Sunday, July 31, 2011

Kapag ang patak ng tubig ay kasiyahan

kapag ang patak ng tubig ay kasiyahan, walang dahilan para hindi magpasalamat
-lakbay-lakad 2011ng mga Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya

SALAMAT SA'YO: Ikaw na dahilan kung bakit kami nandirito sa lansangan ng pakikibaka


Ilang taon kna ring nakatayo ka sa popeye
hawak ang mikropono
salamat at umaangat ang aming pang-unawa
sa katayuan, sa estado
salamat at mukhang isinasakripisyo mo ang lahat para dito
suot lagi ang kupasing maong
at fitted black T-shirt,
hindi ka napapagod
na humawak ng plakard
baner, poster, habang nakataas-kamao

nakalimutan ko, isa ka ring estudyante
sa unibersidad na ito
A, tulad ko
pinili mong magbigay ng marka
sa mga tao sa pulitika
bigay mo nga noon kay La Gloria
sa kanyang rehimeng pinutakti ng mga pag-aaklas, kilos-protesta
malaking singko ang ibinigay mo sa kanya
at ngayon kay P-noy
kamo matapos ang isang taong pag-upo sa palasyo
dapat lang bigyan ng bugok na itlog
ng nilalangaw na singko
bilang iskor niya sa pagiging tuta, inutil, bobo
tama, binigyan mo siya ng bagsak na marka
Tama, nang  sabihin mong masa ang magtatakda
masa ang tagapagtakda
salamat sa katibayan mo at pagiging ihemplo
Salamat sa'yo

Salamat sa isinasakripisyo mong pag-aaral
maipaglaban lang ang bayan
sukdulang sa mga rally ay masaktan
sa tulakan sa takbuhan,sa girian
maiwan man tsinelas sa lansangan
sa tama ng truncheon: duguan
at madalas pa ngang nangangalam ang tiyan
sa paglatay ng bala ng tubig sa balat, sa katawan
maipaglaban lang ang bayan, ang karapatan!

masahol pa nang sermunan ng magulang
o ang pag-aalala kaya
pangamba na baka bukas, makalawa
hindi na init ang kanilang madama
kapag yakap ka
hindi na init kundi lamig
hindi na init kundi ang malamig na katawan
na yayakapin sa pagkakahandusay
duguan, walang pagpintig, walang buhay
Salamat at wala kang pangamba
sa kung anuman ang itinatakda
ng paglalakbay ng hanay
isipan mo'y nakatuon
Lamang sa tagumpay

Salamat at iminulat mo kami sa katotohanan
Salamat sayo -Iskolar ng Bayan
nag-aalab ang iyong paninindigan
sa Pambansang kapakanan
Salamat sa iyo

ikaw na dahilan kung bakit kami nandito
sa lansangan ng pakikibaka
nakataas-kamao 

Friday, July 22, 2011

Phenylpropanolamine



(reseta  sa  minamanhid na sistema )

Sa batis ng Croma de Habla
Tumulong ang publiko abugado
At pumintig ang pag-asa
na mabulid silang akusado
kaso, ilang libong piso
ang halaga ng bawat proseso
ako'y aba na maging bulsa'y tinatrangkaso...
bumulong mga demonyo
iurong, iatras nang mabilis maasunto
reklamo'y kikita pa ng daan daang piso
Tarantado! hindi ko makita kung paano kumita
sa napakababoy na paraan
hinihipo ka't hinihimas, nilalamas
marahas na winawasak ang puri mo't dangal
sa gitna ng mga hayop, mga hangal!
pinagpasa-pasahan, pinagsasawaan
hindi ko makita kung paano kikita
ang kahubaran, lupaypay, sugatan, luhaan...
Gusto kong lumaban!
manhid man ang katawan
may tinig at boses na dapat pakinggan!

Diyos na mapagmahal
nakagigimbal ang mga hangal
sa iisang lamesa kasama ang piskal
Diyos ng mga napapagal
bawat subo nila'y may pagtalsik ng laway
may matamis na hagalhal
nang magbayaran na ng dangal
at kabanal banalang puon
korteng walang pusong mamon
atorni ko pa ay may ipinabaon
kapag tinanong raw
“iyo… iyo nga ni!” lang ang itutugon

pinilit akong amuin
palaisipaý naging sudoko sa kamay
kinakalamay aking salaysay…
binabaliko ang siyang tunay
“binanyuhay ang salitang hinalay”

Tangan ay martilyo?
Kaso ko ang pako…
At sa pagbagsak ng hatol gamit ang maso
Naalala ko si Pilato
Nang ikunla kamay sa plangganang may tubig
Pinaghugasang plangganaý kumulay ng dugo…

Tinurok sa sintido
Anestisya ng pagkadismaya
Pinaghalayan ng husgado
pinagahasa sa basura
sa manhid kong lipunan
saan ang hustisya?

