Huwag mo na akong samahan
Sa paglalakbay
sa daigdig ng puson
Ang taludtud ng pag-ibig
ibaon sa lupa o ihulog sa balon
Sa paglulupasay sa kalungkutan
ako’y ibangon
Nang takipsilim ang magpatila
ng ating mga ambon
Samahan mo na lang ako
sa lakbay ng mga ibon
sa kanilang nililiparan
sa kanilang langaylangayan
habang umiihip ang hanging amihan
na nagpapasayaw
sa amorseko ng isipan
A, Taluntunin man natin
bawat imbay ng punong akasya
na nagpapaindak
sa mga damong ligaw
Huni man ng mga naroong mga maya
kung minsa’y mapait na agunyas
Alam natin
na ito ay tanda lamang
na bawat dahon na nalagas
tiyak na magbubukas
ng isang bagong landas
ang tagumpay ng ating pag-aaklas!
No comments:
Post a Comment