|
ni jesus santiago
Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako'y bigyan
ng isang taling kangkong
dili kaya'y isang bungkos
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako'y nagugutom
at ang bituka'y walang ilong,
walang mata.
Malaon nang pinamanhid
ng dalita ang panlasa
kaya huwag,
mga pinagpipitaganang makata
ng bayan ko,
huwag ninyo akong alukin
ng mga taludtod
kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita.
mula sa tula ni Jesus Manuel Santiago
Ang tula ay damdaming nakapaloob sa mga piling salita. Sinasabing ang tula ay maaring masulat na ‘sang upuan lamang, sa madaling salita’y madaling gawin. Ayon nga kay Alexander Sinitsit kapag nakasulat ka ng tula ay para ka lang isang batang nang-aagaw ng laruan sa kapwa mo bata, kapag nakasulat ka naman ng isang kuwento ay para kang mandurukot o snatcher, pero kapag nakasulat ka ng isang nobela para ka ng Bank rubberier. Pero hindi lahat ay ganito ang pagtingin sa tula. Ang tula ay isang uri ng ating mayamang panitikan, masarap man o manibalang ang lasa ay isa paring obra.
Ngunit paano nga kung ang tula ay isa lamang pumpon lamang ng mga salita? Gaya ng paksain sa tulang ito, “ kung ang tula ay isa lamang” sa unang linya palang sinabi na kung ang tula ay pumpon lamang ng mga salita ay mabuti pang bigyan na lang siya ng isang taling kangkong o bungkos ng mga talbos ng kamote na sa kung saan lang tumutubo ngunit mas makabubusog sa kanyang tiyan.
Ang ganitong mambabasa ng tula ay uhaw sa karunungan at gutom sa kaalaman. Gayon nga’y ang sikmurang gutom ay walang ilong at mata. Kaya’t hindi mapanglililo ng mga mababangong salita, magagarbong taludtud at mahuhusay na paghahabi ng wika. Masarap ngunit hindi nabubusog.
Anong damdamin nga ba ang makapupukaw sa bayan? Binubulag ng sistema ang mga tao, kaya’t kay husay at mangyaring mabuhay ang mga tulang naglalantad ng katotohanan, lumalaban sa inhustisya at nagmumulat sa piniringang mata ng masa. Sa tulang, “ Sa Napakaingat na makata” ni Prof Rogelio Ordones ay may puntong: ang makatang nagtatago ng katotohanan at takot na magpalaganap nito’y walang kahihinatnang manunulat, walang lugar ang karuwagan sa isang mahusay na manunulat. Maraming sakit ang lipunan, maraming suliranin ang lipunan, maraming dapat na ihayag, patotohanan, at iulat sa bayan.
Kaalinsabay ang sustansyang hinahanap sa isang magaling na tula. Mensahe ang pinahahalagahan ng isang manunulat, bagamat nakatutulong rin ang porma sa kasiningan ay hindi ito ang dapat mamayani. Yung mensahing mananatili o uukilkil sa kaisipan ng mga babasa. Yung mensahing may sustansyang hindi basta basta lang mawawala sa gunita. Yung mga tula sa pag-ibig o romansa, tumatagal ba sa panahon? Hindi. Parang making love rin, saglit lang. subalit ang mensahing maglulunsad ng pagbabago, ng pagkamulat, ay mananatili hanggat ang lipunan ay may sintomas ng ganitong sakit.
Lunsuran ng masustansyang tula ay ang mayamang minahan ng brilyante ng karunungan -ang masa. Para sa mambabasa kung bakit tayo sumusulat, at ang kalakhang mambabasa ay ang karaniwang masa. Sa gayon ang bawat tula ay hindi na isa lamang pumpon ng mga salita. Mas malinamnam pa sa anuman, makakain, malulusaw sa tiyan, ngunit hindi ilalabas ng butas sa puwetan.
Yey. this post helped me in making my review of the poem. Thanks!
ReplyDelete