Ilang ulit nagkislapan ang mga ilaw sa loob ng silid na iyon. Nahinto saglit ang mga nakaputing kamisetang pang-mag-aaral ng medisina, sa kanilang pag-eeksperimento sa pinag-aaralang bangkay. Nagsigalawan ang mga larawan sa dingding, nanginginig; Mga larawan ng medicinal arts, maliban sa pinakatatanging larawan ng isang Geisha na may nakatitik na Haiku; Ang mga kasangkapan sa lamesa: Istetoskopyo, sphygmomanometer,maykroskopyo at iba't ibang gamit –mga instrumentong pangmanggagamot. Naman ay palakas nang palakas ang panginginig ng buong silid, nagsipagbagsakan, at nangagbasagan. Lahat ay nakikisabay sa panginginig ng paligid.
"Hold on! Don't panic! please don’t panic!" paulit-ulit na sambit ng matabang babaeng nakaputing kasuotang pangmanggagamot, at sinundan ng wikang hindi maintindihan ni Dhea. Naiintindihan niya kung ano ang nagyayari. Itong sinasabi lang ng haponesang instruktor na nagwika ng kanyang linggwahe ang hindi niya naintindihan.
Nang maintindihan niyang kailangan niyang gumalaw sa kinatatayuan dahil kung hindi'y babagsakan siya ng mga tipak ng bato, mula sa mabilis na nagkakalamat na kisame at pader, ay agad sumilong siya sa ilalim ng lamesa, gaya ng ginawa rin ng kanyang kamag-aaral.
Naiintindihan niya iyon. Ang hindi niya lang maintindihan ay kung bakit may kakaiba siyang nararamdaman. Kung bakit hindi siya makadama ng kung anumang kabang dapat maramdaman sa ganoong sitwasyon.
Hindi ito gaya noong hindi niya maintindihan ang sarili nang magdalawang-isip pang tanggapin ang alok sa kanyang libreng paaral sa ibang bansa. Para sa iba, malaking pribelehiyo ang inaalok sa gaya niyang may pangarap makapagtapos ng kolehiyo. Lalo't ang nais niyang pagnu-Nursing. Nais niya ito para sa kanyang ina. Pangarap talaga ng kanyang ina ang makatapos ng Nursing noong dalaga pa ito o maging sa kasalukuyan, lamang sa hindi inaasahang pagbubuntis, hindi nakatapos ng sekondarya nang magalaw ito ng naging tatay niya ngayon -isang gabing pista sa Brgy. 185, lungsod Kalookan. Kaya mula noon, ang pangarap ng ina ay naisapinta na lang sa langit, sa kawalan. Na nakakamit at nahahawakan ng kanyang ina tuwing mamimintana ito, tuwing mapatatanaw sa kalangitan.
Kaya ninais ni Dhea ang mag-Nursing, nang tuparin niya ang pangarap ng ina. Ang kanyang ina na nagtitinda ng lugaw sa umaga at naglalabada sa hapon; at isa ring dahilan ang makalayo sa paningin ng kanyang amang nagsusugal sa umaga at lasing naman sa hapon. Gayundin nang patuloy niyang mapag-aral ang tatlong nakababatang kapatid. Hanggang kolehiyo rin sana. Nang magkaroon ng magandang buhay, ng mariwasang buhay.
Kaya noong maswerteng napili ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA)ang kanyang ipinasang aplikasyon na para sa libreng paaral ng Nursing, para sa ipapadala sa Japan, waring nagbukas ang bintana ng langit para kay Dhea. Higit na ngang nakatulong ang kalahating porsyentong diskwentro ng Tuiton Fee sa paaralang pinapasukan, siya pa ang napili, mula sa ilang libong mag-aaral na nag-aaplay sa programang naisip ng pamahalaan. Napili siya bilang isa sa ipapadalang estudyanteng mag-aaral ng Nursing sa bansa ng mga Hapon. Libre ang buong pag-aaral, may allowance pa at sa pandinig ng malakolonyal na pag-iisip ng mga Pilipino -abroad kaya iyon.
