Friday, June 22, 2012

May Dahilan ang mga Tikom na Kamao


May dahilan ang mga barikada
at tinik na alambre
May dahilan ang mga tangke
ng tubig na pambala sa pag-atake
May dahilan ang mga truncheon at tirgas,
Armor shield, baril at posas
May dahilan ang Molotov cocktail
Lamang ay maling pagdadahilan;
Mas may dahilan ang barikadang bisig
Mas may dahilan ang mga placard, strimmer at bandila
Na iwinawagayway ng mga kamay
Na nganginginig na sa galit
Sa kalsadang pinagmamartsahan
Ng mga paang may patutunguhan
Mas may dahilan
ang sumisigaw na tinig
sa megapono
at mas may dahilan ang mga tikom na kamao
daan ito sa pagbabago
ng sistema ng mga pagdadahilan

Sana nga

Sana nga

Sana’y maulit pang muli Panginoon
na magkaroon ng hustisya de Onor
sa Las Indio’s Villas
sa puso ng bawat anak ng mga purita
sana’y maulit muli
bigyang pansin mga nagkakamali
magkapandinig na nga ang husgado
hindi na magtengang kawali
sakaling may mahuling tiwali
paghinalaan mang katunggali
sa korona at trono
sana, bigyang oras din sila
mga kawaning abusado
mga de-sobreng husgado
abugadong manloloko
at mga biglang yamang pulitiko
sena’tong at pulpol-isya
kurakot na konggrehista
kapitalistang nang-estafa sa masa
at iba pa
sana, hindi rin sila palagpasin
ukulan ng pansin, litisin, papanagutin...

Sana’y muling maulit
Bawat boses ng masa’y madinig
“pantay na timbangan”
sabi ng tindera sa palengke
“Hindi gupit-gupit
na testamento’t dokumento”
wika ng barbero sa kanto
“Itayo ang testigo”
Hiling ng mga karpintero
at “Ipukpok na ang maso”
sigaw ng mga mason
Panginoon, hayaan mong maibaon
sa bunbunan ng bawat isa
at manatili sa puso
ang aral ng hustisya

Bagaman, sabi ng isang panadero
“kung hindi aalsa ang masa,
Walang tinapay sa mesa.”

Santiago 5:4


Sumisigaw
 
Laban sa inyo

Ang upa na hindi ninyo ibinigay

sa mga gumapas

sa inyong bukirin

Umabot sa langit

sa pandinig

ng Panginoong makapangyarihan

sa lahat

ang mga hinaing ng mga mang-aani

na inyong inaapi!

Salamat at di Mo Dininig aking Dalangin


Salamat Panginoon
Di mo dininig aking dalangin
Nang hiniling na minsa’y huwag paulanin
Ulap ay nangulimlim
at biglang dumilim
Patak ng butil sa aking damdamin
ngiting maningning pala
sa labi ng mga magsasaka
nang makainom ang nauuhaw
na lantang pananim
sa matagal nang lupang tinigang sa pag-asa
May dahilan pala
Patawad Ama.