Wednesday, December 14, 2011

Sa Pagkabuntis ng Buslo ni Damaso


Itago mo Damaso
sa iyong Condo yunit sa forbes
o sa Mansion sa Makati
o sa sariling Bangkong naitayo
maingat mong itago
 ilang mga buslo
na idinedeposito sa simbahan
ng mga nauuto mong kordero
iyang tangang buslong kumakalansing
mga perang kusing
mga salaping maningning
na pinupuno araw-araw, linggo-linggo
ng libo-libong katao
ng di mabilang mong deboto
sina Juana't Juang nangagsisitango
sa mga sitas mo't pang-uuto

Damaso, Ipagkatago-tago mo
sa likod ng iyong santo-santo
at ipagdasal na rin
huwag nawang matanaw
ni mapadungaw
sa iyong kabang yaman
silang kapwa mo magnanakaw...
baka mangagsisi sa huli
baul ng kayamanan
biglang mangalahati

Nanganganib pa naman
mga lahing saserdote
kauring obispo't mga prayle
sa termino ng nakadilaw na ginoo
hayang natutong mang-isnab
sa inyong banal na payo
hayang abolisyon con todo
sa pagbabawal niyo't mando
natutong iitsapwera
ang payo mong metodo kalendaryo

Naku! Damaso, papaano ang buslo
kung kompresor iyang balak
ng itinuturing na apo
pigilan ba namang dumami ang tao
paano na kaya lalago
mga desipulong tagapuno
ng iyong mga buslo
paano mananatili
sa iyong poder ang mga nauuto
kung maaadik sila sa langit
na hatid ng mga condom,
kung sa bawat kadyot
nasusupot mga anghel
na biyaya ng may kapal
masasayang ang pinaglalawayan mong kupal
taling hindi na mapipigtal
hingal lang nang hingal
hangal!

Damaso! Damaso!
kung ikaw na'y kuntento
sa paghalinghing sa banyo
itong RH bill ay hindi para sayo...
kung ikaw ang lalamas
sa suso ng tigang na lupa
kung ikaw ang mag-aalab
sa dampa ng mga abang naglalaro ng baga
kung ikaw ang makapipigil
sa pagdami ng mga tuta
sige!tahol!
tumahol ka nang pagtutol

Ngunit, lumulobo ang mundo, Damaso!
at hindi sapat ang basbas mo
sa nagbabanal-banalang mga kordero
di nila makakain mga sitas mo't payo
di pa ba sapat
sayo ang ganito
wala ka nang upa sa lupa
pati langit ng iba
sasagpangin mo!
huwag kang masyadong swapang Damaso!
mapupuno parin naman
 iyong mga buslo

huwag ka lang titigil 
sa pang-uuto.






Sa Pasimula ay ang Wika...


sa pasimula ay salita
oh! makapangyarihang wika
ginagahasa nang walang habas
ng mga pinagpala
instrumento ng kanilang pandurugas
nilalaspag sa kanilang mga dila
waging pinagpipitagan
maging titulo-panigurado ng mga walanghiya
nililiha ng mga makakapal ang mukha...

Mula sa hanay ng mahahabang upuan
Narinig ko ang tunog bakal na kadena
nakagapos sa leeg ng banal na libro
hawak-hawak ng naka-abitong
nagtatalumpati sa pulpito
waring sinasaniban
nina Birgil at Horacio
o ni Cicerong orator  sa kanto ng
Santo Romano Avenue...

tinakpan ko aking tenga
nang hindi na muling marinig
ang paraan ng panggagahasa niya
sa pinabubuting balita...
ngunit, biglang nahagap ng aking ilong
samyo ng kalis
ayoko nang alamin
kung laman nito ay dugo
na umaalingasaw sa pagpapanggap...
tinakpan ko aking ilong

ngunit, napansin ko bigla
si Poncio Abitong may krus sa noo 
na nakatayo sa pulpito
at sa likod niya ang isang demonyo
na bumubulong

ng tamang paraan ng sermon at turo

KRISTONG ENHINYERO


lahat ay naganap
nang naaayon sa plano...

