Wednesday, July 30, 2014

Kung Paano Hinuhubog ang mga Tanga

Kung Paano Hinuhubog ang mga Tanga

Una, maging ignorante

nang maging masaya
sa kung ano mang mga bagay
na alam ng ating kaignorantihan
Ikalawa, Makinig sa dapat daw malaman
nang manatili tayong walang alam
A, masaya nga namang makinig
ng magagandang bagay

na ayon sa ating kaisipang sosyal
halimbawa, sasabihing marami nang nagbago
sa paraang tatango-tango lang tayo
na kahit ang totoo
hindi mo naman naramdaman
... dahil lang nais ng masa ang pagbabago.
Sasabihin satin
malayo na ang ating narating
sa paraang hindi mo iisipin
na ito'y paglalakbay lang sa hangin
ng ating imahinasyon, ng pananaginip
o ng pangangarap natin
... dahil sanay tayong mangarap.
Sa paraang hindi natin maiisip
na kung mahirap ka
wala kang karapatang mangarap
at ang may pera lang naman
ang talagang may nararating.
Ikatlo, dapat laging umasa
nang may pakinabang
mga pinaghirapan nilang salita
dahil para sa atin
kanilang retorika, pananalinghaga at pagtula
Ikaapat, huwag nang kumilos o kumibo

maliban sa pagpalakpak o pagtango-tango
isipin lang nating tayo ang boss
at ating mga alagad (kuno)
ang hayaan nang kumilos
sa paraang alam natin na tayo ang nag-uutos
Kahit hindi natin alam
kung ano ang nasa likod

ng kanilang mga ikinikilos
Ikalama, ganoon naman talaga
ang gawain ng isang boss
ang mahubog bilang ganap
na TANGA.