Wednesday, July 25, 2012

Kristina Malaya


        Hinahanap ni Kristina Malaya ang kanyang 4.5 Mega Pixel Dual Flash Sonny Video Camera. Ang huli niyang naalala may lumapit sa kanya habang kumukuha ng larawan sa isang gilid sa kahabaan ng madugong Mendiola habang nagkaka-riot ang mga pulisya at ilang grupo ng kabataan. Maya-maya nasinghot niya ang amoy na iyon ng tirgas na biglang hinagis sa kanilang pwesto, mapanganib na usok na magpapatuyo sa lalamunan, magpapangati at ikauubo at ikalalabo ng paligid. Wala siyang maaninag. Ubo. Ubo. Masakit sa mata ang usok, naririnig niyang nagtatakbuhan ang ilang kabataan. Malakas ang palahaw ng sigaw, may naaninag siyang may hawak ng batuta bago siya mawalan ng malay-tao. Masakit ang kanyang batok, may humampas sa kanya at hindi niya alam kung ano, basta matigas na bagay. Gising ang diwa, alam niyang may bumubuhat sa kanya sa pagkakadapa, hindi niya lang magalaw ang katawan niya o malaman kung sino ba sila?

Nang nagising siya sa loob ng kwartong iyon nangingirot parin ang kanyang batok. Bigla kinabahan siya sa nadinig na yabag ng kung sinong papalapit. Nilakasan niya ang kanyang loob. Hindi siya dapat matakot, alam na niyang mangyayari ito sakaling mapabilang siya sa libo-libong mamamahayag na nakararanas ng extra judicial killings. Pero kinakabahan parin siya, gaya nang naramdaman niyang kaba tuwing makukunan niya ng larawan ang mga nasa aktong kapulisang gumagawa ng katiwalian. Gaya kanina sa Mendiola: hinampas ng truncheon ang binatang napadaan lang. napagkamalang lider ng aktibista, kinaladkad nang ayaw sumama sa kanila. Binugbog, pinagtulungan. Sa lente ng kanyang kamera sariwang dugo ang tumilamsik, lupasay sa duguang kalsada, wala ng malay ang binatang iyon. Nakita siya ng pulis na kinukuhanan niya ang nangyari. Hinabol siya, sumisigaw ang pulis, mabuti’t nakatakbo siya agad.
Takbo. Takbo, nang may maapakan siyang paa ng isang dalagang nakahandusay sa daan. Sinubukan niyang tulungan itong tumayo. Nagulat siya nang hawakan ito sa braso, ale bangon, bangon. Naramdaman niyang bali ang braso ng babae, lantang gulay. Waring di na nakakabit ang buto sa balikat. Marungis ang babae, maaaring nadapa o natulak nang nagkatakbuhan sa piket layn. Nais niyang tumulong ngunit papalapit na ang isang pulis.

Sa pagbukas ng pinto ng kwartong iyon, pumasok ang dalawang lalaki. Isang may katangkaran, naka-army cut at isang medyo pandak na parang kabuwanan na sa taba ng tiyan. Alam niyang pulis ang dalawa. Kapwa may sukbit ng baril sa tagiliran.
Nais niyang sumigaw subalit mahigpit ang pagkakabusal sa kanyang bibig at namamaga na rin ang kanyang kamay sa pilit na pagkalag sa kanyang pagkakatali, mahigpit din ang pagkakabuhol ng alambre kaya’t nang mapagod, tinikom na lang ang kamao. Tiim-bagang na nagmumura sa isip, “Mga hayop!! Mga Demonyo kayo!!!”

        Lumapit ang isa, “May gusto kang sabihin? Huling habilin?” tanong ng lalaking biglang naglabas ng patalim. Agad, malakas na kalabog sa dibdib ni Kristina nang lumapit ito sa kanya.  Pinigtal ang pagkakabusal sa bibig gamit ang matalim na patalim. Nakahinga siya ng mas maayos “Mga hayop kayo!! Ibalik niyo sakin yan!” paulit ulit, hawak ng isang lalaking mataba ang kanyang kamera. Napapikit siya nang bigla itong mag-flash sa kanyang mukha.