Isang malaking bangungot
ng pagpapanggap
lulan ng nakagigimbal na lohika
ng henyong ganap...

ang huwad na pagpako sa mga palad

Banal na Abo


Bukas ang bintana , kayat malayang naglalagos ang malamyang hanging pang hating gabi sa sa isang kabahayang puno  ng mga santo. Iba't ibang hugis, laki, bigat, hitsura ng mga niluluhurang banal na kahoy. Mula sa banal na kamay na umukit nito: may Santa Mariang mula sa banal na sicamorro; Santa Fe na mula sa mahogany na nakuha pa sa banal na kabundukan ng Trala-la; Santa Maria Magdalena mula sa punong hindi pa napapangalanan; ang maliit na banal na Nazarenong gawa naman sa tsok -na hindi mauuri bilang banal, pero dahil pinangalanan ay banal na rin; Santo Antonio na mula pa sa isang matandang paring Dominikano noong panahon pa ni Rizal; at may mga marmol ding banal. Isa si Santo Niñong puno ng mga beads ang nangingintab na damit. Sinulsi ito ng mga deboto sa Parokya ng Kristong Banal Church. Tangan ang Krus at koronang kulay ginto sa kaliwang kamay ng Santo Niñong naghihimala raw tuwing magiging kulay asul ang itim nitong mga mata; At marami pa.


 Ang ilan ay magkakasama sa banal na altar. Isang lamesang laging may haing kakanin at arnibal at hindi pinapatiran ng pagtirik ng kandila. Araw-araw may nakatakdang magtirik ng kandila rito at magdadasal ng Ave Maria nang tatlong beses ang sinumang hindi tutupad sa kanyang takdang tungkulin.  


                    Ngunit nang gabing iyon, bukas ang bintana. Humihip nang malakas ang hanging mabilis naglagos sa buong banal na lugar. Natatangay ang bagong labang kurtina ng bintana, hanggang napalapit sa pakalahati ng kandila. Napadikit. Matutumba ang kandila at mabilis na kakapit sa tela ng damit ng mga banal na santo. kakalat sa bagong labang kurtina. Gagapang sa kabuuan ng bahay. Ilang banal na kahoy na ang nagliliyab. Naglalagablab. Natutupok na dahil sa kandilang kanina naman ay malamlam ang pagtanglaw ngunit biglang lumikha ng nakasisilaw na liwanag.


Ang paglitaw ng nakasisilaw na silahis na madaling tutupok ng buong banal na lugar na iyon. kabilang ang ilang banal na kahoy na sa malao't madali ay magiging banal na abo na.


Amen.






Ave Maria, Ave Maria


Ave Maria, Ave Maria

Pitong santo sa altar
May kandilang tumatanglaw
 Rosaryo sa kamay
“Ave Maria.. Ave Maria…”
Taimtim ang pagdarasal
Ni aleng Bebe
Nang bigla siyang napatayo at napasigaw
“Putang ina niyo!Nagdarasal ako!!
Ang iingay ng mga letseng bata ito!”

At mabilis na tumakbo
Palayo
Ang mga bata
Papunta sa simbahan
Ave Maria, Ave Maria
Magpupunas ng uling sa mukha
Maglalagay ng lata
At saka hihilata
Palad ay ilalahad sa madla

Padaan si Konggresman
Maglalabas ng makapal na pitaka
Magmamasid sa paligid
Wala pang taong makakakita
Maghihintay muna
Na mapalingon ang mga kababayang magsisimba
Ave Maria, Ave Maria
Kaya’t inihulog niya
Papel na pera
Sa lata ng gusgusing bata
Napangisi siya nang maalala
Ang balota

At umpisa na ang misa
Hindi pari mapakali
Sa paglingon ang isang binata
Ave Maria, Ave Maria
A, nag-aabang ng dalagang masisila

At si Nena
Di parin natitinag sa pagno-nobena
Pangpitumpung ulit na
Ave Maria, Ave Maria
Pinagdarasal na huwag positibo
Ang pregnancy test niya

Ave Maria, Ave Maria
Napupuno na ng grasya
Itong buslo ng mga sakristan
Amen.