ABAKADA



ayokong magkasya lang sa iisang kahon
binabaliw sa sikip, sinisikil, kinakapon
kamangmangan ang itinuturo ng ilusyon
daigdig ng puson; puson ng daigdig
eksibisyon ng pambubulag ng engkantadong mangingibig
ginagapos mo ang galit, init, alab, tuwing kinikilig
hilig na paglalakbay sa taludtud ng pag-ibig
inaakay ka sa bitag, sa mapanlinlang na yungib
labas-pasok ang utak sa lagusan ng panganib
muni-munihin mong hindi pa natatapos ang laban
naroon sina Juana’t Juan: lugmok, alipin, pinagsasamantalahan
ngakngak ng palahaw, nguyngoy ng hapdi, kirot sa latay ng kanilang katawan
obrerong inalisan ng karapatan, magsasakang di makatikim ng pinagpawisan,
pikit-matang tinitiis ang pang-aalipin, pambubusabus sa masang anakpawis
rebolusyon ng tiyan, sikmurang malimit sa pagkalam
sikmurain ang iniiwasan mong makitang realidad, katotohanan
tuwing naglalakbay ang utak mo sa mundo ng kalibugan
unti-unting pinapanawan ng ulirat, nag-aagaw buhay ang sambayanan
wala kang ginagawa , di nakikisangkot, di kumikilos, di lumalaban!
yakap, kahalikan, kasiping lamang ang mga basura ng isipan.

A, BAKA DAhil takot ka!
A, BAKA DAhil takot kang masilayan, tunay na paglaya!
A, BAKA DAhil ayaw mong LUMAYA!



Apoy ng Puso’t Isip






Mababanaag, anag-ag, silab
Sa isip ng mga punyal
Na itatarak, wawakwak sa leeg ng mga hangal
Ipanlalaslas sa katawan
Ng mga bundat na buwaya, buwitre, at uwak
Na pusakal na tagapigtal
ng pagtitiis at pag-asa
ng masang pinakamamahal
Ang itinimo sa isip
Lilikha ng diwa, ng adhika
at isisigaw sa wakas ng silab
na pinaaalab ng lubhang pagsalabusab,
Pagkaduhagi’t pang-aalipin, pang-aalipusta,
Pagyurak, pangmamata,
Pagtratong hayop sa mga magsasaka,
Di wastong sahod ng mga manggagawa,
Pandurukot, pagpapasista sa unyon,
Pananakot sa protestang may layon
Ngayon, mula sa tumimong adhikang nag-aalab, naglalagablab
Isisigaw: Rebolusyon! Rebolusyon! Rebolusyon!

Mababanaag ang silab
Dingas sa kumukulong dugo
Simbuyo ng puso ng punglo
Sapat na aming pagtitiis
Para sa kasingilan
ng daang buhay na binuwis
Magniningas ang puso’t isip
Para sa Pambansang katubusan
Lilikha ng hanay
Kikilos para sa bayan
Lalaban para sa pagkamit ng kalayaan
Lalaya ang masa
Lalaya sa anumang paraan!

Taas kamaong tutungo
Sa iisang daan, sa iisang yugto
Kalangitan at lupang kulay dugo!





Sunday, June 26, 2011

"Kung ang tula ay isa lamang”


ni jesus santiago

Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako'y bigyan
ng isang taling kangkong
dili kaya'y isang bungkos
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako'y nagugutom
at ang bituka'y walang ilong,
walang mata.
Malaon nang pinamanhid
ng dalita ang panlasa
kaya huwag,
mga pinagpipitaganang makata
ng bayan ko,
huwag ninyo akong alukin
ng mga taludtod
kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita.

