That's
the beauty of above ground tomb here in the Philippines...
Kalahating
oras na akong nakaupo sa waiting shed. Nag-aabang ng dyip habang
nagtetext sa kaibigan. Nakakainip maghintay ng masasakyan, lalo na kung
hindi mo alam kung sasakay ka talaga. “kelan lang ay nag-alay ako ng
bulaklak sa puntod ni Rhiza,” sabi ng katabi ko. Ewan, kung ako ang
kausap niya. Pero sakin siya nakaharap. Dalawa lang kami sa upuan na
‘yon sa waiting shed.
“kay laki ng pinagbago ng lugar. Wala na
iyong puno sa harap ng puntod. Iyon lang sana ang nagsisilbing payong ni
Rhiza sa mga oras na tirik na tirik ang araw. Duhat ‘yon. Puno ng Duhat
na sa tuwing dadalaw ako’y walang bunga. Di ko alam kung nagkakataon
lang o baka nakararamdam rin ang punong iyon ng panganib na dulot ng
aking pagbisita. Wala na rin nga yung nilagay kong palatandaan sa lugar.
Tinanggal na siguro ng bagong bantay sa mga puntod.
Ngayon
sigurado na akong ako nga ang kausap niya. Nakalimutan ko ng magpapara
pala‘ko ng jeep. Nakakapraning si manong e, lakas trip… di muna ko
sasakay.
“Masisisi ba nila ‘ko kung hanapin ko sa kanila yung
bandanang dilaw, doon sa rehas ng bakod. Na siyang palatandaan na
katapat niyon ay ang kinalalagyan ni Rhiza. Tinanong ko lang ang
Guwardiya. Sabi nilang hindi nila alam. Hindi nila alam at wala silang
pakialam… pero hindi pwedeng hindi nila alam. pakiusap!! pakiusap!! ang
paulit-ulit kong sabi sa kanila. At hindi ako tumigil kahit na dumudugo
na ang noo ko nang mahampas sakin ang baril ng isa. Lumuhod ako sa harap
nila… pakiusap kong walang tigil”
Wow! Daig pa ni manong si Lea
Salongga sa Cinderella, sa isip-isip ko. Ang bilis magpalit ng damit ni
Manong. Siguro dating Artista sa teatro. Characterized ‘yung dialog…
“Pasalamat ko ng malaki nang ipakita ng bantay ang dilaw kong bandana.
S-si Rhiza. Nasaan na po si Rhiza?!” pinatayo ako ng guwardiya at
itinuro niya ang banda roon. Hindi ko maulinigan, at madilim ang hapong
iyon. Wala akong makita. Tinungo ko ang banda roon. Gagap ko sa isip ang
lapidang may ukit na pangalan ni Rhiza.
Ang hanay ng ataul ay
hindi ko nilaktawan sa paghanap kay Rhiza. Wala akong Makita! Wala na
ang harang na pumapagitan dati sa puntod ng mahal kong si Rhiza. Saan
nga ba? Saan po ba? Muli kong pakiusap at sinabayan ko ng pag-uyog sa
manggas ng unipormeng kaki ng bantay. Ngunit di ko maunawaan kung bakit
nila ipinagkakait ang madalaw ko ang puntod ni Rhiza. Kahit ang puntod
lamang niya… ang banda roon, ay mga sako lang naman na may kung anong
laman. Itinuro ng gwardiya na tanggalin ko sa pagkakasara ang isa sa mga
sako.
At nakita ko ang aking anak. Rhiza?… Rhiza, ikaw nga!
Kamusta na ang anak ko… ang maganda kong anak… Rhiza! Rhiza…”
OA
sa emote si manong. Para siyang may kargang hangin. Inuuyog. Idinuduyan
ng bisig. Parang baliw. Parang may sapak. Gusto kong makisakay sa trip
ni Manong. Kaya, hinipo ko ang ulo ng karga niya. Malamig ang hanging
para kong tangang hinaplos. Oo nga… at maganda si Rhiza nang makita ko
siya sa aking isip. Pero si manong, nagulat ako nang siya ay napahinto.
Sabay titig sa akin. Nagulat ako sa pinukol niyang tingin. Nakita ko ang
nanlalaki niyang mata, walang tinag na nakatitig sa akin. Agad akong
kinabahan, pero ngumiti siya pagdaka at tumakbo nang mabilis… papalayo.
Na walang lingon-lingon sa kanan o sa kaliwa… maliwanag kong nakita ang
masaya niyang pagtakbo bago siya tuluyang matumba. Humagis pang parang
papel nang masagi siya ng isang malaking bus. Bigla akong napatayo
sa’king kinauupuan sa lilim ng waiting shed.
Napasigaw ang ilang
nakasaksi. Ang tingin ng lahat ay sa taong nakahiga… habang tikom ang
bibig kong tila nangatal sa pagkabigla. Si Manong… Napalunok ako ng
hangin at hindi parin makapaniwala. Nakita kong ngumiti siya sa akin
bago tuluyang mapapikit. Ang ngiti ni Manong… parang sinasabi sa aking
alagaan ko si Rhiza. Napatingin ako sa langit. Bughaw ang ulap. Alam
kong mahal na mahal niya ang kanyang anak. Malinaw kong nakitang kumapit
sa kamay ko si Rhiza at lumuluha pang nagpapaalam sa kanyang ama –si
Manong. Napaluha ako. Pagdaka’y bumulong ngunit matapat na pangakong
nagmumula sa’king puso. Mabagal kong sinabi ang mga kataga… Aalagaan ko
si Rhiza. Pangako, aalagaan ko siya.
No comments:
Post a Comment