“…pakawalan niyo ko dito!”  sigaw niya. Nais niyang sumabog sa galit “Mga demonyo kay-”  sinupalpal agad siya ng lalaki, mabigat ang pagkakahawak sa kanyang bibig.  


“Ang daldal mo rin pala!!”
Lumaban siya ng titigan, nanlalaki ang mga mata,

“Mga taksil kayo sa bayan!” pinandilatan niya ito, pinanghahawakan ang natitira pang tapang sa dibdib.
Bigla ang bulalas ng tawa ng lalaki, “Miss Malaya, may prinsipyo kami. Peace ang Order. Sa kamay namin nagmumula ang katahimikan. At kung sinong nag-iingay, pinuputulan namin ng dila.” 

Nagbabanta ang matalim na patalim sa kanyang mukha. Mas mahigpit ang pagkakariin ng kamay ng lalaki sa kanyang bibig.
Dinuraan niya ito bigla sa mukha. Napamura ang lalaki. Nanlilisik ang mata, sinampal naman siya nito.

“Marami ka nang atraso samin. Pero wag kang mag-alala, wala kaming sama ng loob sayo. Sumusunod lang naman kami sa utos sa itaas, walang personalan,”
“sa tuta mong boss?!” pasigaw na wika ni Kristina. Ngumisi lamang ang lalaki.
“Hindi siya pwedeng tawaging boss, titulado na yun ng masa at hindi sa amo namin” napangisi ito, binitiwan siya. Tumayo. Kumuha ng sigarilyo. Nagsindi.
“Wala kayong mga kaluluwa, mga taksil kayo sa bayan…”
Napatawa bigla ang lalaki. Hithit. 
“nagsalita ang nagmamalasakit sa bayan. Miss Malaya, magkano na ba ang kinikita mo sa mga kolum mo sa tabloid? Tsk!! Ginagamit mo ang bayan, ang masa, ang mga tao…”
Buga ng usok sa hangin. “Wag kang magmalinis, ang mga kinukuha mong mga larawan, mga istorya… Tsk!”
        Muli siyang nasilaw sa ilaw ng kanyang kamera. Binusalang muli sa bibig. Inaayos ang anggulo. Siya ang nasa lente ng kanyang kamera. Larawan. Larawan. Bawat anggulo niya, bawat pwesto niya, bawat luha, bawat pagmamakaawa niya ay malinaw sa lente ng kanyang kamera.



