Saturday, January 21, 2012

Magsayawan Kita sa Gitna ng Ulan


Huwag mong pipigilan ang natural na daloy
Huwag mong pipigilan ang natural na lakbay ng tubig sa ilog
na nagpapatuloy hanggang sa karagatan
hanggang sa higupin ng kaulapan
hanggang sa lunurin muli ang kapatagan
hanggang sa linisin nitong muli
ang kalsadang duguan
A, magsasanib ang tubig-ulan
at ang dugo ng mga napahandusay na katawan
na kanina lang, matibay na nakatayo, nakikipagsapalaran,
nakataas-kamao o nakikipaglaban sa buhay
ngunit nangudngod sa kalsada
pinahalik sa lupa, sa putik, sa burak
Kung may dugong dumanak, dugong pumuslit, dugong umalpas
sa balat na nagnaknak, nawasak, nalantang gulay, nagkalurayluray,
ay muling sasanib sa tubig-ulan, ang dugo
Sabay na dadaloy sa estero
Sabay na lalakbaying muli
ang natural na daloy sa ilog
Magpapatuloy hanggang sa karagatan
Hanggang sa muling higupin ng kalupaan
hanggang sa maging ulan

Tama, huwag mong pipigilan
natural na bagsak ng ulan
pagkat ang ulan ay dugo ng sambayanan
at dugo ng mga bayaning lumaban,
ng mga bayaning patuloy lumalaban
dugong muling lilinis sa sandaigdigan
muling ididilig sa lupang sakahan:
huhugasan nito ang mga kamay
na ilang daang taon nang nakalublob sa putikan;
paiinumin nito ang mga uhaw na lalamunan
na hingal-aso na sa pagpasan
ng tone-toneladang kahirapan sa pabrika
na nangangamba pa ngang mapatalsik ng mga makina;
pupunuin nito ang mga batyang nakasahod sa alulod
ng mga plangganang nananakit na ang gulugod,
nanginginig ang tuhod sa pagkukusot;
hahayaan nitong magtampisaw sa kanya
ang mga mumunting paa na nakayapak
na nagbibitak-bitak na paltusing mga paa
tangan ay kalahig, sako at muta
sa kabundukan ng basura;
At hahaplusin nito ang mga mag-aaral na kabataang nasa kalsada
na nag-aaral humawak ng sandata
o ng matalim na pluma
A, magsayawan muna kita
sa gitna ng ulan
hayaang kahit minsa’y maipagdiwang
ang biyayang ulan ng mga nag-alay
para sa bayan

Tama, tayong lahat, sa langit titingala
Hahayaang buong katawan ay mabasa
Tama, hindi natin pipigilan ang natural na daloy
ng luha sa mga mata
Habang sa gitna ng ulan...
Habang sumasayaw kita
ang luha, ang luha na damdamin ng kaluluwa
ay may layon ding maglakbay
kasama ng tubig sa ilog, ng dugo, ng pawis, maging ng pluma
na sa huli
mangagsisiindak rin sa katauhan ng ulan
Kasama ka!
Tara! Magsayawan muna kita

-010112







No comments:

Post a Comment