Thursday, August 4, 2011

kulay sa ating panulat



Tama na ang luhang pumapatak
katambal ang ulan sa pagtangis
wala nang pagpinid sa haba
walang hinto, walang panuto
hanggang maulit muli ang siklo
hanggang masaid ang pagtulo
...ng plumang nagdurugo

kung payak lang na dura
umaapaw man na salita
kung sinilang lang ng dila
ay wala paring naipunla
walis na winawasiwas ang tingting-kapal
walang nadampot... puros paghingal
umaatungal ng pabulong
walang punyal
...ang tintang hangal

kung batis ng puso
pulot ang luha sa galak at samyo
lantay na pag-ibig
busilak na himig
at ilang mga dakilang pag-awit
tapat na paghimig
...ang makatang panitik

Kung may baga, naglalagablab
bawat titik ay may apoy, may alab
tutupok sa katawan ng mga salabusab
lumilikha ng bitag, matatag
handang pumatay, handang bumuhay
nagpapakilos, nagpapalaya
...ang pulang tinta

Ito'y kulay ng ating panulat
mula bughaw na tinta
sa papel ng lipunan
nakasulat sa puso
ng mga mayayaman
elitista, burgesya,
mga boss ng multi-bilyong korporasyon
mga hindi  nagpapasweldo
kapre sa palasyo, senatong, tonggreso
at iba pang swapang, abusado at berdugo
mga may dugong-bughaw
na nagkakalat, nagpapakalat ng tintang itim
sa kabayanan ng karimlan
sa kagubatan ng dilim
Itim na bukas sa mga naggagapas
itim na lunas sa mga buhay na mauutas
itim na awas sa mga gutom na obrero
itim na agas sa ilog ng panangis
na dumadaloy sa puso ng mga nagdarahop
itim na nagpatiim-bagang,
masidhing nagpakuyom ng palad
at nagpaalab sa dumadaloy na pulang dugo
ng masang sa galit ay punong-puno
tintang pula sa oda ng mga punglo
tintang pula sa hanay ng mga nakataas-kamao
tintang pula ng mga rebolusyunaryo
tungo sa pag-iibang kulay ng sistematikong kabulukan ng lipunan
ang tintang pula sa himno ng pagbabago
patungo sa iisang yugto

kalayaan ang kulay ng dugo
-080209

No comments:

Post a Comment