        Malamig na umaga dahil sa ulan. Sa nanginginig na kamay ay halos malukot ang larawang tangan, na nababasa na rin dahil sa walang patid na pagpatak ng luha ni Ginang Lourdes Malaya- ina ni Kristina Malaya. Sa larawan, may busal ang bibig ng kanyang anak, may pasa ang mukha, may mga galos, punit at gula-gulanit na damit, wala nang pang-ibaba. Nakagapos ang kamay, nakatali ng alambre ang dalawang paa, nakabuka ang hita sa ibang larawan. Sa iba naman, may bote ng alak na nakapasak sa kanyang ari, nakangudngod sa lupa, nakatuwad sa lamesa, pinapasakan ng kung ano-ano ang mga bahagi ng katawang mayroong butas. Ang huling larawan, isang sunog na bangkay…
Pumatak. Malalakas na patak ng ulan ang maririnig, ngunit mas malakas parin ang pagtangis ng isang ina. Inang higit sa awa ang nadarama, kundi pagkasuklam, pagkapoot sa mga taong gumawa nito sa kanyang anak. Mga hayop! Walang kaluluwa..mga.. mas masahol pa sa demonyo. D-Demonyo! Dem… nagkalat ang mga larawan nang mawalan ng malay ang nananangis na ina. Hustisya. sa kanyang diwa marahil.. Hustisya para sa nag-iisa’t pinakamamahal, iniingatang anak, na noon ni lamok ay di makadadapo. Minsa’y balot ng belo ang ulo kahit hindi Muslim. Bantay-sarado nang tumungtong ng hayskul at may curfew hours nang nagkolehiyo. Journalism ang kinuha, kahit gusto niya para sa anak ay nurse. Magnursing ka na lang, kinausap ko na ang amiga ko na may-ari ng isang pribadong ospital. Head-nurse ka agad.
Umiling siya, noon pa nais niya nang magsiwalat ng katotohanan. Nais niyang magsulat ng balita, magmulat at mamulat sa bulok na kalakaran ng lipunan, sa sistemang panginoong may lupa, kapitalista, may katungkulan lang ang sinasamba, may salapi lang ang makabibili ng hustisya at karapatan. Matapang si Kristina, matapang ang kanyang anak… at nangamba siya para sa anak. Kahit noong nasa hayskul pa ito, nang masaksihan ni Kristina, Makita ng mismong dalawang mata ang faculty teacher sa eskwelahan sa loob ng science laboratory. May eksperimentong ginagawa ang kanyang guro sa kanyang kaklaseng babae . Walang malay na estudyanteng nakahandusay sa sahig. Kitang-kita ni Kristina ang lahat, ang pagpatong ni Mr. Amburyao sa kaklase. Siya, si Kristina Malaya na ‘tin-tin’ pa noon ang bansag ng mga kamag-aaral. Siya ang naging dahilan ng pagkakakulong nito noon, agad isinumbong sa prinsipal ng eskwelahan na noo’y ayaw pang maniwala.
“Diyos na mahabagin…” ang nasabi na lang ng prinsipal nila nang ipakita ang aktong kuhang larawan sa kanyang bagong black berry Touch Screen Cellphone. Salamat sayo Kristina Malaya at inaresto ng awtoridad ang mahalay na guro. Nakulong si Mr. Malibog, ngunit ang kanyang klasmeyt. Hindi na pumasok mula noon. Yung klasmeyt niyang iyon, na-trauma siguro sa ginawa sa kanya. Kaya ngayon, hanggang ngayon tumatambay ito sa Malate,natakot sa liwanag kaya naglagi na lang sa dilim. Gumigiling-giling. Ang nakatutuwa nito, si Mr. Amburyao nakalaya na at oo, matagal na, at buti na lang nagtuturo na uli siya sa isang private school na hindi nakaregister sa Dedped.
Sa isang pitak sa Dyaryo na tabloid na minsang pambalot ng tinapa at pampunas minsan ng salamin at bintana, siya ay isa ng journalist, isang lisensyadong mamamahayag. At para may maisulat sa sariling kolum kailangang magsiwalat ng katotohanan, kahit magkaroon pa ng banta sa sariling buhay, kahit pa mawalan ng career bilang mamamahayag nang minsang pasaringan niya ang isang kongresman na nanggahasa ng isang dalagita. Muntik na siyang ipakulong ng konggresman sa kasong libelo, paano’y umatras ang tinakot na bata sa pagtestigo. Hay! Para may maisulat sa sariling kolum, inilagay niya na ang isang paa sa hukay tuwing may iko-cover na balita. Gaya nang magkaroon ng malawakang kilos-protesta ang mga kabataang estudyante sa iba’t ibang unibersidad. Mass mobilization ng mga SUC’s upang ipaglaban ang kaukulang bugdet sa edukasyon. Kristina Malaya, inihanda mo ang isang paa sa hukay nang sa tapat ng tarangkahan ng Mendiola habang naggigirian at nagkakaroon ng tulakan, putukan, batuhan at paluan, pinangahasan mong masabak sa napipintong kapahamakan ang isa mo pang paa.   

Ngayon, Kristina Malaya sumalangit nawa ang iyong kaluluwa. Saang lupa ka man nakabaon.

Friday, June 22, 2012

May Dahilan ang mga Tikom na Kamao


May dahilan ang mga barikada
at tinik na alambre
May dahilan ang mga tangke
ng tubig na pambala sa pag-atake
May dahilan ang mga truncheon at tirgas,
Armor shield, baril at posas
May dahilan ang Molotov cocktail
Lamang ay maling pagdadahilan;
Mas may dahilan ang barikadang bisig
Mas may dahilan ang mga placard, strimmer at bandila
Na iwinawagayway ng mga kamay
Na nganginginig na sa galit
Sa kalsadang pinagmamartsahan
Ng mga paang may patutunguhan
Mas may dahilan
ang sumisigaw na tinig
sa megapono
at mas may dahilan ang mga tikom na kamao
daan ito sa pagbabago
ng sistema ng mga pagdadahilan

