Sunday, November 27, 2011

FLOWER DOLL


Man of taste bud took of proud
Scared of losing jewel on his box
Another page turns out without talking
After a few sentences he leave it open
Love is a bud that has a scent
That has untamed feeling inside its heart
Love at the first beat sprouts uncertain
Unless you have thorn, it is given
Never turn out after nourishing the eyes
Which always lean on the next days
-012809

INAKAY

Likidong luminis sa sikmurang kumakalam
dumadaloy sa dugo hindi na mabilang
sa tawag ng pangangailangan na gumapos sa katawan
titimbang ng higit sa kanyang pangalan

Sa ilang inakay na hindi malimliman
sa baba ng lipad dagit lang ay langgam
tuka sa kadilimang tinuka ng ilan
pakpak na ginapos ng kahirapan


Pambili ng aliw ang ibinentang aliw
sa inakay ng kalapati sa lipon ng tingting
sikmurai'y ano pang maipapakain
malibing naman ay walang maglilibing

Dagitab na ilaw sa gaserang basag
kanyang liwanag man ay aandap-andap
lubhang pasalamat sa mga bumanaag
 sa pagsapit ng dilim muling dadapo sa bitag.

-090908

Tuesday, November 22, 2011

EFIGY 2011


Bugok kang itlog na lumabas
Sa sinapupunan ng nagdaang rehimen
Na pinutakti ng katiwalian
Kahirapan, kurapsyon, krimen
At hindi na mabilang na anomalya
A, nagsalamin ka pa sa mata
Hindi mo naman makita
Sambayanang patuloy naghihirap
Nagdarahop, busabos, alipin at pinagsasamantalahan
Nagsalamin ka pa
Hindi mo naman makita
Na kuba na sina  Juana’t Juan
sa kakakayod
hindi naman sapat ang pasahod
lugmok parin ang bayan
sa tanikala ng paghihirap
pagkalam ng sikmura
basahang damit, tirahang barung-barong,
tagpi-tagpi, nilalangaw na kabulukan
pinagpipyestahan ng bangaw, langaw
ang kabugukan
Isinakay ka sa sasakyan ng Militar
na disenyong U.S
Waring mula pa noon
Magkasama na kayo
Sa paglalakbay
Sa tuwid na landas
Wari ika’y pinagmamaneho
Ng Imperyalitang Amerikano
Kaso, hindi na kayo
aabot pa
Sa daan niyong pinaplano
Hindi sa sobrang mahal na
ng litro ng krudo
 kundi nalalapit na

ang pagiging niyong abo


PAGNINIIG

Ipininta ng pagtatagpo
Ang ikaw at ako
Itinakda marahil
Ang pagiging buo
Mula ulo hanggang paa
Mula buhok hanggang kuko
Magtatali ang ugat, bituka o puso
Mag-iisang anyo
Ako ay ikaw
Ikaw ay ako
Malaya nating samyuhin
halimuyak ng isa’t isa
malayang hagkan
yakapin nang walang pangamba
malayang mong sipingan
ang aking isip
o pasukin ang panaginip
sabay nating pakinggan
impit ng ating tinig
o ng pusong kay bilis ng pintig
sabay nating lasapin
pulot na kay tamis
ang lasa ng ako ay ikaw
at ikaw ay ako
At kapwa langit lamang

Ang dulo ng pagtatagpo

Bahala na

Bahala na ang gapos
na punpon ng kalawang ang bumigay,
ang siyang magbigay ng dahilan
upang wag mawalan ng ganang muli pang huminga
kahit ang hanging pumupulupot
sa seldang ito'y alingasaw ng halo-halong amoy,
ng dugo, pawis, ihi, ng bulok na taong patay
na naaagnas na ang balat,
natutuklap ang lamang inuuod. . .


Bahala na ang kalawang ang sumira
nitong gapos na bakal. . .
'makakalaya rin kami'
-022889


Bahala na ang gapos na bakal ang magpasya
manali man sa kamay kong wala nang gana pang igalaw. . .
sa buhay kong wala ng araw -022890


Bahala na
ang media ang kumausap
sa aming mga kaanak
at magsabi, "tahimik na ang kanilang kalagayan"
-022890 11:45pm


Bahala na
ang konsensya ang pumatay sa mga naghahari, PNP
(sakaling makadaplis sa metal nilang puso)
-kung sakaling di na namin magawa ang magpatuloy. . .
-022890 11:59pm


"Mamamatay kami para mabuhay ang konsensyang papatay sa kanila"
-022809

Friday, November 18, 2011

Hangad namin ang inyong paggaling



Hangad namin ang inyong paggaling
nang ika’y amin nang makapiling
sa croma de habla
sa korte ng (in)hustisya
La Gloria!
Magpagaling ka!

