Thursday, November 17, 2011

HANAY NG REBOLUSYON


Pinilit kong kalimutan
Ang hindi malimot na pag-iral
Kalawang sa puti kong blusa
Matsang pula ng ubaning panahon
Ngunit ibinabalik parin ng pagkakataon
Ang gunita ng kahapon
Sa lansangan ng kalayaan
Sa hanay ng rebolusyon

Pinilit kong kumbinsihin
Huwag nang makisangkot
Ngunit buhay ang katotohanan
Mahapdi ang pagnanaknak
ng sugat ng realidad
sa hantad na inhustisya
sa panlilinlang ng mga huwad
sa maputik na mga palad
at sa mga pasa at latay sa balat

Pinilit kong kimkimin
ang galit at pagtitimpi
ngunit lalong sumidhi ang adhikain
Umaapoy na ang kamao
Nag-aalab na ang puso
Lumiliyab na ang isipan
at hindi na mapipigilang tumupok
Kakalat ang apoy
sa puso ng mga binusabos
Lilikha ng sariling barekada
sa nagbabagang hanay ng masa
Ang sigaw,
ay hudyat ng punglo sa kalangitan
aalingawngaw ang palahaw
Hindi na matitinag, matatag
Barekadang nag-aalab
Kapit-bisig sa pagsulong
Walang umuurong!
 Walang umuurong!
Isinusulong ang pagbabago
na mula sa pagwasak
isinusulong ang pagbangon
na mula sa pagbagsak
Ibagsak! Ibagsak!
Burukrata-Kapitalismo
Propetaryo’t Asendero
Ibagsak! Ibagsak!
Pyudalismo, Pasismo, Imperyalismo
Pagbabago tungo sa pagbangon
babangon tungo sa pagbabago
Pilit mang harangan
Ang hanay, ang layon
Wala nang  dahilan upang hindi  sumulong
Rebolusyon! Rebolusyon!

-112011



No comments:

Post a Comment