Friday, December 9, 2011

Messia


Muling bumalot ang kahindik-hindik na pagmamani-obra ng mga bendisyon ng mga Kato(k)lisismo, mula sa planadong Messia hanggang sa alagad niyang nagpapakalat ng Pinabuting balita. Ilang dekada nang tumatanggap ng benipisyo ang mga kaparian; ilang dekada nang umuulit ang siklo ng pagpapalaganap at pambubulag; ilang dekada nang umiinit sa kamay ng simbahan ang tinangang paniniwala sa mga Santo’t espirito na patuloy na nagmumulto sa isipan ng mga tao, ang pinabanal na larawan, pinabangong pangalan,at dinakilang kapanyakan ng kanilang hinirang…
Sa “Sa Dagat na Apoy ng mga Bendita” ni Prof. Rogelio Ordoñez inilabas ng may akda ang sigaw ng rebolusyon. Sinangkutsa ang mga pinabanal na katawagang pansimbahan at hinalo sa maanghang na pag-aalsa. Dito’y nanaig ang simbolismo’t rasyunal na pagtingin, gaya ng ilan:  Ang pagluluwa sa may lasong ostiya na simbulo ng pagtanggi at pag-papalagay sa masamang dulot ng pagkain ng ganitong paniniwala; Ang pagtaas ng kalis na bungo at pagbuhos ng dugo sa santong rebulto at mukha ni kristo na maaaring pagpapakita sa  mukha ng katotohanan ukol sa pagpaplano ng mirakulo ng pagpapanggap; Pulpito ang puso ng masa gayong lubos ang panggagamit ng simbahan sa lipunan ay ba’t di naman papaghariin ang damdamin ng masang lumalaban; papagkumpisalin at paluhurin mga pari at mongha palabasin sa panty ng panginoon ang nagkukubling mga alagad ng pinabuting balita, sa gayon mabigyan man lamang ng hustisya ang hindi mabilang na pagkakasala ng mga ito sa bayan/ sa lipunan- ilang nobela kaya ang mabubuo sa buhay ng bawat isang kaparian; Estampita’t mga kandelabra sa altar ng dusa,butil ng rosaryo, malibag na kalmen at bibliya ng pera ang ipambabala sa nilikhang kanyon ng pakikibaka, itaboy pabalik sa kanilang mukha ang instrumentong kanilang pananggalang, na patuloy ibinambubulag sa lipunan; krus ng ubaning santo ilang libong taon ng naghihintay ang pinaasang kaluluwa, sa langit hindi malamang makita si pedrong may tangan ng susi sa pangakong mansyon sa kalangitan, pagkat naririto pa siya sa lupa, nagsasabong; ang layang kinulong ng puting demonyo  bantad ang pagbabawal ng simbahan sa simpleng kalayaang nagpapakita raw ng kaimoralan, simbahang hindi nagbabayad ng buwis, simbahang may sungay na sa politikang usapin, ang pagbabalatkayo ng mga may akda ng kaputian ay nawa’y matanggalan ng maskara nang malantad sa masa ang likas nilang bunto’t at sungay; at ang ilan pang halimbawa ng mga ginamit na simbolo sa tulang ito’y nagpapakita ng paglaban sa mahiwagang bendisyon ng pananampalataya.
Bakit hindi ang pag-aalsa? Gayong ilang libong taon na tayong minumulto ng mga anito; ng mga santo, ng mga papa’t pari sa mga kapilya’t kumbento; at matatakot nga tayo sa kaparusahan ng hindi pagsunod sa mga ito. Matatakot muli sa multong gawa-gawa rin lang ng malikhain, mapanlinlang na kaisipan… ngunit hindi mananatiling bulag ang mga tao, sasaan pa’t makikita rin ang pagbabalat kayo ng mga benduho, ng mga banal, ng mga kapariang negosyante at kriminal.
Nalunod na tayo sa kanilang taktika, at mula pagkasilang itinuturok na satin ang bakuna ng Pinabuting balita, pagbabayad natin ng utang na loob sa pagpapakilala nila sa atin ng nag-iisang Messia ay pag-iimpok naman nila ng masaganang benipisyo’t salapi sa kaban ng kanilang bilbil at bulsa. Hindi nakapagtatakang kung sa pagtatantya ay umabot ang pera ng simbahan noon sa $8,000 million, at sa kasalukuyan ay $35 billion na. napakalaking halaga para sa bansang Pilipinas na patuloy sa paghihikahos. Subalit anong gagawin ng simbahan sa salaping ito. Baka iyan na mismo ang ipambili nila ng mansyon sa langit upang ang mga kaluluwang ilang dekada ng naghihintay kay san pedrong may tangan ng manok at susi ay hindi na magdarasal ng mararahas na nota ng pakikibaka…

Librea


Libro de caja
El fuente lucrativo
Limos palmada
Limos patizambo
Por pobres
Sin casa y bobo
Sitas el un amigo
Suyo demonyo
Saludos a todos
Pueblo impokrita
Si pabor
Kuno des iglesya litanya
Tang ina, Tang ina