Mababanaag, anag-ag, silab
Sa isip ng mga punyal
Na itatarak, wawakwak sa leeg ng mga hangal
Ipanlalaslas sa katawan
Ng mga bundat na buwaya, buwitre, at uwak
Na pusakal na tagapigtal
ng pagtitiis at pag-asa
ng masang pinakamamahal
Ang itinimo sa isip
Lilikha ng diwa, ng adhika
at isisigaw sa wakas ng silab
na pinaaalab ng lubhang pagsalabusab,
Pagkaduhagi’t pang-aalipin, pang-aalipusta,
Pagyurak, pangmamata,
Pagtratong hayop sa mga magsasaka,
Di wastong sahod ng mga manggagawa,
Pandurukot, pagpapasista sa unyon,
Pananakot sa protestang may layon
Ngayon, mula sa tumimong adhikang
nag-aalab, naglalagablab
Isisigaw: Rebolusyon! Rebolusyon!
Rebolusyon!
Mababanaag ang silab
Dingas sa kumukulong dugo
Simbuyo ng puso ng punglo
Sapat na aming pagtitiis
Para sa kasingilan
ng daang buhay na binuwis
Magniningas ang puso’t isip
Para sa Pambansang katubusan
Lilikha ng hanay
Kikilos para sa bayan
Lalaban para sa pagkamit ng kalayaan
Lalaya ang masa
Lalaya sa anumang paraan!
Taas kamaong tutungo
Sa iisang daan, sa iisang yugto
Kalangitan at lupang kulay dugo!
No comments:
Post a Comment