Subalit La Gloria
labis kaming nangangamba
May side effect daw kasi
ang itinuturok na gamot
Maaaring makapagpapanot
Maaari daw makalimot
Kung ganoon, La Gloria
Baka mahirapan ka nang makaalala
Baka makalimutan mo na kung sino ka
Maging ang paboritong sayaw na Cha-Cha
Malilimutan mo na
Maging ang pagkaKonggresista
Sa lungsod ng Pampanga
Maging ang Jueteng Payola
Baka makalimutan mo na rin ang iyong asawa
Imbes “Hello Mike?”
Magiging “Hello Garci?” na
Makakalimot ka sa romansa
Malilito ka rin kung fertilized egg ba
O Fertilizer scam
ang nahihinog sa bahay-bata
Magtataka ka kung bakit
Nare-renew ang Marriage Contract
At hindi ang ZTE-NBN Contract
Makakalimot ka sa mga kaibigan
dating kaalyado, dating amo
Hindi mo na makikilala sila Bush, De Venecia
Esperon, Garci, Palparan at iba pa
At higit sa lahat
Baka makalimutan mo
Kaming masang pinagsamantalahan
Inabuso at pinagmalupitan
Hindi! Hindi namin kaya
La Gloria
Kaya’t magpagaling ka na
Nang matapos na
ang taktika mo
na hindi maubos-ubos  na mediko sertipiko
La Gloria
nawa’y pagalingin ka na
ng ating banal na Hesu Kristo

HILING KO'Y NANDITO KA

kung ang dilim ng pangungulila'y lumatag sa paligid
muli bang maaaninag ang tamis ng iyong paghimig
ang yakap mo’t lambing na kikitil sa panginginig
hiling ko'y nandito ka nang luha’y di na muling mangilid

Pakigapos ang kaluluwa sa panaginip ko'y gumagala
lagyang buhay kung ang hininga’y pinatid na ng pangungulila
pawiin ang pagtangis, na sa oras o minuto'y isa nang baha
dinggin nawa ang pagsigaw bago ang pintig ay mawala

Hiling ko'y wala ng araw pagka't ika'y tanging bituin
hiling ko'y lumilipad nang sa alapaap ika’y makapiling
o sa oras ay makapaglakbay nang di sayo'y nalulumbay
subalit pano pa kung layo mo’y walang sukat na taglay

Ika'y kidlat sa pusong nagpaningas sa kaluwalhatian
ang baga sa damdaming lumulusaw ng katahimikan
ikaw ang tanging dahilan, ikaw oh, tanging ikaw lamang
naway nandito ka nang hindi na naghihintay sa kawalan.
-121508

Thursday, November 17, 2011

PEACE TALK



Mapanlinlang ang bunganga
ng mga sinturyon
bukod sa mabaho
Naamoy na namin
ang alingasaw ng taktika
na ikahon ang hawak naming sandata
Armalite, M-16 at iba pa.
Para ano pa?!
kung muli niyo sa aming ibebenta
At sasabihin niyong nasawata na naman
ng mga gerilya, terorista
At muling iikot ang eksena
sa rolyo ng inyong sistema

Kaya nga’t hindi kami makapapayag
na mademobilisa
Halang ang bituka
ng mga asong lobo
sa kagubatan ng mga pinagpala
baka dukutin kami isa-isa
baka traydurin ng mga sultana
kung hindi kami magsasama-sama
bubulagta na lang
ang sinumang makita
ng inyong nag-aapoy na mga mata

Hindi kami papayag
na magbalik-loob
Hindi! Hindi kailanman aanib
sa mga bahag ang buntot
Hindi! Hangga’t ang sistema
ay pinananatili niyong baluktot!


