Wednesday, December 1, 2010

FLAG CEREMONY

ni Reymond S. Cuison noong Huwebes, Nobyembre 18, 2010 nang 1:02 PM

Bayang magiliw, perlas ng silanganan
Alab ng puso, sa dibdib mo'y buhay...

Sa ritmo ng Pambansang Awit
sumasaliw, sumasabay
sa dibdib ni Andres
nakalagay ang kanang kamay
Sagisag na tunay na pagdadakila sa bayan
tunay na pagkamakabayan
sa lupang tinubos ng kasaysayan

Sa kaliwang kamay
isang karit na panabas ng damo sa bukid
hawak ay pinahihigpit ng galit
"nasaan na ang bunga ng aming paghihimagsik
piniga na ba ng mga gahaman at ganid
kinuha ang tamis
at iniwan ay pait
nagpapasasa sa bunga ng aming pagpapawis"
masisibang katutubo,
asendero't propetaryo
ang mga bagong kolonyo

mga bagong mananakop
sa lupaing pinipintuho
mga kastilaloy ang isip,
o mala-kano ang dibdib
parehong mangagsisimatay
sa aming mga bisig
at ngayon, mga gahamang katutubo
na nag-iibang anyo
burukrata-kapitalista
mga tuta ng kano
mapandayuan ang kokote
ng mga asendero't propetaryo
ng mga bagong kolonyo
kailangan nang tabasin, wakasan
ang pagmamalabis...

sa muling pagpupugay ng aming karit,
ng aming mga gurlis
naming ilandaang taon nang nakasubsob
ang mga kamay sa putik
naming dugo at pawis ang inalay
sa lupang sila lang ang nagpapasasa
sa mga bunga at ani
naming hindi na makatitiis ng pang-aapi
sa pang-aalipin
mga bagong kolonyo
mga kolonyong nag-iibang anyo
burukrata-kapitalismo
mga tuta ng kano!
asendero't propetaryo

kailangan nang wasakin, patayin
nang kami naman ang makatikim
ng aming mga tanim
hawak ang karit
na pinatalim ng inyong pambubusabos sa amin
sabay naming itataas, ibabandila sa langit
kanilang pugot na mga ulo
na tumutulo pa ang napakalansang dugo...

Nang masabi
"ako'y isang tunay na Pilipino!"
at malaya nang makaaawit
 nang maluwag sa puso

"Aming ligaya na pag may nang-aapi
Ang Pumatay nang dahil sa iyo..."

Sunday, October 24, 2010

QC's Queen of the Camera

ni Reymond S. Cuison noong Lunes, Oktubre 11, 2010 nang 10:24 PM
NADARAMA KO
GANYANG PAKIRAMDAM
IYONG PANANABIK NA MASILAYAN
UNANG SILAHIS NG DAKILANG ARAW
PAGKAT SA IYONG PAGHIHINTAY
NADARAMA KO
KABA AT TAKOT MO
SA LANGIT NA INAASAHAN SA IYO
NG MGA PITA AT MAKAMUNDONG PAGNANAIS,
PAGKAGUSTO

NADARAMA KO
PAGKAT TULAD NG SINUMANG ADAN
NA NAGHIHINTAY NG PANTAY-SERBISYO
SA ILALAAN NILANG BILANG NG BAWAT PISO
AY NAGHIHINTAY RIN AKO
SA PAGPINID MO NG SARSADURA
NG AKING KWARTO,
NG AKING HACIENDA'T PALASYO
UPANG AGAD MAIPINTA
NG MAKINARYA-PINTADO
ATING PANGANGABAYO
SA GANOON
MARIRINIG KO
PALAKPAKAN NG MGA TAO
SA HUSAY AT GALING NG IYONG TRABAHO
PANGANGARERA SA AKING KWARTO...

IKAW ANG KABAYO AKO ANG AMO...

Utak-Pandesal?

 Si P-noy kung itambal
pwede rin sa pandesal
utak na kinukupal
ilako man ay mahal

(J)OBERPASS

Oh! Mariong sakdal bulag
sa oberpas nakalahad
istilo sa pagbabanat
ng buto ay anong hirap?

Mga kamay nangangalay
habang nakaupo sa may tulay
pahinga lamang ay dighay
ay! ay! ay!