Nang malaman niyang napili siya, agad niyang nadama ang kakaibang kaba. Maraming kaisipan ang nagtalo sa kanyang isip: Unang beses na makasasakay ng eruplano -kinakabahan siya; Makaaalis sa sinilangang isinusumpang barung barong -kinakabahan siya; Magdesisyon kung tatanggapin ba niya ang alok, kahit kusa siyang nag-aplay -kinakabahan siya; Ang iwan ang ina sa pangangalaga ng masong kamay ng kanyang ama. Dangang paulit-ulit nahahampas sa pader ang mukha ng ina. Ang kamaong kinatatakutan niya na nasubukan niya noong pigilan, tanggalin sa pagkakasabunot sa buhok ng ina. " Tama na po 'tay, tumigil na po kayo!" ang awat niya hanggang sa natumba siya sa biglang pagkasampal sa kanya ng ama. Naumpog pa ang ulo sa bangkitong kahoy nang siya'y nasipa at bumalibag sa dakong pinaglalabahan ng kanyang ina, ngunit hindi niya ininda. Hindi niya na kayang atimin ang walang habas na pambubuntal nito. Sa tuwing makikita ni Dhea ang paghampas ng mukha ng ina sa pader. Agad ang pag-agos ng luha sa mga mata, ang dugo sa natamong galos,sugat, biyak na nguso, katawang puros pasa at ang labis na kapayatan ng ina. Tatakbo siya upang dumamay. May bigay kapanatagan sa matinding sakit, hirap, kirot at hapdi...
Lahat ng ito, dahil sa kanyang ama. Sa masong kamay ng ama na minsan nang dumapo sa kinaiingatang balat. Alam niya, nang minsang kahimbingan ng pagtulog ay naramdaman niyang may gumagapang na kung ano sa kanyang katawan, gumagapang sa kanyang hita, sa kanyang dibdib, hanggang sa kanyang pag-aari. Napabalikwas siya.Dali-daling napabangon, madilim ang paligid.Wala nang sindi ang gasera. Mahimbing namang nakahiga ang kanyang mga kapatid at kanyang ama na nakayakap sa kanyang ina. Palibhasa para silang Tinapa o sardinas sa pwestong iyon, siksikan. Hilerang nakahiga sa sahig na nilatagan lang ng karton at butas-butas na banig. Nananaginip ba siya?Alam niya ang kamay ng kanyang ama: mabigat, magaspang.Walang dudang haplos nga iyon ng isang demonyo, naisip niya. Buong magdamag siyang gising, hindi na makabalik sa pagtulog. Hanggang sa maisipan niyang pumunta sa kusina. Kinuha ang matalas na kutsilyo. Pulido ang talim pagkat bagong hasa.Binalak niya -ngunit kinakabahan siya.
Ilang araw bago ang pinal na desisyon sa kanyang pag-alis, nabasag ang palayok niyang tangan na biglang nabitiwan noong minsang magsaing. Natapon sa sahig ang kakarampot na butil ng bigas nang makita niyang bumagsak sa sahig ang bunsong kapatid. Kasabay ng paggulong ng boteng may laman ng likidong gamit na paningas ng kahoy na panluto. Bumubula ang bibig at nangingisay ang kapatid niyang bunso. Dali-daling isinugod ito sa ospital ng kanyang paaralan. May kilala siyang Doktor doon. Ang Doktor na naging profesor niya sa isang asignatura. Ito ang Doktor na binigyan niya ng sulat na pinagkapuyatan noong isang gabing hindi siya makatulog sa gitna ng pagdedesisyon kung dapat ba siyang umalis. Isang sulat ng pamamaalam para sa kanyang nararamdaman. Nakalagay rin sa sulat ang kanyang pagtatapat ng hindi niya masabi-sabi noon pa dahil sa labis na kaba at takot. Dalawang lihim na matagal na ring itinago: Una, ang sabihing nagbunga noon ang kanilang ginawa; Ikalawa: ang nagawa niyang pagpapalaglag sa kanyang dinadala.
Lumapit ang Doktor. Napansin ni Dhea na nag-iba na ang dating kislap sa mga mata na madalas ipukol ng Doktor sa kanya noon. Nakainom ng gaas ang kanyang kapatid, paliwag ng Doktor.“Mabuti’t naagapan at nalapatan mo ng paunang lunas Ms. Hedhedia. Ayos na siya ngayon…” dugtong ng doctor pero hindi rumirehistro sa pang-unawa niya ang mga sinasabi nito. Palibhasa’y may ibang katanungang nahahabi sa kanyang isip. Pipigilan mo ba ako?Nais niyang itanong.Kahibangan.Pipigilan? Natahi niya na noon ang konklusyon na lahat ay haraya. Isang ilusyon. Isang matamis na ilusyon...
