Sa batis ng Croma de Habla
Tumulong ang publiko abugado
At pumintig ang pag-asa
na mabulid silang akusado
kaso, ilang libong piso
ang halaga ng bawat proseso
ako'y aba na maging bulsa'y tinatrangkaso...
bumulong mga demonyo
iurong, iatras nang mabilis maasunto
reklamo'y kikita pa ng daan daang piso
Tarantado! hindi ko makita kung paano kumita
sa napakababoy na paraan
hinihipo ka't hinihimas, nilalamas
marahas na winawasak ang puri mo't dangal
sa gitna ng mga hayop, mga hangal!
pinagpasa-pasahan, pinagsasawaan
pinagpasa-pasahan, pinagsasawaan
hindi ko makita kung paano kikita
ang kahubaran, lupaypay, sugatan, luhaan...
Gusto kong lumaban!
manhid man ang katawan
may tinig at boses na dapat pakinggan!
Diyos na mapagmahal
nakagigimbal ang mga hangal
sa iisang lamesa kasama ang piskal
Diyos ng mga napapagal
bawat subo nila'y may pagtalsik ng laway
may matamis na hagalhal
nang magbayaran na ng dangal
at kabanal banalang puon
korteng walang pusong mamon
atorni ko pa ay may ipinabaon
kapag tinanong raw
“iyo… iyo nga ni!” lang ang itutugon
pinilit akong amuin
palaisipaý naging sudoko sa kamay
kinakalamay aking salaysay…
binabaliko ang siyang tunay
“binanyuhay ang salitang hinalay”
Tangan ay martilyo?
Kaso ko ang pako…
At sa pagbagsak ng hatol gamit ang maso
Naalala ko si Pilato
Nang ikunla kamay sa plangganang may tubig
Pinaghugasang plangganaý kumulay ng dugo…
Tinurok sa sintido
Anestisya ng pagkadismaya
Pinaghalayan ng husgado
pinagahasa sa basura
sa manhid kong lipunan
saan ang hustisya?
No comments:
Post a Comment