Nang naghulog ng barya
ang bukas palad kunwari
tunog man ay kaunti
ay anong sarap damahin
ay! ay! ay!
Si Mariong sakdal bulag
sumisimple ng tingin

Sunday, September 12, 2010

“Epiko sa Inang Kalikasan”

 EPIKO SA INANG KALIKASAN

Ng Dulaang-Suhayfil at ABfilipino

Scene 1: Ang nilikha
Tsant / Movements/ Multi-Midya: kagandahan ng Kalikasan)

Babaylan: Nilikha ni Bathala
ang langit at ang lupa
at lahat ng magandang
tanawing makikita.

ang dalisay na agos
sa may talon at ilog,
ang nananahang hayop,
sa talampas at bundok,

sa mayamang bukirin
luntiang kapatagan,
sa ating karagatan
at inang kabundukan

Ang init na nagmula
Sa’ting dakilang araw
nagbibigay ng kulay
at liwanag sa buhay

at ang simoy ng hanging
malayang nalalanghap
at ang tubig na siyang
sa mundo’y yumayakap

oh! Kay sarap mabuhay
sa mundong mahiwaga,
paraisong nilikha
ni Dakilang Bathala…

/Instrumental (chanting with movements)
Scene 2: pag-aalay
Bathala (Invocation) / Multi-Midya : Mayamang kapaligiran
“Bathala”
Awit ni: Joey ayala
Scene 3: Pagkasira
Ethnic Dance/ Trival/ multi-midya: problema sa kapaligiran

Babaylan: Ngunit ang paraiso
Bakit biglang nagbago?
Kabunduka’y nakalbo
Naglaho mga puno,

Luntiang kapatagan
ay sinunog nang husto
Nilagyan ng hangganan
nang mga hasyendero
Ngayon ay tinayuan
ng gusali’t tahanan
na para sa kanilang
sariling kapakanan

Sa dagat, ilog, talon
na biglang dinumihan
Plastic, tingga, basura’t
Kemikal ang nanahan
Dumumi mga sapa
Namatay mga isda
Kabuhayan nawala
sadyang kaawa-awa!
Ngayon ay magtataka
sa matinding pagbaha?

Init mula sa araw
Ngayo’y nakasisilaw
Pagtanglaw na kay hapdi,
Balat mo’y tinutunaw

Hangin na nilalanghap
Kay itim kung mahagap
Paghinga’y hinahatak
ng pulusyon sa ulap

Oh! Wag nawang isumpa
ang mabuhay sa lupa,
at damhin mo ang pusong
may habag sa nilikha

Scene 4: Diskusyon ng kumunidad
 Tsant/ (Habang sumasayaw ng pag-ani ang mga mamamayan 
ay biglang papasok ang tagapag-balita)

Tagapagbalita: Kalatas! May kalatas,
Makinig sa kalatas
Na sa nayon nagmula

Pagbukas ng minahan
Sa inang kabundukan
ay pinagpaplanuhan,
Balak nang pasimulan

Tao 1: Minahan?!

Tao 2: Samakat’wid ay yaman
bungkos ng kayamanan
tiklis ng ginto’t pera
‘sang balitang kay ganda!

Tao 3: Tama! Ang aming dasal
ay matutupad na nga
Hinging kaginhawahan
makakamtan nang kusa!

Tao 4: Kaginhawahan nga ba?!
Ang inang kabundukan
ay pagsasamantalahan,
Lihim na nanakawan
ang nakatagong yaman

Tao 5: Sumasang-ayon ako!
Maghunos dili tayo,
Sa minahan ng dayo
tayo ba’y sigurado?
Anong pagpapala ba
ang ating matatamo?
Mayroon nga ba? Ano?

Tao 1: Hanapbuhay! Hustong suweldo!!
at ang balita ko nga
Magbibigay sila ng
Pataba at Abono,
sa humihinang ani
nitong palay at trigo 

Tao 4:    Sa humihinang ani
Nating palay at trigo?
Tanto naman natin na
Di panahon ng ani
Kaya’t di masisisi
Bakit tayo aasa
Sa minahan ng iba?
Kung kaya naman natin
Na tumayo’t magkusa

Tao 5: S’yang tama!