May iniabot ang Doktor –reseta ng gamot na dapat ipainom sa kapatid subalit makailang saglit siyang napatanga. Hindi niya magawang makuha ang pilas ng papel. Hindi dahil sa wala naman siyang sapat na salapi para bilihin ang anumang gamut na nakasulat doon (o hindi lang iyon) kundi dahil may iba siyang nais makuha, na ibigay ng Doktor. Humakbang siya papalapit dito.At muli niyang natikman ang gayong pakiramdam.Mariing pagkasiil ng halik. Gaya noong unang pagkakataon na isip lang ang nagpapagana sa indayog ng emosyon. Sa emosyon ng indayog. Sa malagkit na libog ng Doktor na may hawak noon ng kanyang pagkapasa sa asignatura. Subalit nang malaon ay kinasabikan ng mga labi, ilang beses hinanap-hanap ng kanyang pagkatao ang ibayong pakiramdam.
Lumapat ang palad ng Doktor sa kanyang pisngi. Agad na pamumula, na nagbunga ng biglang pagkapinid ng matamis na sandaling ito para kay Dhea. Sa pagkabigla, hindi niya malaman ang dapat gawin o sabihin. At gayun nga, tumakbo siyang lumuluha, papalabas ng ospital na iyon ng Santo Agustinong matatagpuan sa Maynila.
Noon din, inimpake niya ang dadalhing damit, ang lalamanin ng kanyang bagahe.
“nababasa na ‘yang mga damit mo ‘te” lumapit ang kanyang kapatid na lalaki. Hawak niya noon ang puting kasuotang pang-Nursing. Pinahid ang nangingilid na likido sa mga mata.
Bigla itong yumakap sa kanya, “kelan ka po aalis?” ani nito.
Wari namang sinakmal siya ng kirot sa tanong ng kapatid at ang simbuyo ng damdamin ay tumupok sa mabigat niyang nararamdaman.
“Magpakabait ka Intoy, tutulungan mo si inang, ha!” at ginantihan niya ng mas mahigpit pang yakap ang kanyang kapatid na wala na ring patid sa pag-iyak.
“Opo ate. Gagawin ko”
Bukas din ay magpapaalam siya sa lahat ng malapit sa kanya, sa lahat ng kakilala. Mag-aaral siya sa Japan. Dala ang pangarap na makapagsuot ng puting kasuotan. Matawag na isang Professional Registered Nurse, makapaglingkod sa mga tao –iyon lamang ay sa ibang bansa rin. Ayos lang, masikip na rin naman ang mga ospital sa Pilipinas. Mabuti nga’t naisipan ng Gobyerno ang ganitong proyekto? Pagkat alam ni Dhea na halos wala na rin naming mapapasukan ang libu-libong nagtatapos ng Nursing sa iba’t ibang paaralan ng bansa, pribado man o pampubliko. Oo, nga’t malaki rin ang mundo ng Call Center, malaki ang sahod para sa pamantayan ng mga Pilipinong nasanay sa sobrang babang pasahod ng isang partikular na kumpanya. Kaysa naman matapos na pagkagastusan ang pag-aaral ay matitingga lang sa bahay pagkat wala pang trabahong angkop sa kanilang kursong kinukuha.
Kaya aalis si Dhea. Buo na ang kanyang Desisyong mag-aral sa bansang Japan. Para sa wakas matupad ang pangarap na magkaroon ng magandang trabaho.
Bahagdan ng rason sa ginawang desisyon:
80% - libre ang pag-aaral.Hindi na mahihirapan ang magulang.
10% - Siguradong makakapagtrabaho pagkagradweyt (sa Japan nga lamang)
5% - susog ng kakilala
2% - Abroad kaya iyon (state sites)
2% - Mainit (at magulo) sa Pilipinas
1% - Totally Broken Hearted
Nalalaglag ang talulot ng Cherry blossom nang dumating siya sa bansang iyon. Marami ang bago na dapat niyang kasanayan; bagong kultura, bagong temperatura, bagong buhay, bagong pakikisalamuha sa mga taong may estrangherong linggwahe sa kanyang pandinig. Kakaibang pakiramdam sa biglaang mga bago sa kanyang buhay.
Isang lumang araw sa loob ng silid-aralan habang tangan ang estetoskopyo, sa harap ng isang pinag-aaralang bangkay –noo’y nailagak ito nang nag-aagaw buhay, ngunit nang wala nang naisustento ang pamilya para sa mintina ng gamutan ay pinabayaan na. iniwan at hindi na binalikan. Kaya’t naging specimen ng mga nag-aaral ng panggagamot nang bawian tuluyan ng buhay.
