Sunday, July 31, 2011

SALAMAT SA'YO: Ikaw na dahilan kung bakit kami nandirito sa lansangan ng pakikibaka


Ilang taon kna ring nakatayo ka sa popeye
hawak ang mikropono
salamat at umaangat ang aming pang-unawa
sa katayuan, sa estado
salamat at mukhang isinasakripisyo mo ang lahat para dito
suot lagi ang kupasing maong
at fitted black T-shirt,
hindi ka napapagod
na humawak ng plakard
baner, poster, habang nakataas-kamao

nakalimutan ko, isa ka ring estudyante
sa unibersidad na ito
A, tulad ko
pinili mong magbigay ng marka
sa mga tao sa pulitika
bigay mo nga noon kay La Gloria
sa kanyang rehimeng pinutakti ng mga pag-aaklas, kilos-protesta
malaking singko ang ibinigay mo sa kanya
at ngayon kay P-noy
kamo matapos ang isang taong pag-upo sa palasyo
dapat lang bigyan ng bugok na itlog
ng nilalangaw na singko
bilang iskor niya sa pagiging tuta, inutil, bobo
tama, binigyan mo siya ng bagsak na marka
Tama, nang  sabihin mong masa ang magtatakda
masa ang tagapagtakda
salamat sa katibayan mo at pagiging ihemplo
Salamat sa'yo

Salamat sa isinasakripisyo mong pag-aaral
maipaglaban lang ang bayan
sukdulang sa mga rally ay masaktan
sa tulakan sa takbuhan,sa girian
maiwan man tsinelas sa lansangan
sa tama ng truncheon: duguan
at madalas pa ngang nangangalam ang tiyan
sa paglatay ng bala ng tubig sa balat, sa katawan
maipaglaban lang ang bayan, ang karapatan!

masahol pa nang sermunan ng magulang
o ang pag-aalala kaya
pangamba na baka bukas, makalawa
hindi na init ang kanilang madama
kapag yakap ka
hindi na init kundi lamig
hindi na init kundi ang malamig na katawan
na yayakapin sa pagkakahandusay
duguan, walang pagpintig, walang buhay
Salamat at wala kang pangamba
sa kung anuman ang itinatakda
ng paglalakbay ng hanay
isipan mo'y nakatuon
Lamang sa tagumpay

Salamat at iminulat mo kami sa katotohanan
Salamat sayo -Iskolar ng Bayan
nag-aalab ang iyong paninindigan
sa Pambansang kapakanan
Salamat sa iyo

ikaw na dahilan kung bakit kami nandito
sa lansangan ng pakikibaka
nakataas-kamao 

No comments:

Post a Comment