Tao 2: Sa’ting panahon ngayon
Maiisip pa ba yan?
ilang buwan na nga rin
Ang pagbubungkal nati’y
Nauuwi sa wala,
Pinepeste ang lupa.
Kaya’t ang ani natin
ay sadya ngang mahina

Taumbayan: tama! Tama nga naman!
(bulungan)

Babaylan: at isang pagtatalo
Ang naganap sa tribo
Mula sa may minahang
Dayo ang magtatayo

Tagapagsalita: Paparating ang Datu!
Magbigay galang tayo.

Datu: Nais kong mamagitan
sa usapin na iyan
una ko nang natanto
ang nasabing minahan
Batid ko rin ang daing
Oh! aking mamamayan
Marapat at dapat na
nating masulusyunan

Tao 3: Oo, Mahal na Datu
Kaya’t pagsang-ayon n’yo
sa minaha’y kelangan,
Sulusyon ‘tong madali
sa ating kahirapan

Taumbayan: Oo, Tama nga naman!
(ingay ng pagsang-ayon)

Datu: Sandali! Mga mahal,
Ang kailangan nati’y
sulusyong magtatagal,
ang padalusdalus ay
gawain ng napapagal

Batid kong ang problema
sa tanima’y malala
Kailangang masagot
problema’y sa’n nagmula?

Sa minaha’y tanong din
pag-unlad ba’y darating
alok ba nila sati’y
sulusyong matuturing?
Tradisyong pamumuhay
dapat nga bang ibahin?

Oh! Wag kayong namamanglaw
Sa’ting tinatahak
Sulusyong kailangan
Planuhin nating dapat
Problema’y malulutas
Mabibigyan ng landas

Batid n’yong mahina na
ang katawan ko’t gana
Paglutas sa problema’y
baka di na magawa

Ngayon, aking mungkahi
Lalaking natatangi
Magsisilbing haligi
sa aki’y hahalili
Handang-handang mag-alay
Katalinuhang taglay,
Katapangan at buhay
Kahit siya’y mamatay…

( ang mga bulungan ng mga tao’y mahihinto nang kumulog bigla, 
bubuhos ang ulan…gayong mataas ang sikat ng araw. 
Hiyawan ang mga tao, magpupulasan mula sa kanilang pwesto. 
maiiwan ang isang binatang tila malalim ang iniisip)

Scene 5: sa gitna ng ulan/

“ulan sa siyudad”
Awit ni: Joey Ayala

(Sa gitna ng pag-ulan, doo’y may nakatayo
ang binatang si lakman, binatang matipuno)


Scene 6: Panaginip
Tsant / multimedia /
(binatang si Lakman ay mahimbing ang pagtulog)

Isang Tinig: Ikaw, tao, Oh! ikaw
Ikaw Oh! tanging ikaw…

Sa iyong henerasyon
Daigdig mo’y babangon
Mula sa pagkalugmok
Sayong kahapo’t ngayon

(INSERT: MULTIMEDIA VOICE OVER)

Ikaw, ikaw oh! Tao,
Pagmalasakitan mo
Kapaligirang ito
Nagsusumamo ako…
Kaming lahat, sa iyo…

(magigising si Lakman)

Scene 7: Ang pagpili
(bulung-bulungan)

Tagapagsalita: mataas na pagbati
Sa’ting mahal na Datu
(yuyukod ang mga tao)

Tao 1: Aming mahal na Datu
Sa inyo po’y tanong ko,
Napupusuan ninyo
Hangad naming matanto

Taumbayan: Opo! Gayon din kami?!
Sino pong natatangi
Ang inyo pong napili?!

Datu: pagpili ba’y dapat o
Buluntaryong pagtanggap
Lahat, karapat-dapat
Mangalaga sa pangkat

Tao 6: ngalan po ni ka Barok
Kilala sa’n mang pook
Talino’y di maarok

Kilala naming higit
Mapagkatiwalaan
Siya na lang po kaya
Ang inyo pong inirang

Taumbayan: Si ka barok?! Siya nga!!!
(bulungan)

Pinagpala: Sa mahal naming Datu
Mawalang galang na po!
May alam akong taong
Mas pupwedeng magpuno
Ng hinging kasagutan
Sa ‘ting pangangailangan

Taumbayan: Sino?! Sino kaya ‘yun?

Pinagpala: Ako! Si Pinagpala
Kilalang Mandirigma
Sa sarili’y tiwala
Matapang, may kusa
Buhay man itataya!

