Sunday, December 1, 2013

Snow White:


Banta iyon ng Kamatayan.
Isang mapulang mansanas
na alok ng aleng tampalasan
Batid mong ito'y patibong.
Hindi ikaw ang dapat maghirap
Hindi ka dapat sumuong sa pagkagat
sa kamandag ng aming sugat
malinis ka, dalisay, walang bahid -
sukat ng kapintasan,
ngunit ang iyong kamatayan
ay pagtangis ng mga naiwanan
ayon sa naitala, hindi lamang hinala:
ito ang kalooban ng lumikha

Nang magkaroon ng buhay
ang inakala nilang nawala!!

"Walang maniniwala"


Sa muling pagkabuhay
ng mga patay
mahihintatakot, maninilukluhod mga buhay
luluhod at mananangis ng kagimbal-gimbal
"Nagsa-demonyo, dios por santo!
Ito'y mahika ng mga maligno!"
sasabihin nila,
Kahangalan," at hahalakhak sila
at dudura sa lupa,
"Paanong mabubuhay mga patay?"
Malaking kahangalan,
Walang maniniwala isa man, ni isa man!!

"Sa Esmirna"

"Sa Esmirna"

Ito ang simula at wakas:
bilang na ang hakbang ng bawat bakas
makalalaya, bawat tanikala'y makakalas
Pagkat babangon ang mga namatay
at magdiriwang ng bagong undas!

Ito ang ipinasasabi ng ugong,
"batid ko ang paghihirap mo
ngunit wala pa ang pasimula
ng kahindik-hindik na delubyo"
ito ang mga nakasulat sa tala
"wala pang pagngangalit
ng mga ngipin sa ngipin,
wala pang pagtatangis ng dugo,
wala pang pagbaha ng poot,
at alulong ng takot"
Huwag kang matakot!
Ka-gamunggo pa lamang ang danas ng pighati
magtiis ka! sa loob ng ilang araw
sanlibutang ito'y mahahati
sa buhay at kamatayan!

Anong iniiyak mo?!
sentimiento ng makasariling agam-agam?
Hindi mo pa nga alam,
lahat ng iniingatan mong bagay,
bagay-bagay, o pakikibagay,
ibabaon iyan -lahat-lahat- sa hukay!
Para saan ang pag-iyak?
Hindi usapin ang ginto at pilak
o yamang mabango ang halimuyak
tatapaktapakan lamang 'yan
ng mga baboy ramong may sungay,
diablo at dragong maghahari - sa ibabaw ng lupa
sa himpapawid at karagatan

Ito ang ipinasasabi ng ugong
"Para sa lahat!!
Malapit na ang pagbangon ng mga patay!"