinawa

bumagsak sa lupa

nakangiting kinuha ng bata
at masayang bumalik
sa naghihintay na gutom na ring pamilya

...masaya nilang pinagsaluhan
ibong migranteng nahiwalay
sa langaylangayan
ng mga ibong kauring
nagmula sa japan


...at nangati nga ang lalamunan ni juan

YUNGIB

Doon sa yungib
mga hunyango ay nagkakandirit
wala mang hanging haginit
may halakhak sa mga labi
may ngising walang tigatig
matikas ang tindig
nagbabantay, sabik na sabik
kahit pawisan at amoy
anghit
itong hunyangong nakakurbata
at kamisadentro ang damit

Doon sa yungib
may kaban-kabang pawis
patung-patong na pagtitiis
mga sakong palamuti
sa kwebang pusikit
buwig na naani sa bukid
na hugis bilyones
sa mga mata ng hunyangong bienes

ngunit nang lumuha ang langit
ng pagkalakas-lakas
doon sa yungib
may biglang tumubong uhay
sa mga sako na apaw
sa mga ginintuang tahip
nagkakulay lilang kabote
mayroong berdeng banil
na tumutubo lamang sa tubig
mula sa amag ng pag-iisip
ng mga hunyangong mapagkipkip...

Disin sana ay nagamit
nalasahan ng bibig
ng mga tiyang nanginginig
ng mga katawang nagbibihis buto
ng abang mga mukha na hugis bungo
na buong araw sa gutom ay nangagbubuno

Doon sa yungib
nag-iba ang tono
ng mga hunyangong naglilo
sa sanay kilo-kilong tulong pan-serbisyo
sa kamay nila ay naglaho
salaping pinipintuho

ngayong hapung-hapo
sako-sakong pagkabigo
bilyong piso ang samyo
naging sentimong mabaho
kawawang mga hunyango
lumuha ng dugo
sa labis na pag-iingat
at hangaring makapagtamo
makapagnakaw na naman

ng butil-butil na ginto.
-

Poppy




(opiumistik)

Sa pagninilay ng usok saking bibig
sa tuyong pitalyang nakalubid
anong inam tuwing ititirik
kamalayang pinaslit ng ligalig
saglit na hitit
isang mariwasang pagtirik
sa inabang kaisipan
tulad ng walang kasing itim
na usok ng lipunan
ng daang bayan
sa masukal na kagubatan ng isipan
ng mga di nakatikim ng kahirapan
silang nagpapasasa sa kapangyarihan
ng kanilang upuan
na nagpapakalunod sa paggasta
sa kabang yaman
ngunit hindi sa pinagnakawan
kundi sa labas ng bayan
paggasta sa L.A, Nevada, Paris at Taiwan
nagpapawis sa karangyaan at kaluwalhatian
habang ginagasta ang pinagpawisan
ng aking mamamayan
na walang sukat pag-ibayuhin
ang pagdidilig ng dugo at pawis
sa ilang dekadang pagkasubsob
ng mga palad dito sa lupang sakahan
mga pagpasan
ng ilang toneladang pait ng mga pagawaan
at maamong pagpapaalipin
sa mga dayuhan
konting ligalig?
Anong inam na dahilan ng mga nagpapalamig
sa Switserland, Mongolia at Korea

Di nga nila alam
anong inam
humitit ng usok ng ligaya
at magpainit sa dibdib ng masa
na papag-alabin ng ilang buntong-hininga,
pagkalam ng sikmura
na pilit pinagkakasiya babaryang kinikita
mula sa paltusing palad na nakatanghod
sa mumo ng pinagtatrabahuhang kumpanya,
bulasing kinalaykay sa basura
bawndering binawasan
ng mga nangungotong sa kalsada
mga Trapiko-sultanang nagmana sa ama
na mahilig magplano
sa ilalim ng mesa
habang nakasukbit mga kamay sa bulsa

Usok
magpakalunod sa usok nang itirik nito
kamalayan sa dakong konsepto
ng katotohanan
sa hayag na kalagayan ng lipunan
nang maisip, walang kasing sarap
magnilay-nilay habang humihithit
nang maisip, babala ng mga tabako, hope, winston, marlboro at philip

"Cigarette's warning
Government is Dangerous to your Health"

Wednesday, March 9, 2011

Mapa ng Pilipinas

Hihimasin ko ang Luzon ni Katrina, na parang nagha-hiking ako sa Siera madre o sa Mt. Mayon. Hihimasin nang walang tigil na kahit magkakalyo ang kamay, ang palad o paltusin ang paa sa pag-akyat ay lalamasin ko ang kanyang Luzon.


Kapag sawa na ko’y dahan-dahang magpapadausdus papunta sa tinutumbok na mahiwagang distinasyon. Ngunit tatawirin ko muna ang kapatagan ng kanyang Visayas. Hihipuin pababa ng paglalakbay ko sa kaparangan, sa pusod ng talampas ng visayas ni katrina.


Hanggang sa makarating sa Autonomous Region of Muslim Mindanao ni Katrinang laging nakabelo, nakabalot… ang hiwaga ng bataang pinagpipitagan ay tututukan ko ng kanyon ng pagmamahal.


At kakabayuin, aariin, kukuhanin, sasakupin, at gigyerahin na parang G.I Joe na bumibisita.


Ngunit walang Green o Black Agenda..