Taumbayan: si pinagpala??! Tama!!!
Dakilang mandirigma!!!

Lakman: Mawalang galang rin po!
Aming mahal na Datu,
Sa’king panaginip po’y
Mayroong natanto

Lahat po’y itinakda
Ng dakilang batahala
na tagapangalaga
ng sinilangang lupa
Magtatanggol sa nayon
na kanyang pinagpala!

Tao 3: parang ‘yong sinasabi
Na ikaw ang napili
Lalaking hahalili’y
Tagapag-alay lamang
Bulaklak at papuri
tanging alam at gawi

Datu: sige lamang binata
Ikaw ay magsalita


Lakman: salamat po pinuno
sa mabuting loob n’yo
nais ko pong ikwento
itong panaginip ko

Doon po’y nakita ko’y
Luntiang kapatagan
na ginawang bakuran,
nilagyan ng hanggana’t
hayop ang pinatir’han

nakita ko po doon
ang dagat, ilog, talon
na biglang dinumihan
plastic, tingga, basura’t
Kemikal ang nanahan

ako po’y may narinig
‘sang mahiwagang tinig
sa aking panaginip
sila po’y humihibik

panangis nila’y “huwag
minaha’y itiwalag
doon po’y nakita ko
Kabundukang pinatag
Kinalbong walang habag
matapos na pagkunan
ng bato, ginto’t hiyas

sa tinig nila nagmula
na lahat ay tinakda,
ng dakilang bathala,
na s’yang mangangalaga
ng sinilangang lupa…

Tao 1: kung lahat itinakda
Maging ikaw na bata
Maaring mag-aruga?
Anong pangangalaga
Ang iyong mabibigay
Pano ‘to magagawa?

Tao 2: pa’no patutunayan
tinig ni bathala
ano ang iyong patunay
na maipapakita

tao 5: Panaginip ay tanda
ng mensaheng nagmula
kay dakilang bathala

Datu: Dunong ta kaalaman
Karunungang kaylangan
sa ‘ting karatig bayan
ay ating makakamtan
ngayon ay maglalakbay
Kayong tatlo’y hinirang

Pinagpala: Salamat aming datu
Galing nami’y natanto
Pagsubok man ito
O sami’y isang hamon
Kami’y hindi uurong!

Barok: S-s-s’ya? nga! Ako’y tataya

Lakman: isang karangalan po

Datu: aking itatalaga
Paglalakbay sa nayon
Ay pasimulan n’yo na!

sa layuning pagkalap
karunungang hangad
para sa kasagutan
problemang nailahad
(ritwal ng pagbabasbas)

Tagapagsalita: Datu’y nagdesisyon na
Di pwedeng ikundina
Paglalakbay sa nayo’y
Ngayo’y magsisimula

Scene 8: Unang paglalakbay
Tsant /multimedia: kagubatan…

Babaylan: Gayun na lamang sila
na magpas’yang magsimula
sa hilaga doon nila
ginuhit ang tadhana

kagubatang masukal
ang kanilang tinahak
sa sala-salabat na
gubat ay naglagalag

nang miminsang sila ay
may narinig na tinig
ng mumunting paghibik,
nakita ng tatlo ang
batang nasa panganib

(batang pinapalibutan ng mga masasamang lalaki… 
darating ang tatlo upang iligtas ang isa. 
Subalit hindi sanay sa pakikipaglaban gamit ang lakas -ang si barok. 
Siya’y matatamaan ng sibat ng kalaban)
Maililigtas nila si tiwadi. 
Tsant/ transisyon ng tribo ni tawadi –anak ng isang Datu. 
Pagpapasalamat sa dalawa…

(SA TRIBO NI TAWADI):
(Isang salusalo ang inialay ng datu sa mga nagligtas sa kanyang anak – kakain sa hapag si Pinagpila habang mag-uusap sina Tawadi’t Lakman)

DATU: Lubos ang pasalamat
Sa inyo’y ginagawad
Sa pagkaligtas niyo
Saking mahal na anak

(palakpakan, isang piging, kasayahan)

Pinagpala: Datu walang anuman
Ano pa ang dahilan
Ng aming kakisigan
Kung di makakatulong
Sa nangangailangan

Lakman: Wala pong anuman

Datu: Kasiyaha’y simulan

(piging)
(nag-uusap si lakman at tawadi)

Tawadi: pasasalamat sa’yo
Hatid ng aming tribo

Lakman: Sami’y walang anuman
Ito nga’y karangalan
Makatulong sa isang
D’wata ng kagandahan

Tawadi: wala akong masabi
sa tapang at kisig nyo
ngunit merong natanto
kayo pala’y bolero
karangalan din naman
makatagpo ng isang…
manlalakbay na hirang?