Sana nga

Sana nga

Sana’y maulit pang muli Panginoon
na magkaroon ng hustisya de Onor
sa Las Indio’s Villas
sa puso ng bawat anak ng mga purita
sana’y maulit muli
bigyang pansin mga nagkakamali
magkapandinig na nga ang husgado
hindi na magtengang kawali
sakaling may mahuling tiwali
paghinalaan mang katunggali
sa korona at trono
sana, bigyang oras din sila
mga kawaning abusado
mga de-sobreng husgado
abugadong manloloko
at mga biglang yamang pulitiko
sena’tong at pulpol-isya
kurakot na konggrehista
kapitalistang nang-estafa sa masa
at iba pa
sana, hindi rin sila palagpasin
ukulan ng pansin, litisin, papanagutin...

Sana’y muling maulit
Bawat boses ng masa’y madinig
“pantay na timbangan”
sabi ng tindera sa palengke
“Hindi gupit-gupit
na testamento’t dokumento”
wika ng barbero sa kanto
“Itayo ang testigo”
Hiling ng mga karpintero
at “Ipukpok na ang maso”
sigaw ng mga mason
Panginoon, hayaan mong maibaon
sa bunbunan ng bawat isa
at manatili sa puso
ang aral ng hustisya

Bagaman, sabi ng isang panadero
“kung hindi aalsa ang masa,
Walang tinapay sa mesa.”

Santiago 5:4


Sumisigaw
 
Laban sa inyo

Ang upa na hindi ninyo ibinigay

sa mga gumapas

sa inyong bukirin

Umabot sa langit

sa pandinig

ng Panginoong makapangyarihan

sa lahat

ang mga hinaing ng mga mang-aani

na inyong inaapi!

Salamat at di Mo Dininig aking Dalangin


Salamat Panginoon
Di mo dininig aking dalangin
Nang hiniling na minsa’y huwag paulanin
Ulap ay nangulimlim
at biglang dumilim
Patak ng butil sa aking damdamin
ngiting maningning pala
sa labi ng mga magsasaka
nang makainom ang nauuhaw
na lantang pananim
sa matagal nang lupang tinigang sa pag-asa
May dahilan pala
Patawad Ama.

Friday, March 23, 2012

Booksale: Pagbasa sa Espasyong Tambakan ng mga Tinintahang Papel

 “Reading makes a full man; conference a ready man and writing an exact man”
-Francis Bacon

Hindi raw mahilig magbasa ng libro ang mga Pilipino. Kung may nagbabasa man, minsan ay pabaliktad pa”, ayon kay Bob Ong sa kanyang aklat na ‘Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino’. Pabaliktad man o hindi, anong uri man ng babasahin ang binabasa? ang mahalaga ay nagbabasa parin ang mga Pilipino. Nagbabasa nga ba?
 
            Napamura ako sa unang pasok ko sa kung tawagin ko’y espasyong tambakan ng mga ibinibentang aklat o  tinintahang papel, mula sa pabalat ng libro, nakadiket ang itiketa (tag price) na nagkakahalaga ng P5.00. May kakapalan din ang libro at matigas (hardbound) ang pabalat. Tiningnan ko ang iba pang libro, may mga nagkakahalaga ng P10.00, P20.00, P25.00, P40.00 pataas. Naalala ko bigla ang mga nabili kong libro sa ilang kilalang bookstore: Merriam and Webster Bookstore, C&E Publishing House, National Bookstore at iba pa. Sa lahat ng ito, walang bababa sa P150.00 at ang pinakamahal na yatang nabili kong libro ay nagkakahalaga ng P750.00. Nakaramdam ako ng panghihinayang, mahilig ako sa libro at pinag-iipunan ko ito, mula sa baon kong P100.00, nagtitira pa ko kahit P10.00 o P5.00.  Kung tutuusin pwede kong sabihing kolektor ako ng libro, pero yung mga trip o gusto ko lang bilihin at syempre yung mga librong kakasya sa aking budget.
Kumanta tuloy sa isip ko ang paboritong mang-aawit, “Bakit ngayon ka lang, Bakit ngayon kung kelan ang aking bulsa’y, ubos na ang laman…” natawa tuloy ako at nanghinayang pang lalo, kung bakit kailan lang ipinakilala sa akin ang espasyong tambakan na ito na kung tawagin ay “Booksale”.  Salamat sa aking ‘kritikong guro’ (na kolektor din yata ng libro at mahilig magbasa) nang minsan niya akong isama rito. Kung noon pa, malamang magiging tambakan na rin ng libro ang aking silid, mabubulunan ang mga estante ng libro sa aking munting kabinet, kung susumahin ko ang nabili kong pagkamahal-mahal na libro noon at ibibili ngayon ng mga mumurahing libro sa “Booksale”.
           
