(opiumistik)
Sa pagninilay ng usok saking bibig
sa tuyong pitalyang nakalubid
anong inam tuwing ititirik
kamalayang pinaslit ng ligalig
saglit na hitit
isang mariwasang pagtirik
sa inabang kaisipan
tulad ng walang kasing itim
na usok ng lipunan
ng daang bayan
sa masukal na kagubatan ng isipan
ng mga di nakatikim ng kahirapan
silang nagpapasasa sa kapangyarihan
ng kanilang upuan
na nagpapakalunod sa paggasta
sa kabang yaman
ngunit hindi sa pinagnakawan
kundi sa labas ng bayan
paggasta sa L.A, Nevada, Paris at Taiwan
nagpapawis sa karangyaan at kaluwalhatian
habang ginagasta ang pinagpawisan
ng aking mamamayan
na walang sukat pag-ibayuhin
ang pagdidilig ng dugo at pawis
sa ilang dekadang pagkasubsob
ng mga palad dito sa lupang sakahan
mga pagpasan
ng ilang toneladang pait ng mga pagawaan
at maamong pagpapaalipin
sa mga dayuhan
konting ligalig?
Anong inam na dahilan ng mga nagpapalamig
sa Switserland, Mongolia at Korea
Di nga nila alam
anong inam
humitit ng usok ng ligaya
at magpainit sa dibdib ng masa
na papag-alabin ng ilang buntong-hininga,
pagkalam ng sikmura
na pilit pinagkakasiya babaryang kinikita
mula sa paltusing palad na nakatanghod
sa mumo ng pinagtatrabahuhang kumpanya,
bulasing kinalaykay sa basura
bawndering binawasan
ng mga nangungotong sa kalsada
mga Trapiko-sultanang nagmana sa ama
na mahilig magplano
sa ilalim ng mesa
habang nakasukbit mga kamay sa bulsa
Usok
magpakalunod sa usok nang itirik nito
kamalayan sa dakong konsepto
ng katotohanan
sa hayag na kalagayan ng lipunan
nang maisip, walang kasing sarap
magnilay-nilay habang humihithit
nang maisip, babala ng mga tabako, hope, winston, marlboro at philip
"Cigarette's warning
Government is Dangerous to your Health"
No comments:
Post a Comment