Lakman: manlalakbay na hirang?
Oo, manlalakbay nga.
May layuning dalisay
May dakilang adhika

Tawadi: dalisay na layunin?
Katulad po ng ano?
Kung mararapatin nyo
Nais ko pong matanto

Lakman: layuni’y karunungan
Sa kung pa’no ba namin
Mabibigay kasagutan
Pagbukas ng minahan
Sa aming kabundukan
Dapat bang sang-ayunan?

Tawadi: suliraning kay bigat
Ang inyong nasiwalat
Paano na ang gubat?
Karikta’y mawawasak
Paano na ang ibon
Sa panahon ng tag-ulan
Punong inaasahan
Di na mapugaran
Lalambot itong lupa
Tagasipsip ay wala
Ang malinis na hangin
Baka di na malanghap
Paano na ang tubig
Sa talon, ilog, dagat?
Pag-agos ay banayad
Pa’no ang kalikasan
Masisira bang lahat?
(luluha)

Lakman: Tahan na… pangamba mo
Hangad ko ay mawala

Tawadi: Ang Inang kalikasan?

Lakman: Di ko yan hahayaan

(biglang bubuhos ang ulan 
(insert SUGATANG LANGIT… 
magtatampisaw sa ulan si Tawadi at Lakman)

Datu: At bilang pagkilala
Tanggapin nyo nawa
Kwintas ng pagkadakila
Ito ay simbolo rin
Pagkakaibigan natin

(pagsasabit ng kwintas kay lakman at Pinagpala)

Babaylan: sa unang paglalakbay
nagbuwis man ng buhay
sa pagkam’tay ni barok
‘sang ritwal ang inalay

At muli nilang tinahak
Ang panibaging landas…

Scene 9 : pangalawang paglalakbay
sa silangang bahagi ng Luzon/

babaylan: dalawa’y nagpatuloy
sa muling paglalakbay
lakas sa puso’y taglay
ng panahong pinanday

ngunit sa paglalakbay
doon sa kabunduka’y
kanilang natagpuan
tribong nasa digmaan
na ngayo’y nagtatalo
sa lupai’t teritoryo

(dalawang tribo, nag-aaway sa hangganan ng kanilang lupain, 
darating sa pagitan sila lakman at pinagpala… 
papanig si pinagpala sa kabila at si lakman sa iba)
Pinuno 1: kayo ay mapag-angkin
Lupang ito’y sa amin

Pinuno 2: amin itong lupain
Ang dapat magmay-ari
Sa lupang binungkal n’min

PInuno 1: Malaking kahangalan

Pinuno 2: Ay hangal ka rin naman!

Pinagpala: Saglit! Katahimikan!
Bangayan ng bangayan!

Pinuno 2: Sino kang tampalasang
Sami’y nangingialam?!

Lakman: kami’y manlalakbay lang
Mula sa kung saan
Kapayapaa’y hangad
Ninanais makamtam

Lalaki: Pinuno… ang kwintas n’ya
(ituro si lakman)

Pinuno 1: bakit suot-suot nyo
Kwintas ng pagdakila
Mula iyan sa tribo
Na nagbigay sa akin
Nitong matabang lupa

Pinuno 2: hindi sa’yo! sa akin!

Pinuno 1: isang hangal kang tunay!

Lakman: Kwintas na ‘to’y nagmula
Sa nasabi nyong tribo

Pinagpala: kaibigan ko ang datu
Kaibigan nami’y datu

Labanan sa lupain
Inyong matutuldukan
Magkaroon ng labanan
Sa inyong pagitan
Sino man ang magwagi
Siyang may karapatan

Lakman: Hindi laging solusyon
Ang pagtugon sa laban
Kayo’y iisang tribo
Bakit nag-aalitan?