            Napansin kong iisa ang mukha o pwesto ng bawat espasyong tambakan, walang masyadong pinag-iba sa iba pang branches ng Booksale. Puno ng libro, nasa maayos na lalagyang hile-helera, may kanya-kayang estante, magkakasama ang magkakaparehas na kategorya, textbooks, Magazines, pocket books, Medicinal books, religious books, drawing books, alamanac, dictionaries, comics at iba pa. May roon ding ilang mga school supplies: notebooks, pencil, ballpens, paper pads, clips at iba pa. Ang lahat ay nasa mas mababang halaga kumpara sa ibang bilihan. Kaya nga siguro Booksale ang pangalan ng store, sapagkat sale na ang lahat ng produktong naririto.

            Tuwing maiisipan kong bumili sa “Booksale”, marami akong napapansing mga pumipili, tumitingin-tingin, nagbabasa-basa at bumibili, matanda, bata, binata, dalaga, empleyado, estudyante at iba pang uri ng tao, na waring labis rin ang kanilang tuwang nararamdaman (gaya ko) sa paghahalukay ng mga mumurahing libro sa espasyong tambakan na iyon, ang “Booksale”, sa branch ng SM Novaliches. Patunay lamang na marami rin talaga ang nagbabasa.

            Mas madalas ako sa branch na ito ng Booksale sa SM Novaliches sapagkat mas malapit ito sa aking pinapasukang paaralan sa QCPU kung saan ako ay Student Teacher, nagtuturo ng asignaturang “Pagbasa at Pagsulat tungo sa Pananaliksik”, bagamat napapadpad din ako sa iba pang mga branch ng Booksale sa Maynila. Kung tutuusin may mga pagkakaiba rin ang bawat branches sa aspeto ng layo ng lugar, dami at ganda ng libro at maging sa pagkakaiba-iba ng mga presyo. Halimbawa, ang Booksale sa Farmers Cubao ang pinakaayoko, dahil bihira akong makakita nang mas murang libro doon, kakaunti lang ang mga may presyong sampu, bente pesos o mas mababa pa doon. Karamihan ay P50.00 pesos pataas, at minsan ay wala akong nakikitang magagandang libro na magugustuhan ko. Maaaring dahil sa kakaunti lang ang nagagawi sa branch na ito, at ibinabagsak dito ang ilang napu-pull-out na librong hindi nabibenta sa ibang branch.  Gaya ng sinabi ni kuyang salesman ng Booksale sa branch ng Sm Novaliches nang minsang naitanong ko kung bakit may mga branch na ganito,
            “depende rin sa dagsa ng tao, gaya dito…” paliwanag niya sa akin.
            “at dito nagrerequest talaga ako nang mas maraming mura, P10.00, P20.00, P40.00, kasi maraming estudyante ang bumibili at karaniwang kunukuha nila’y mga ganitong halaga.”
Minsan nakadepende rin pala sa mga mamimili ang mga ibinibenta nila, gaya na lamang siguro ng sa akin, kalahati ng mga nabili kong libro ay sa branch ng Sm Novaliches nabili dahil nga doon ay mas maraming mas mura. Subalit napansin ko rin na umiikot lang ang mga libro sa iba’t ibang branch, kapag napagpilian na, matagal nang hindi nabbibili at dapat nang i-pull-out, ibabagsak ito sa ibang branch. Kaya minsan parang magkakamukha ang mga nakikita kong libro. Parang dati ko nang nabasa pero hindi nabili, o  nabili ko na pero hindi ko lang nababasa kaya bibilihin ko ulit at malalaman kong nakabili na pala ako nang ganoon ding libro.
           
