sa pasimula ay salita
oh! makapangyarihang wika
ginagahasa nang walang habas
ng mga pinagpala
instrumento ng kanilang pandurugas
nilalaspag sa kanilang mga dila
waging pinagpipitagan
maging titulo-panigurado ng mga walanghiya
nililiha ng mga makakapal ang mukha...
Mula sa hanay ng mahahabang upuan
Narinig ko ang tunog bakal na kadena
nakagapos sa leeg ng banal na libro
hawak-hawak ng naka-abitong
nagtatalumpati sa pulpito
waring sinasaniban
nina Birgil at Horacio
o ni Cicerong orator sa kanto ng
Santo Romano Avenue...
tinakpan ko aking tenga
nang hindi na muling marinig
ang paraan ng panggagahasa niya
sa pinabubuting balita...
ngunit, biglang nahagap ng aking ilong
samyo ng kalis
ayoko nang alamin
kung laman nito ay dugo
na umaalingasaw sa pagpapanggap...
tinakpan ko aking ilong
ngunit, napansin ko bigla
si Poncio Abitong may krus sa noo
na nakatayo sa pulpito
at sa likod niya ang isang demonyo
na bumubulong
ng tamang paraan ng sermon at turo
No comments:
Post a Comment