Bakit hindi na lamang
Ninyo ‘tong pagtulungan
Magkaisa’t alagaan
‘tong lupang tinitirhan
Na wala ng buhay na
Maaring matuldukan

(at sa wakas matapos ang alitan ng dalawa. 
Ginantimpalaan ng dalawang datu si lakman/ tsant)

Scene 10: pangatlong paglalakbay

Babaylan: Sa daang pabalik na
Sa tribong sinisinta
Si lakma’y napadaan
Sa lungsod ay napunta

(Multi-media/ mga nagtatayugang gusali, 
mga Sali’t salit na sasakyan, tren, jeep, lrt, bus, 
at sa himpapawid, mga pabrika, mga bagay na di karaniwan sa kanya)

Pinagpala: kayganda naman dito
Sadyang makabago
Hindi nakapagtataka
Ba’t buhay dito’y iba

Mas iibigin ko pang
Tumira nalang dito.
Lakman: wag ka nawang malinlang
ilusyon nitong bayan

Pinagpala: Kay gandang kalunsuran…
(may mapupulot na pahayagan si lakman,
Wari’y isang mahalagang bagay ang kanyang natagpuan… itinago niya ito)

Babaylan: sa daan makikita
Babaeng mahiwagang
Maaakit sa kan’lang
Samyo ng paghalina
(ang mahiwagang babae ay aakitin si lakman at pinagpala. 
Sayaw ng pag-akit. Babagsak sa kandungan ng babae si pinagpala)

Mistika : Makisig na binata
Langhapin mo ang samyo
Amoy ng pagbabago
Ng kalunsurang ito

Hipuin mo ang talas
Ng pag-unlad ng mundo
Ipasok sa sintido
Ibaon sayong puso
Itong modernalismo
Mundong sibilisado
Malayung malayo ba
Sa tribong sinisinta
Halika’t hagkan mo na
Sipingan ang hiwaga

Dito na lamang tayo
Dito lamang mahal ko…

(mamamatay ang ilaw, maiiwang lango sa kalituhan si pinagpala. 
Makikita ni lakman na lango na si pinagpala sa kaalindugan ng dalawa. Iiwan ni lakman si pinagpala.)

Pinagpala: Aaaahh…!

(nang siya na lang ang mag-isang naglalakbay 
ay napunta siya sa gitnang Luzon. 
At doon ay nakita niya ang kaunlaran ng lunsod, ang sibilisasyon.
Ngunit hindi naging maganda ang impresyon nito sa kanya… 
ang nagtatayugang gusali na halos hindi na maliparan ng mga ibon… 
ni wala nang mga puno na nagbibigay ng sariwang hangin sa tao. 
Kaya marahil ang usok ay naging itim na at hindi na sariwa… 
nakalalason ang usok ng mga sasakyan, sa himpapawid man o sa lupa.
At ang mga pabrika’y gayun ding may binubugang usok, at umaagos naman sa estero ang mga kemikal nito, na nagpapatuloy sa mga ilog hanggang makarating sa dagat…
Gabi. May nakilala siyang babae sa daan… isang babaeng maganda ang hubog ng katawan. At inakit siya nito. Sinabi pang magsama na sila. At huwag na siyang umalis, magsama na lang sila… huwag na siyang bumalik sa kanyang tribo… natulog silang magkatabi! nalaglag sa bitag si pinagpala…)

Scene 11: ang mga dayo

Babaylan: Lakman nasaan ka na
Ikaw ba’y nasukol na?
Ng iyong panghihina.

Mr. Mc Chow: oh! Mga minamahal
Batid n’yong ang minaha’y
Hindi na magtatagal
At ang pagpapagal nyo’y
Masasagot ding agad

Babaylan: mapambulag na sal’ta
Damdamin ay nakuha
Bigay na pagpapala
Abono at pataba
Pagkain at salapi
Gamit na natatangi
Sa salita’y nahabi
Dayuhan ay nagwagi
Tribo ay nakapili
sa pagsang ayon nauwi