HANAY NG REBOLUSYON


Pinilit kong kalimutan
Ang hindi malimot na pag-iral
Kalawang sa puti kong blusa
Matsang pula ng ubaning panahon
Ngunit ibinabalik parin ng pagkakataon
Ang gunita ng kahapon
Sa lansangan ng kalayaan
Sa hanay ng rebolusyon

Pinilit kong kumbinsihin
Huwag nang makisangkot
Ngunit buhay ang katotohanan
Mahapdi ang pagnanaknak
ng sugat ng realidad
sa hantad na inhustisya
sa panlilinlang ng mga huwad
sa maputik na mga palad
at sa mga pasa at latay sa balat

Pinilit kong kimkimin
ang galit at pagtitimpi
ngunit lalong sumidhi ang adhikain
Umaapoy na ang kamao
Nag-aalab na ang puso
Lumiliyab na ang isipan
at hindi na mapipigilang tumupok
Kakalat ang apoy
sa puso ng mga binusabos
Lilikha ng sariling barekada
sa nagbabagang hanay ng masa
Ang sigaw,
ay hudyat ng punglo sa kalangitan
aalingawngaw ang palahaw
Hindi na matitinag, matatag
Barekadang nag-aalab
Kapit-bisig sa pagsulong
Walang umuurong!
 Walang umuurong!
Isinusulong ang pagbabago
na mula sa pagwasak
isinusulong ang pagbangon
na mula sa pagbagsak
Ibagsak! Ibagsak!
Burukrata-Kapitalismo
Propetaryo’t Asendero
Ibagsak! Ibagsak!
Pyudalismo, Pasismo, Imperyalismo
Pagbabago tungo sa pagbangon
babangon tungo sa pagbabago
Pilit mang harangan
Ang hanay, ang layon
Wala nang  dahilan upang hindi  sumulong
Rebolusyon! Rebolusyon!

-112011



PHENYLPROPANOLAMINE II


(kay jhenny)

Bumibigay na ang utak,
Hindi kaya ng Phenylpropanolamine
Ang sintomas ng ganiyang sakit
Tumulong man ang tinawag na albolaryo
Sa batis ng Croma
Pinilit lang akong ayusin
ang tila palaisipan na sudoko sa mga kamay…
Hindi ko lang malimot ang lalim ng pantheon
tuwing mapapahinto sa ganoong pagkakataon.
May nagsabi pang, “Pag nasa Roma,
Kumilos Romano ka”
Magmukha ka mang hipokrito
Na humihilik sa boses espanyolita!
Walang makapagpapagaling
Sa ganyang karamdamang masidhi ang hatid
ng pinagmulan
Maging marahil  ang ibong Adarna
na namumugad parin sa kabundukan ng Tabor
ay walang bisa ang awit na pinagpipitagan
ngunit nawa’y paniwalaan
ako’y maging tanggulan
tulutan nawang pahirin ng aking palad
ang iyong pag-ulan
 
Iniisip ko lang,
Kung muling aaliwalas ang buwan
at walang pag-alulong na magaganap
Naalala ko lang
na baka maulit ang iyong yakap,
Halik, at siil sa matamis na labi…
Iba na ang hugis ng mga ulap tuwing gabi,
Iba na ang kislap ng tala sa mutyang dalamhati,
Iba na ang kulay ng pag-iyak…
katulad  ito ng alulong ng buwan,
Tulad ng mapanglaw na kalawakan,
Tulad ng sandaigdigan
Na patuloy umiikot sa kanya-kanyang patutunguhan,

Wari’y pag-ikot mo sa aking isipan…  
-080810


Wednesday, November 16, 2011

Mukha ni P-noy sa Baryang Piso



(pasintabi sa ika-150 kaarawan ni
Gat Jose Rizal)

May sikreto sa sumbrelo ni Rizal
Ikinubli malaking ulo
May sikreto sa ulo ni P-noy
Walang sumbrelo
Malaki ulo
Kung bigat ng halaga ang titimbangin
Malaking lalagyan
Umaapaw ang laman: Rizal
Malaking lalagyan
Wala namang  laman: P-noy

Nang isinulat ni Gat jose
Itong Noli Me Tangere
Binasa ni P-noy
na ‘No-Limit-anger-e’
na dahilan ng pagkapanot
nang dumalas na uminit ang ulo,
na manggalaiti,
nang batikusin, pag-usapan
ang kanyang mommy, at ate,
ang pagkaPresidente
A, Kapag namatayan ka ng ina
Pwede ka nang presidente ng bansa
Siyang ina ng demokrasya
At siyang anak ng demokrasya?
De puta!
Mula noong pinaupo sa upuan
Siyam na taong binayaran
ng sambayanan
Sa Konggreso’t Senado
Ngunit nanigarilyo lang naman
At naglaro ng laway
A, malaking lalagyan
Wala namang laman
Edad na singkwenta
Utak pang-kwarenta
A, nang tumayo
Wala namang naitayo
Batas na sa isip lang nabuo
o sa hinagap wala namang titulong mahahango
Ngayon? Paano na kaya ang plano 
sa daang matuwid?
Papunta na ba sa baliko?

