Wednesday, November 21, 2012

Mga hayop sa iyong hacienda sa oras ng baha

Di kami papasok sa iyong arko
Muli mang lamunin ng baha ang mundo
Ayaw naming makasama sa hawla,
mga hayop ng iyong hacienda
Isang pares ng mga bundat na buwaya
nakabarong-tagalog at baro't saya
Pares ng uwak na sabik sa laman
na pinangalanan mong "kongres'la'man"
Nangangasta ng pagkatao ng kung sinuman
Puta ang tingin sa kababaihan
Uwak na naghihintay lumapa ng laman
Ayaw naming sumakay sa ginawa mong arko
Kung makakasama nami'y pares ng kwagong dilat ang mga mata
Humuhuni ng patago  sa ilalim ng lamesa
Kung gabi na
Ayaw naming makasama
Pares ng alimangong kapwa mo panot
na sanay humila ng kapwa paibaba
Alimangong nang uusig
sa kung sinumang magmumukhang banta
Ayaw namin sa pares ng kabisoteng parot
na dada nang dada
Kaibigan, kaklase o kabarilan man sila
Wala silang sinasabi
Sa iyong tenga
Kundi katagang kinabisado na nila
Bago ka pa man magtalumpati sa madla,
ng ulat na sila ang nagtakda, nagtala at nagmanipula
Sa iyong arko
Hinding hindi kami papasok kailanman
Mas masarap magtampisaw sa ulan
o lumusong sa baha
Kapit-bisig at iisa ang diwa
Mas masarap mag tampisaw sa baha
Kung kasama mo'y mga totoong tao
at hindi pares na mga hayop (kayo!)

Quedesh, Y Quedesh

          May pera sa pag-uukit ng santo
                sabi ni Demetrio, may kita sa ganitong trabaho
                       anumang kahoy na di inaanay
                            kristal, marmol o tsok na pinabanal  
                      na tatatakan ng presyong pang-Quedesh el santo
                 pantawag sa banal na espirito
          panlaban sa mga demonyo

    Quedesh, Y Quedesh
luluhuran sa altar ng maligno
                           nilublob sa putikan,
                                  hunugasan at binihisan
                                      ng camisa de tsino

                Dios por santo, "Oh mirakulo! Mirakulo"
                ,sabi ng mga siraulo
Oh! Quedesh el Filipino
             nadagdagan na naman ang mga santo..
                      
sabay sa pagtilaok ng
         sarimanok ni San Pedro
               Muling kukuliling
                       maliliit na batingaw ni San Lorenzo
      Hudyat sa muling pagho-hosana,
muling pagha-halleluyah
        ng mga korderong balimbing
                                     Oh Quedesh, Y Quedesh

            ...nakabihis tupa na ugaling kambing

1pet
1:15-16

FRENCH FRIES



A cuantos estamos?
alas tres y medya ng hapon
nakatanaw sa labas ng bintana ng Mcdonald
may mga batang namamalimos
marungis, nakayapak
gulagulanit na damit
hindi ko sila naririnig...

sinawsaw ko sa ketsap
malutong na french fries
di na ko lumingon pa sa bintana.

A cuantos estamos?
alas kwatro y medya
wala nang ketsap
may french fries pa
naghihintay sa waiter para magpaasis
napalingon sa bintana
saktong nasaksihan
nahagip ng SUV Van
batang namamalimos sa isang sasakyan

"ketsap pa po Mam?"

"Hindi na po,  MARAMI NA SA DAAN!