Nang mga sandaling iyon, may kakaiba siyang nararamdaman. May kaisipang kumakatok sa pinto ng kanyang isipan habang pinagmamasdan ang hubad na bangkay sa kanyang harapan. Nagsasalita naman ang matabang singkit na babae pero hindi niya ito masyadong maunawaan. May ibang boses siyang naririnig, nakakakiliti ang tunog na iyon sa kanyang isip –ang halinghing ng mga Oh at Ahh na sinasamahan pa ng paglangitngit ng kama; marahas na kalikot sa kanyang kabuuan na nagpapataas ng kanyang balahibo. Ang indayog ng mabagal na orasan sa piling ng lalaking itinatangi ng kanyang pagkababae. Naroon pa nga at gumuguhit sa pisara ang tagpong iyon sa kanyang balintataw. Ngunit biglang naging literal ang indayog. Ang indayog ng tagpong ito ay waring lumilikha ng panginginig ng puting pisara, sa kanilang harap. Kasunod namang nagsigalawan ang mga kagamitang pang medisina sa lamesa. Nanginginig ang mga larawan sa dingding: mga medisinal arts at ang larawan ng isang Geisha na nakasuot ng estetoskopyo at may nakasulat na tula sa gilid nito. Nagpahigpit ang kapit ng mga nasa loob. Nagsitilian.Palahaw ng kaba at takot. Hindi malaman kung saan pupunta ang ilan. Sumasabay ang buong katawan sa panginginig ng mga bagay-bagay. Nama’y palakas ng palakas ang panginginig ng buong silid. Nagsisipagbagsakan ang mga bagay na maaaring bumagsak at ang lahat ay nakikisabay sa matinding panginginig ng paligid. Sumilong sila sa ilalim ng mga mesa. Makasaglit na nagpatay-sindi naman ang mga fluorescent sa dingding na mabilis na nagkakalamat, bumibitak. At nagsipagbagsakan na ngang tuluyan ang mga bahagi ng pader. Ganun-ganun lang nang nawalan ng malay-tao ang mga nailibing nang buhay.
Nagpanting sa tenga ng Pilipinas ang balitang 7.3 magnitutong lindol ang yumanig sa hilagang-silangan ng Tokyo, Japan at kasabay ng Tsunaming lumamon sa milyun-milyong ari-arian, libu-libong tao at daan-daang kabahayan, pasilidad at mga gusali. Kumalat ang balita sa mga telebisyon, onlayn balita, radio, at mga pahayagan. Matapos ay ang hindi magkandaugaga sa pakikipag-ugnayan ang bansa para alamin ang kalagayan, mabigyan ng tulong ang mga naroong OFW’s.
Sumabog pa ang balitang pagkakaroon ng tagas sa plantang nuclear ng Japan at nangamba naman sa maaaring apekto nito sa katawan ng mga Pilipinong konserbatibo sa kalinisan at kalusugan: nagsuot ng Gas Mask, maya’t mayang check-up sa personal na Doktor ay pahid dito, pahid doon ng mga kung anu-anong mga gamot na inirereseta ng mga hindi nananamantalang Doktor.
Sa kabilang banda, may isang batang busabos na naglalakad sa bundok ng basura, wala siyang alam sa delubyong naganap sa bansa ng mga hapon. Ang alam niya ay kailangan niyang makahanap ng maipanglalaman sa sikmurang malimit ang pagkalam. Nang mga sandaling iyon ng pagkakalkal ng basura ay napansin niya ang isang ibong pabulusok. Sinundan niya ng tingin kung saan babagsak ang ibong iyon na nahiwalay sa langaylangayan ng mga kauring ibong nagmula sa Japan. At doon, malaking ibon ang nakita niyang kakawag-kawag pa ang pakpak. Nanghihina ito kaya’t madaling nahuli ng bata.Kumuha siya ng tali at iginapos ang dalawang paa ng ibon. Masaya siyang bumalik sa kanilang barung-barong at at tuwang-tuwa itong ipapakita sa naabutan niyang iyang kasalukuyang naglalaba.
“Inay, me nahuli akong ibon,” aniya na hindi maalis ang pagkakangiti sa mukha. “may pagkain na po tayo nay”
“Intoy! Saan mo naman nakuha ‘yan?” agad tumayo ang ina at inihinto ang pagkukusot ng damit.
“hulog po ng langit. Nakita ko pong nalaglag mula sa langit e, me tumirador po ‘ata” aniya.