Nagreseta si Dr. Jose Rizal
para sa kanser ng lipunan?
Reseta rin ang kailangan ni P-noy
para sa sakit ng kanyang bunbunan?
A, ang reseta ng sambayanan
Rebusyong tinatahak ng bayan,
ang daan sa tunay na lunas
sa sakit ng bayan
patungo sa tunay
na Pambansang katubusan!



Sa Lakbay ng Tagumpay



Huwag mo na akong samahan
Sa paglalakbay
sa daigdig ng puson
Ang taludtud ng pag-ibig
ibaon sa lupa o ihulog sa balon
Sa paglulupasay sa kalungkutan
ako’y ibangon
Nang takipsilim  ang magpatila
ng ating mga ambon

Samahan mo na lang ako
sa lakbay ng mga ibon
sa kanilang nililiparan
sa kanilang langaylangayan
habang umiihip ang hanging amihan
na nagpapasayaw
sa amorseko ng isipan

A, Taluntunin man natin
bawat imbay ng punong akasya
na nagpapaindak
sa mga damong ligaw
Huni man ng mga naroong mga maya
kung minsa’y mapait na agunyas
Alam natin
na ito ay tanda lamang
na bawat dahon na nalagas
tiyak na magbubukas
ng isang bagong landas

ang tagumpay ng ating pag-aaklas!

-111111


TABLETA




Pinahid nya ang nangingilid na likido sa kanyang mata at umayos ng pagkakaupo sa malambot na kama. Pagdaka’y dumakot ng isang tableta ng gamot, sinentro niya sa maliit na takip ng botelya ng gamot na kanyang hawak. Aasintahin niya ang takip na may tatlong dipa rin ang layo mula sa kanyang pwesto. Sa ganoong layo, mahirap din ang maipasok ang isa man.

Initsa nya ang unang tableta...

        Kanina nasa isip niya marahil ang ginhawang matatamo matapos na maisubo ang hawak na gamot, maaaring ang mabilis na paggaling o ang paghupa kaya ng iniindang sakit, ang kirot, hapdi o latay ng kapangahasan ng mga sandali ang naglalaro sa kanyang isip. Kaya't ibinuhos niya ang laman ng botelya at  napuno ang kanyang palad ng mga butil na gamot at dahan-dahan niyang inilapag ang walang lamang botelya. Tinitigan ang nasa kanyang kamay at napako ang tingin niya dito…

“Maglalaro tayo. Halika, huwag kang matakot! Di ba gusto mong maglaro tayo?!”         ipininid ng kanyang kuya ang pinto at sinigurado ang pagkasara.

“Ako ang tatay, ikaw daw ang nanay!” anito.

“Sige, matutulog na raw tayo” wala siyang pagtutol sa simula kahit marahas ang paggapang ng kamay sa pagkakalatag ng kanilang katawan. May bagyo sa kanyang isip, malakas ang pagbabadya ng hangin sa tanggulang katawan ng kanilang bahay-bahayan. Sa lakas ng hangin na waring kumakatok sa pininid na pintuan ngunit anong lakas niyang pagbuksan ang hangin ay wala rin pala siyang lakas na hindi ito papasukin. Ang kaya niya lang ng mga oras na iyon ay ang matakot, ang mangamba na baka malagot ang pundasyon. Nakatatakot ang panginginig ng haligi at ilang mga larawang nakasabit sa dingding dahil sa lakas ng bagyo sa kanyang isip. Malakas ang buhos ng ulan. Ang bagsak ng bawat patak na kasing laki ng sa kamao, kasing bigat ng sa yapak ng paa. A, mahapdi ang bagsak ng patak ng ulan. Halos maluha-luha ang bubong ngunit sa mahapding bagsak ng malakamaong ulan ay ano ang magagawa niya. Pipi ang bubong. Kahit na may bibig o kahit pa may boses…

             ...ngunit kapos ang kanyang inihagis. Hindi pumasok ang unang tableta sa takip na may tatlong dipa rin ang layo mula sa kanyang kinauupuan. Umiling-iling siya at ngumiti nang bahagya, nang patago na waring ikinahihiya sa kung sinumang makakakita ng kanyang kakarampot na ligaya na nagpapahiwatig rin  na ayos lamang ang mintis sa unang paghagis. Ang tagumpay ay malimit na nasa pangalawang subok o sa mga susunod na paghahagis.

