Friday, December 9, 2011

Messia


Muling bumalot ang kahindik-hindik na pagmamani-obra ng mga bendisyon ng mga Kato(k)lisismo, mula sa planadong Messia hanggang sa alagad niyang nagpapakalat ng Pinabuting balita. Ilang dekada nang tumatanggap ng benipisyo ang mga kaparian; ilang dekada nang umuulit ang siklo ng pagpapalaganap at pambubulag; ilang dekada nang umiinit sa kamay ng simbahan ang tinangang paniniwala sa mga Santo’t espirito na patuloy na nagmumulto sa isipan ng mga tao, ang pinabanal na larawan, pinabangong pangalan,at dinakilang kapanyakan ng kanilang hinirang…
Sa “Sa Dagat na Apoy ng mga Bendita” ni Prof. Rogelio OrdoƱez inilabas ng may akda ang sigaw ng rebolusyon. Sinangkutsa ang mga pinabanal na katawagang pansimbahan at hinalo sa maanghang na pag-aalsa. Dito’y nanaig ang simbolismo’t rasyunal na pagtingin, gaya ng ilan:  Ang pagluluwa sa may lasong ostiya na simbulo ng pagtanggi at pag-papalagay sa masamang dulot ng pagkain ng ganitong paniniwala; Ang pagtaas ng kalis na bungo at pagbuhos ng dugo sa santong rebulto at mukha ni kristo na maaaring pagpapakita sa  mukha ng katotohanan ukol sa pagpaplano ng mirakulo ng pagpapanggap; Pulpito ang puso ng masa gayong lubos ang panggagamit ng simbahan sa lipunan ay ba’t di naman papaghariin ang damdamin ng masang lumalaban; papagkumpisalin at paluhurin mga pari at mongha palabasin sa panty ng panginoon ang nagkukubling mga alagad ng pinabuting balita, sa gayon mabigyan man lamang ng hustisya ang hindi mabilang na pagkakasala ng mga ito sa bayan/ sa lipunan- ilang nobela kaya ang mabubuo sa buhay ng bawat isang kaparian; Estampita’t mga kandelabra sa altar ng dusa,butil ng rosaryo, malibag na kalmen at bibliya ng pera ang ipambabala sa nilikhang kanyon ng pakikibaka, itaboy pabalik sa kanilang mukha ang instrumentong kanilang pananggalang, na patuloy ibinambubulag sa lipunan; krus ng ubaning santo ilang libong taon ng naghihintay ang pinaasang kaluluwa, sa langit hindi malamang makita si pedrong may tangan ng susi sa pangakong mansyon sa kalangitan, pagkat naririto pa siya sa lupa, nagsasabong; ang layang kinulong ng puting demonyo  bantad ang pagbabawal ng simbahan sa simpleng kalayaang nagpapakita raw ng kaimoralan, simbahang hindi nagbabayad ng buwis, simbahang may sungay na sa politikang usapin, ang pagbabalatkayo ng mga may akda ng kaputian ay nawa’y matanggalan ng maskara nang malantad sa masa ang likas nilang bunto’t at sungay; at ang ilan pang halimbawa ng mga ginamit na simbolo sa tulang ito’y nagpapakita ng paglaban sa mahiwagang bendisyon ng pananampalataya.
Bakit hindi ang pag-aalsa? Gayong ilang libong taon na tayong minumulto ng mga anito; ng mga santo, ng mga papa’t pari sa mga kapilya’t kumbento; at matatakot nga tayo sa kaparusahan ng hindi pagsunod sa mga ito. Matatakot muli sa multong gawa-gawa rin lang ng malikhain, mapanlinlang na kaisipan… ngunit hindi mananatiling bulag ang mga tao, sasaan pa’t makikita rin ang pagbabalat kayo ng mga benduho, ng mga banal, ng mga kapariang negosyante at kriminal.
Nalunod na tayo sa kanilang taktika, at mula pagkasilang itinuturok na satin ang bakuna ng Pinabuting balita, pagbabayad natin ng utang na loob sa pagpapakilala nila sa atin ng nag-iisang Messia ay pag-iimpok naman nila ng masaganang benipisyo’t salapi sa kaban ng kanilang bilbil at bulsa. Hindi nakapagtatakang kung sa pagtatantya ay umabot ang pera ng simbahan noon sa $8,000 million, at sa kasalukuyan ay $35 billion na. napakalaking halaga para sa bansang Pilipinas na patuloy sa paghihikahos. Subalit anong gagawin ng simbahan sa salaping ito. Baka iyan na mismo ang ipambili nila ng mansyon sa langit upang ang mga kaluluwang ilang dekada ng naghihintay kay san pedrong may tangan ng manok at susi ay hindi na magdarasal ng mararahas na nota ng pakikibaka…

No comments:

Post a Comment