mula sa tula ni Jesus Manuel Santiago

Ang tula ay damdaming nakapaloob sa mga piling salita.      Sinasabing ang tula ay maaring masulat na ‘sang upuan lamang, sa madaling salita’y  madaling gawin. Ayon nga kay Alexander Sinitsit kapag nakasulat ka ng tula ay para ka lang isang batang nang-aagaw ng laruan sa kapwa mo bata, kapag nakasulat ka naman ng isang kuwento ay para kang mandurukot o snatcher, pero kapag nakasulat ka ng isang nobela para ka ng Bank rubberier.  Pero hindi lahat ay ganito ang pagtingin sa tula. Ang tula ay isang uri ng ating mayamang panitikan, masarap man o manibalang ang lasa ay isa paring obra.
Ngunit paano nga kung ang tula ay isa lamang pumpon lamang ng mga salita? Gaya ng paksain sa tulang ito, “ kung ang tula ay isa lamang”   sa unang linya palang sinabi na kung ang tula ay pumpon lamang ng mga salita ay mabuti pang bigyan na lang siya ng isang taling kangkong o bungkos ng mga talbos ng kamote na sa kung saan lang tumutubo ngunit mas makabubusog sa kanyang tiyan.
          Ang ganitong mambabasa ng tula ay uhaw sa karunungan at gutom sa kaalaman. Gayon nga’y ang sikmurang gutom ay walang ilong at mata. Kaya’t hindi mapanglililo ng mga mababangong salita, magagarbong taludtud at mahuhusay na paghahabi ng wika. Masarap ngunit hindi nabubusog.
Anong damdamin nga ba ang makapupukaw sa bayan?        Binubulag ng sistema ang mga tao, kaya’t  kay husay at mangyaring mabuhay ang mga tulang naglalantad ng katotohanan, lumalaban sa inhustisya at nagmumulat sa piniringang mata ng masa. Sa tulang, “ Sa Napakaingat na makata” ni Prof Rogelio Ordones ay may puntong: ang makatang nagtatago ng katotohanan at takot na magpalaganap nito’y walang kahihinatnang manunulat, walang lugar ang karuwagan sa isang mahusay na manunulat. Maraming sakit ang  lipunan, maraming suliranin ang lipunan, maraming dapat na ihayag,  patotohanan, at iulat sa bayan.
Kaalinsabay ang sustansyang hinahanap sa isang magaling na tula. Mensahe ang pinahahalagahan ng isang manunulat, bagamat nakatutulong rin ang porma sa kasiningan ay hindi ito ang dapat mamayani. Yung mensahing mananatili o uukilkil sa kaisipan ng mga babasa. Yung mensahing may sustansyang hindi basta basta lang mawawala sa gunita. Yung mga tula sa pag-ibig o romansa, tumatagal ba sa panahon? Hindi. Parang making love rin, saglit lang. subalit ang mensahing maglulunsad ng pagbabago, ng pagkamulat, ay mananatili hanggat ang lipunan ay may sintomas ng ganitong sakit.
 Lunsuran ng masustansyang tula ay ang mayamang minahan ng brilyante ng karunungan -ang masa. Para sa mambabasa kung bakit tayo sumusulat, at ang kalakhang mambabasa ay ang karaniwang masa.       Sa gayon ang bawat tula ay hindi na isa lamang pumpon ng mga salita. Mas malinamnam pa sa anuman, makakain, malulusaw sa tiyan, ngunit hindi ilalabas ng butas sa puwetan.

Saturday, June 25, 2011

Idealismo en Cerebro de Loco

Viva! Sunador de la Mancha
ikampay sa panagimpan mga alaala ng pag-asa
kalumbaya'y miminsang masawata
sa palad itatakda, itatadhana

Viva! Caballero en Rapido Caballo
suot-suot kalasag ng konkretong idealismo
hawak-hawak espadang nabaliko
ng nakatatawang kontraryo
habang sa paglalakbay
patungong de kahoy na kastilyo
magaganap
kaganapan ng pagiging ganap
na kabalyero

Viva! Yelmo de Oro en Cerebro Loco
sa daan ang liwanag, Dulcineang pinipintuho
halimuyak ng sampaguita
ang poso-negro't estero
sa kalasag ng kabaliwang ito
nasasagka kahit anong pagkabaho

Viva! Caballero, tocar la estrella
at sa pag-abot na ito
ako si Sanchong todo saludo
habang isinisigaw, "Viva!
Viva! Sueño de la Mancha, Viva!
huwag lang magising sa katotohanan



na lahat ay haraya