            Marami na kong nabiling libro na karamihan o halos lahat ay galing ng Booksale. Karamihan nilulumot na o inaanay na dahil sa tagal nang nakatambak sa bahay, at sa wala pang panahon para pag-ukulan ng oras sa pagbabasa. Naalala ko tuloy ang sinabi ni Stephen king  “kung wala kang panahon sa pagbabasa, wala ka ring panahon at kagamitan sa pagsulat.” Magkaakibat ang dalawang kasanayan na ito sa bawat pagkakataon. Di ka makakapagbasa kung walang nakasulat at paano makakapagsulat kung wala ang pagbabasa (ng mga simbolo at kaganapan sa kapaligiran). Sa ganang ito, waring nasagot ko na rin ang tanong ko sa isip na “nagbabasa nga ba ng libro ang mga Pilipino?”. Papaanong magbabasa ang mga Pilipino, kung wala namang mga libro (partikular sa Filipino). Pansinin ang mga bookshelves (estante ng libro sa National Bookstore o sa iba pang bookstore) dominante ng librong Ingles, librong gawang banyaga. Kung may lokal na akda man nasa wikang Ingles rin, na gawa ng mga Pilipinong nagsusulat sa wikang Ingles. Kung may nasa wikang Filipino naman ay asahang may kamahalan ang presyo. Kung may mura man, ito yung mga maliliit na librong may temang “magpakilig”, ang mga Pocket books Kung tawagin. Nakalulungkot isipin na sa Booksale mismo, wala akong mahagilap, mahanap na librong nakalimbag sa Filipino. Hindi ko tuloy maiwasang mangarap na sana dumating ang araw na sumikhay ang paglilimbag ng mga aklat sa Pilipinas na nakasulat sa wikang Filipino. At sa Booksale, ang mga lokal na libro ang nakikita, mabibili nang mura.
            Sa tapik ni kuyang salesman, nagulat ako. Nalaglag ang hawak kong libro. At doon nagbalik ako sa realidad na nasa loob ako ng Booksale. Napangiti ako sa sinabi ni kuyang Salesman, “ pasensya na, bawal po ang private reading…”  Pinulot ko ang nalaglag na libro at agad ibinalik sa pinagkuhanan kasama ng iba pang nakahanay na mga libro. Bawal ang private reading. Kapag napansin ka ng bantay, na 20 minuto ka nang nagbabasa sa iisang librong hawak, sisitahin ka. Ilang beses na kong nakaranas na masita at masabihang “bawal po ang private reading”. May ilan akong napansin na dahilan ng mga nagpa-private reading. Una: may mga librong makakakuha ng atensyon ng isang bumibili, babasahin niya ang ilang pahina, magagandahan, titingnan ang itiketa sa pabalat, mahal ang libro at hindi kasya ang budget. Kung hindi niya mabibili ngayon, ay tiyak may makakakuha nito, ngunit hindi talaga mabibili dahil sa walang sapat na pera, kaya babasahin na lang niya ang ilan pang pahina, hanggang sa masita siya. (nangyari ito sakin noong nakaraang linggo) Pangalawa: gaya ng napansin kong binata, mga 15 minuto na ang nakakalipas ay hawak lang niya ang iisang libro na iyon. Lihim kong pinagmamasdan ang kanyang kilos at ayos,  nasa isang sulok lang siya, at sa pwestong walang masyadong nagagawi, sa bawat paglipat niya ng pahina’y mapapansin kong mapapangiti siya, mangingisi, manlalaki nang bahagya ang mga mata, pinagpapawisan rin siya (bagamat malamig naman ang lugar, dahil nasa loob ito ng mall ) ,ano kaya ang kanyang binabasa. pumunta ako sa kanyang pwesto, at nang masilip ko’y nalaman kong ito pala ay “Photograph Magazine” ng mga nakahubad na babae. Nakaramdam ang binata, ibinaba ang hawak, ibinalik sa kinuhanan at lumabas rin agad ng Booksale. Ikatlo: May napansin naman akong nagtetext habang tangan ang isang libro, ilang minuto na rin na tangan niya ang iisang libro na iyon, akala ko’y may katext siya. Nang mapalapit ako sa kanya, at sinadyang patagong sumilip sa kanyang selpown, nakumpirma kong hindi nga siya nagtetext para magpadala ng mensahe, kundi isinusulat niya ang mga quotes na nasa librong iyon.