Matapos ay may sumilay na ngiti sa kanilang mukha. Niluto ang ibon sa dalawang putahe .prito at sinabawan. Mga ilang saglit lang, naging masarap ang hapunan ng pamilya ng batang iyon. Bihira silang makatikim ng anumang karne ng hayop. Kaya’t sarap na sarap sila. Nakadalawang plato ng kanin ang bunsong sakitin; ginanahan si Intoy na nakadalawa’t kalahating plato naman –nagpaunahan pa silang tatlong makaunang matapos; habang tuwang-tuwa namang pinagmamasdan ang maganang pagkain ang kanyang mga anak, nitong inang sarap na sarap na rin sa kinakain; at nagawa niya pang pagbukuran ng pagkain ang asawang batid niya ay mayamaya lang ay darating na rin at sa kanya ay maghahanap ng makakain.
Lumipas ang ilang saglit, matapos mabusog, dumighay at mabundat ang mga tiyan ay napakamot ng leeg ang batang si Intoy. Naramdaman niya ang labis na pangangati. Gayundin ang dalawang nakababata nitong kapatid at maging ang ina. Nangati ang lalamunan nilang lahat. Matinding pangangati na halos ikapigtal ng kanilang hininga. At ikawala ng kanilang ulirat.
Sa di kalayuan, pasuray-suray ang lalaking lasing. Malayo pa ay maririnig na ang pagsigaw nito sa pangalan ng asawa. At nang makauwi na nga at maabutan niyang nakahandusay sa sahig ang kanyang mag-iina sinipa-sipa niya ang katawan ng asawa. Sumisigaw ng pagtawag sa akala niyang walang anumang pagtulog ng mga taong iyon sa inuwiang bahay. Nang mapansing walang imik, ni anumang pagtugon ang mag-iinang nakahandusay sa sahig ay nahimasmasan siya sa kalasingan. Napansin niya ring bumubula ang bibig ng kanyang tatlong anak. Bumaling siya sa asawa, tinampal-tampal ang mukha nang magising. Ngunit namutla siyang lalo nang tumirik ang mata nito.Noon din, wala siyang ibang maisip na magaling kundi ang sumigaw ng pagtulong. Niyakap nang pagkahigpit-higpit ang asawa.Luhaang niyapos ang mag-iina.
Marami ang nakarinig sa palahaw na sigaw ng lalaking lasenggo; marami ang lumapit para tingnan ang nangyari; marami ang nakiusyuso ngunit sa daming iyon, walang naglakas-loob tumulong para isugod ang mag-anak sa pinakamalapit na ospital. Wala ni isa.
Lihim na dinala ang buong mag-anak at kunwari pa'y nilagak sa ICU ng pambansang ospital. Wala nang balak isalba pa ang kanilang buhay, pero ilang mga linggong pag-aaralan ang kanilang mga labi sa laboratory ng pagamutan. Iuulat naman ng Doktor na hindi marunong magtago ng lihim, sa asawang lalaking wala paring patid sa pagtangis –na ang kanyang mag-anak ay na-Food Poisoned lamang, nalason dahil sa pagkain ngunit ginawa na nila ang lahat ng kanilang makakaya, magagawa.Magmamakaawa ang lalaki.Ngunit iiling ng kawalang pag-asawa ang Doktor.Walang anu-ano’y tatakbo ang lalaki palabas ng pambansang ospital, tatangis, at sasairin ang luha hanggang sa kusa nang malimot niya ang lumbay at kusang tatawa, hahalakhakan niya ang lahat ng kaganapang sinasabi pang lubhang mapait, pagkapait-pait gaya ng unang tikim sa nakalalasing na inumin. Tatawa siya bago tuluyang tatalon sa ituktok ng billboard na may litratong nakabikini na matatanaw sa kahabaan ng EDSA.Mabilis pa sa alas kuatro ay makikita na sa mga monitor ng telebisyon , may nag-uulat ng malagim na kinasapitan ng lalaking hinihinalang baliw kaya tumalon sa Billboard na iyong matatanaw nga sa kahabaan ng matrapik na EDSA. At kasunod ang isang balitang ulat pangkalusugan - “walang dapat ikabahala…” paliwanag ng tagapagsalita ng DOH.Malayo tayong magkaroon ng Radiation exposure at hindi na makaaabot ito sa ating bansa.Walang dapat ikabahala –ang paliwanag ng tagapagsalita ng DOH. Kaya’t mag-aantanda ang mga Pilipinong konserbatibo sa kalinisan at kalusugan. Salamat sa Panginoon at wala ngang dapat ikabahala. Wala.Kahit na matagumpay na nailihim sa publiko ang test-result ng mga nasawi di umano sa Food Poison –na sa totoo lang ay dahil sa ibong kinakitaan ng high evidence of radiation exposure. walang dapat ikabahala –ang paulit-ulit na paliwanag ng tagapagsalita ng DOH. Wala. ?