Tuesday, January 31, 2012

LOVE ABOUT ALL


Sun's breath will last no end
and light your love unscented
for once discern the beat
heat boils till eyes be wet.

Now you are turning mild complete
a fragrance flow as wild as wind
most comes from imperfect marriage
died for a while, burning love turned freeze.

Old mind goes farther door
couples scent but new born
for thou ant but prison.
heart's flame now troublesome.

Night hailed for thy prouding silent
ceased odor's pride gained sweetest scent
from sparks of coil, longings melted
inspiring breath would last, its end.
-030108




Saturday, January 21, 2012

Magsayawan Kita sa Gitna ng Ulan


Huwag mong pipigilan ang natural na daloy
Huwag mong pipigilan ang natural na lakbay ng tubig sa ilog
na nagpapatuloy hanggang sa karagatan
hanggang sa higupin ng kaulapan
hanggang sa lunurin muli ang kapatagan
hanggang sa linisin nitong muli
ang kalsadang duguan
A, magsasanib ang tubig-ulan
at ang dugo ng mga napahandusay na katawan
na kanina lang, matibay na nakatayo, nakikipagsapalaran,
nakataas-kamao o nakikipaglaban sa buhay
ngunit nangudngod sa kalsada
pinahalik sa lupa, sa putik, sa burak
Kung may dugong dumanak, dugong pumuslit, dugong umalpas
sa balat na nagnaknak, nawasak, nalantang gulay, nagkalurayluray,
ay muling sasanib sa tubig-ulan, ang dugo
Sabay na dadaloy sa estero
Sabay na lalakbaying muli
ang natural na daloy sa ilog
Magpapatuloy hanggang sa karagatan
Hanggang sa muling higupin ng kalupaan
hanggang sa maging ulan

Tama, huwag mong pipigilan
natural na bagsak ng ulan
pagkat ang ulan ay dugo ng sambayanan
at dugo ng mga bayaning lumaban,
ng mga bayaning patuloy lumalaban
dugong muling lilinis sa sandaigdigan
muling ididilig sa lupang sakahan:
huhugasan nito ang mga kamay
na ilang daang taon nang nakalublob sa putikan;
paiinumin nito ang mga uhaw na lalamunan
na hingal-aso na sa pagpasan
ng tone-toneladang kahirapan sa pabrika
na nangangamba pa ngang mapatalsik ng mga makina;
pupunuin nito ang mga batyang nakasahod sa alulod
ng mga plangganang nananakit na ang gulugod,
nanginginig ang tuhod sa pagkukusot;
hahayaan nitong magtampisaw sa kanya
ang mga mumunting paa na nakayapak
na nagbibitak-bitak na paltusing mga paa
tangan ay kalahig, sako at muta
sa kabundukan ng basura;
At hahaplusin nito ang mga mag-aaral na kabataang nasa kalsada
na nag-aaral humawak ng sandata
o ng matalim na pluma
A, magsayawan muna kita
sa gitna ng ulan
hayaang kahit minsa’y maipagdiwang
ang biyayang ulan ng mga nag-alay
para sa bayan

Tama, tayong lahat, sa langit titingala
Hahayaang buong katawan ay mabasa
Tama, hindi natin pipigilan ang natural na daloy
ng luha sa mga mata
Habang sa gitna ng ulan...
Habang sumasayaw kita
ang luha, ang luha na damdamin ng kaluluwa
ay may layon ding maglakbay
kasama ng tubig sa ilog, ng dugo, ng pawis, maging ng pluma
na sa huli
mangagsisiindak rin sa katauhan ng ulan
Kasama ka!
Tara! Magsayawan muna kita

-010112







Profesional



Naalala niya, habang nasa taxi kung paano siya nagbago para lang kay Dave. Ang blush-on, Glossy Red Lipstick, Pearl Earings, tube, 2 piece swimsuit, 5’ high heels, cigarette, LD’s, Tsoktong at iba pang kaugnay nito ay kinalimutan niya. Itinago, ibinaon sa limot, lahat! Para lang kay Dave.
Nakilala niya ito sa simbahan bilang assherette, kaya’t di siya makapaniwala sa nabasa sa text ng isang babae sa cellphone ni Dave na palihim niyang kinuha sa ilalim ng unan ng asawa.
Huminto ang taxi sa isang hindi kilalang Inn. Room 207. Walang katok katok, sumugod siya. Hindi niya matanggap na inilihim niya rin maging ang pagiging professional.
                Sinampal niya si Dave, at inirapan ang isa.

Halimuyak



Isang batang lango sa halimuyak ng rugby ang umawit,
“Walang hangganan ang isip”, himig niya sa saliw ng kung-anong musika sa paligid. 
Umindak siya
“Walang hangganan ang isip”, paulit-ulit
“Walang hangganan ang isip”

Lata



Karaniwang araw para kay William ang umupo sa pang labing tatlong baiting ng overpass sa Aurora, Cubao habang nakatanghod ang kamay sa mga akyat-panaog na di maubos na taong nangagdaraan.
Ang di karaniwan, nang di sinasadyang masipa ang latang hulugan ng baryang kanyang napalimusan, na hayon nagkalat sa daan, dali-dali siyang tumayo at pinulot ito isa-isa, nakalimutan niyang bulag pala siya.

Mina…


Hot Spot Tourist Attraction iyon noon, ang dalawang bundok sa pinilakang tabing, mabenta ang advertisement sa telebisyon, pinipilahan ng tao at hindi lalangawin sa industriya ng hubad na katotohanan na marami na ring nagmina sa katas at sustansiya ng dalawang bundok na ito na dating tago, magubat at malusog.
Ngunit tumabang ang panlasa ng mga turista sa dami ng mga nagsisulputan: Katya Santos, Diana Subiri, Angelica Panganiban, Maui Taylor at iba pa. It’s more fun in the Philippine! Double Check!