            Nakarating na ko sa Dumpsite sa Payatas, sa tambakan ng basurang pinagpipyestahan ng mga langaw, bangaw at mga nangangalakal. Ang larawang ito’y sumagi sa aking balintataw nang marinig ko ang nag-uusap na dalawang lalaki na naghahalukay rin ng mga libro.
“Basura na ‘to sa ibang bansa, binibili pa rin natin…” ,anas ng isang binatang naka-uniporme.
“Gago ‘pre ginto yan!”, wika naman ng kasama nito.
“Ou nga! May ginto sa basura”
“hehe.. limampisong ginto o!”, wika niya sabay tawanan ang dalawa.
            Nangamoy ang ideyang ito sa marupok kong bunbunan, sadyang masinop ang mga Pilipino. Napapakinabangan nga natin ang mga bagay na tinatapon ng iba. Ngunit, isang malaki nga bang tambakan ng basura ng ibang bansa ang Pilipinas? Naalala ko, nang nilagdaan ni Manuel L. Quezon ang Bill Trade Act, matapos ang WWII, itinuring ng mga Pilipino na isa itong regalo ng bansang Estados Unidos, ang pagbubukas ng kalakal ng ibang bansa nang walang taripa o buwis upang makabangon (daw) ang Pilipinas sa malawak na pagkawasak. Matapos ang 50 taon, sa pagtatapos ng kasunduang ito, walang pasubaling pinirmahan naman ng “amboy” na si Manuel Roxas ang Parity Right na nagsasaad na bukas na kalakalan sa ibang bansa nang walang taripa o buwis at sa habang panahon. Kaya nga’t nagdatingan ang mga Surplus, o sobrang produkto ng ibang bansa, minsan ay mga basura na nila ay pinapadala sa Pilipinas at tayo naman ang kukonsumo. Gaya ng mga librong ito, 2nd hand na halos, bagamit maayos pa naman, ang mahalaga nito nagagamit ito nang Pilipinong mahilig magbasa.

            Ang kailangan lang marunong kang pumili nang aklat. Tuwing kasama ko ang aking Kritikong guro, napapansin ko kung paano siya pumipili ng libro, bawat sulok ay sinusuyod niya, maging ang mga librong nasa pinakailalim na o mga natatabunan na. Binabasa, sinisipat niya ang pabalat ng aklat, ang titulo at sub-titulo ay mahalaga para malaman agad ang paksain ng isang libro. Minsan ay dapat din daw na dumipende sa kung ano ang kinahihiligan mo, para tiyak na magagamit at masusulit mo talaga ang librong nabili mo. Lahat naman ng tema at paksain ay makikita mo, lamang kung matututo kang maghalungkat at magtyaga. Sabi nga kung may tyaga may librong makukuha na medyo medyo pa lang ang pagkaluma. Kahit ano pa man, salamat sa Booksale, at sa pagkakataong nakakalusot sa pagpa-private reading.

            Maikwento ko lang, may isa akong kalokohan na nagawa sa Booksale noon, may magandang libro akong nakita ngunit nagkakahalaga ng P125.00, gustong-gusto ko ang libro, pero nakakainis dahil sa sobrang mahal nito. Nakakita ako ng isang libro na may mababang presyo, tinanggal ko ang presyo at dali-daling ipinalit sa nais kong libro. Binayaran ko lang ng P20.00, nakalusot ako.  Sa bus papauwi, habang nanabik na basahin ang libro pagnakauwi na sa bahay, malas namang nakatulog ako at nagising na lang sa bus na laslas na ang aking suot na pantalon, nilaslas yata gamit ang blade ng kung sinumang walang hiya! nawala na ang aking wallet na may lamang P200.00,  at naputol pa ang aking I.D lace. Mura ang nabili kong libro! Mura!Mura!! Mura!!! Mura!!!!