(sa tribo ni lakman:/ may pagpupulong na nagaganap.
Ang nagsasalita ay ang kapitalistang si Mr. Mc Chow, 
sa kanyang litanya ibibibida niya ang mga magagandang bagay
tungkol sa pagpapatayo ng minahan sa kanilang lugar, 
sa kanilang kabundukan… nandiyan ang trabahong maibibigay sa kanila, 
ang ibibigay nilang pataba at abono sa kanilang pananim,
ang pagkakaroon ng linya ng kuryente na daan sa pagiging sibilisado ng kanilang lugar… 
at ang ilan pang pang-uuto 
upang hindi na nila magawa pang tanggihan ang pagbubukas ng minahan!)
Scene 12: Ang pag-uwi ni lakman
(sa kalagitnaan ng pagpupulong 
at pagbibigay ng mga pataba at pagkain 
ay biglang dadating si lakman)
Babaylan: mga taong binulag
Nitong pagkagahaman
Biglang pinabayaan
Si inang kabundukan

Lakman: isa ‘yang kahangalan!!
Oh! Aking kababayan!!!

Taumbayan: Si lakman!! Nagbalik na
Nagbalik s’yang mag-isa

Lakman: Tama! Ako’y nagbalik
Upang inyong mabatid
Ang mga dayuhang iyan
Ay pawang mga ganid

Narinig ko kanina pa
Huwad nilang salita
Huwag kayong padadala
Sa kan’lang winiwika

Silang may kagagawan
ng mga pagkasira
ng ating kabundukan,
at iba pang kabundukan
ng ating inang bayan
ng sinilangang bayan,

taumbayan: ngunit mabait sila
heto nga’t kay rami n’yang
bigay na pagpapala

Scene 13: ang Diskusyon (tribo at dayo)
Mr. Mc Chow: isa ka ngang bulaan
Sinisira mo lamang
Ang kanilang isipan

Lakman: ikaw ang s’yang bulaan
Batid ko na ang lahat
Na panlilinlang lamang
Ang dulot ng minahan

(ipapakita ni lakman ang pahayagan 
kung saan nasa diyaryong iyon ang balitang pagpapatayo ni Mr. Mc Chow) 
Hindi ba’t ikaw ito
utak ng pagtatayo
nitong mga minahan
sa iba’t ibang dako
matapos na gumuho
ang minahang tinayo
iiwanan na lamang
ng sira’t gulong gulo

Kayo!!! Ang sumisira
Kay inang kalikasan…

Mr. Mc Chow: malaki gastus namin
sa itatayong mining
huwag na wag gagawin

iyong pagpaumanhin
Kapangyarihan namin
Di mo kayang salingin

binatang ‘yan ay dakpin!

Scene 14: labanan
Babaylan: Nangagsindi ang mitsa
Bawat isa’y nagbanta
Kung may tututol kusa
Gulo’y magsisimula
Wala na ngang nagawa

Bawat isa’y nanubok
Dayuhan ay nag-amok
Pumitik ng ‘sang putok
Tribu’y tangan ay gulok

(movement/ tsant/ ingay
Sounds lighting/
Sa pagitan ng baril at itak)
( dadakpin nila si lakman… papalag ito. Manlalaban. mababaril sa braso ang si lakman, magkakagulo ang mga tao… ang mga matatanda ng tribo ay hindi makatitiis at lalaban sila sa nang-api sa kanilang mamamayan… ngunit baril ang hawak ng mga dayo at ang sa kanila ay gulok. Mapapalibutan sila ng mga dayo! Mayamaya pa, may darating na mga mandirigma mula sa tribo ng datung taga hilaga, ang tribo ni tawadi. Na iniligtas nila lakman sa panganib… mapapalibutan ng dalawang tribo ang mga dayo… makakatakas si Mr. Mc Chow)



Scene 15: Ang kasalan
(tsant/ mula umpisa hanggang wakas ng palabas)

Taumbayan: mabuhay!!!

Babaylan: salamat oh! bathala
Sa iyong mga gawa
Hindi mo hinayaang
Kalikasa’y masira
Salamat sa mga
Taong may Adhika
Salamat at ako ay
Iyong inaaruga



Mr. Mc Chow: lagi kami narito
At papasukin namin
Ganid niyong mga puso
Hahaha…. Hah! Ha!ha!ha!


*wakas*






Monday, September 6, 2010

The exploration..


(Mond, Ate Sherly, and Luke)
 ... sa paglalakbay sa mga Dumagat Tribe, nakatagpo kami ng bagong pamilya, kaibigan! ...
 nice one antropolohiya! Masaya to!