Kaya’t dumakot siyang muli. Tatlong tableta ang nasa kanyang palad at mabilis na initsa iyon patungo sa takip. Muli siyang umiling-iling. Bumaling-baling ng tingin sa kaliwa at sa kanan. Wala siyang nakitang tao.

“Eee! A-ayaw! Aaaa!” nadinig niya. Hinanap niya ang pinanggagalingan ng boses.

“Tanga! Tatanga-tanga ka! Di-ba-ilang-ulit-ko-nang-sinabi-sayo…!” at kinaladkad siya ng asawa ng kanyang kuya. Hila-hila ang kanyang patilya. Wala siyang ginawa kundi ang magpatianod kung hindi lang sa matinding kirot. Huminto sila sa isang kabinet na yari sa isang matibay na kahoy. Hinawi ang laman niyon at pagdaka’y itinulak siya papasok sa loob. Nauntog pa sa bandang sintido nang bigla siyang sipain. Nang tuluyan siyang mabuwal, ikinandado ang pinto ng kabinet. Palahaw ang kanyang pag-iyak, nalalasahan ang pagtulo ng sariling sipon, pawisan. Masikip at mainit at madilim,

“A-ayaw! Ateeee!!” Sa pagitan ng daigdig ng kahon na iyon , walang nakaririnig sa kanya. Walang nakaiintindi ng kanyang boses kahit na may boses siya.
  
            Basa na nang luha ang kanyang mukha, tuluyan nang dumaloy ang likidong hindi inaasahang magdaraan. Nangingiig ang palad nang dinakot niya ang lahat ng tableta sa sahig at mabilis na initsa sa kinaroroonan ng takip.

At napangiti siya.
Pumasok sa loob ng takip ang isa sa maraming tabletang iyon. Agad siyang napatayo at tinungo ang takip. Nandoon ang isang tabletang ipinasok niya. Pupulutin niya na ito nang bigla siyang napahinto, natigilan… Sa sahig nakita niya ang isang puting unan.

“N-naa. A-aaah! Nanaaa!” at niyakap niya nang pagkahigpit-higpit ang unan. Tumatangis at waring wala nang kasing pait ang kanyang naramdaman sa unan na natagpuan sa sahig. “Aaaah. Nanaaa!”

Bumukas ang pinto.

Galit na galit ang isang babaeng nakaputi. Halos nagkakasalubong ang kilay at wari’y umuusok ang ilong. Masama ang tingin nito kay shiela.

“Walang hiya ka talaga! Hindi ka ba magtatanda!” At walang ano-ano’y sinabunutan niya ito, mahigpit na hinawakan sa buhok at iniuntog sa pader.

“Sinasayang mo ang gamot mo?! Sige! nang wala ka nang maiinom pa!”

 Dinampot nito ang ilang nagkalat na tableta at walang habas na ipinasak sa bibig ni Sheila. Halos maduwal ito sa biglang pagkapuno ng bibig. Tinakpan ng babae ang bunganga ng pinagagalitan. Madiin at marahas na pagtakip sa bibig ng kaharap. Kung hindi pa tumirik ang mata’t bumula ang bibig ng bata’y hindi pa niya sana ito titigilan.



Uncounted Bliss

(Reunited Bliss/11/11-13/11)

The shadow of days shed the yells
the moonlight covers the wounded dreams
the blissful bonds build my fears
of longing in days of unceasing hails
We cross the river of mud as a passageway
and hike the heights of the mountain
obstacles at amazing race that we play
even without taking a bath, sleep or brushing of teeth
well, it gives me something to be learned
as we hold the torch which symbolized our team
we hold as well the friendship we've gained
now before the night broke our feast
I wanna say "Thank you" for this uncounted bliss
as I fell longing for the place
You belong to surely I will miss