Monday, September 15, 2014

ALIPUNGA

Alipunga

Sa maghapong babad sa basa
noon'y palakad-lakad ka sa baha
sa isip mo, ito'y bagay na kalagayan ng dukha
nasanay ka, hanggang sa magka-alipunga
masakit, mahapdi, nakakairita...
Alipin nga ng pangangati
itong mga paang kinapitan ng alipunga ...
hindi maiwasang kamutin
kamay man ay sawayin,
A, mahirap labanan ang damdamin
ng isang maralita
gaya ng pagpigil sa pagkahumaling
o pag-angkin na bunga ng anumang pagkasakim
Oo, at sa bawat pagkamot
makadarama ka ng ginhawa
hanggang sa ang minsang pagkamot, uulit-ulitin,
kakainin ka ng sistema ng paulit-ulit na pagkamot
hanggang sa makalimot ka na
hanggang sa magdugo at matungkab ang balat,
hanggang sa magkasugat-sugat
hanggang sa magnaknak
himaymay ng laman ng iyong balat,
hanggang sa hindi ka na makalakad dahil sa alipunga
masakit, mahapdi, nakakairita...
kaya't, mananatili ka sa malambot mong kama
kakalimutan ang maghapong paglalakad sa basa
Oo, at di ka na sanay sa kung ano ang baha
binulid ka ng alipungang ikaw din ang gumawa

Ngayon, uubusin mo ang oras sa pagpapagamot
bibili ka ng mamahaling pampahid
kahit alam mong wala na itong bisa
dahil hinahanap-hanap mo parin 
ginhawa ng pagkamot sa paa
Alipin ka na ng iyong pangangati
at gaya ng maraming alipin,
maghahanap ka ng lunas...
ngunit wala kang balak gumaling. 

No comments:

Post a Comment