Monday, April 4, 2011

ABITO

Ang batingaw na iyon na may awit at kumpas, ang tanging kampana sa simbahan. Ang hudyat nitong nagpapaalala sa aking kamusmusan ay pilit dinadala ako sa iisang daan na iyon patungo sa lihim na hardin ng isang hasyenda ng malolos. Wala naming pinagkaiba iyon sa ibang hardin na nakita ko na. maliban sa isang puno sa pagitan ng malalagong mga bulaklak at konkretong bukal ng tubig na gawang kamay –ang punong mas matanda pa sa akin.


Iginala ko sa paligid ang aking paningin, mula sa mga dingding na puno ng mga larawan ng mga misteryo ng Sto. Rosaryo at ng Via Crucis ; ang pwesto ng mga koro –sa saliw ng kanta ni David Pomerance, ang awit na waring idinuduyan ang kaluwalhatian ng pag-iisang dibdib ng mga kerubin; ang labinlimang misteryo ng Santo Rosaryo na nakaguhit din sa kisame ng simbahan hanggang sa mga nagsidalo na ang ngiti ay wagas.
Oras na. Sa hudyat ng kalembang ng kampana ng simbahan ay dahan-dahang humahakbang sa rosas ang kanyang mga paa. Mabagal ngunit pulidong sinusulit ang mga yapak –tila ang bawat hakbang ay may katumbas na pagkabog sa kanyang dibdib; sa manipis na telang nakatakip sa kanyang mukha ay mapapansin ang pangingilid ng luha… luha ng kasiyahan marahil.
At iniabot na ang kamay sa kanya, mula sa ama ni Marivic, si mang Lukas na namumugto na ang mga mata… sa dalawang kasalukuya’y pinag-iisa’y may kung anong kakaibang kislap ang makikita, at wari ay hindi mawawala.
Kung hindi lang ako nawala nang matagal na panahon, di sana ay ako ang lalaking iyon na magdadala kay Marivic sa harap ng altar. Hindi naman talaga ang kuya ang naunang nakilala nito. Ako. Una niya akong nakilala at sa simbahan ding ito mismo. Naaalala ko pa, ang daan pabalik sa alaalang iyon ng aming kamusmusan. Ang panyong inalok niya sa akin. Nasa gilid ako noon ng hagdanang paakyat ng kampanilya ng simbahan. Nagtatago sa sulok at umiiyak sa hapdi ng natamong gasgas sa tuhod dahil sa pagkakahulog ko sa hagdan ng kampanilyang pinipilit kong akyatin upang Makita ang malaking kampana. Bata pa kami noon. Nagulat ako nang ilahad niya ang puting panyo sa kanyang palad. Nakangiti siya habang pinapanood ako.
“bakit mo ko tinitignan, pinagtatawanan mo ba ‘ko kasi umiiyak ako?!” pinunasan ko ang aking mukha at pinigil ang pagsinuk-sinok, pero hindi ko tinanggap ang panyo niya.
“bakit ka andito?” tanong ko sa kanya na hindi parin naaalis ang pagkakangiti.
“wala lang. narinig ko kasing may umiiyak, kaya hinanap ko. Bakit ka ba umiiyak? Nawawala ka ba?” mahina niyang tanong na kay bagal.
“hindi.” Sabi ko. “nadulas lang ako sa pag-akyat ko”
“may sugat ang tuhod mo”
“wala ‘to. H-hindi naman masakit e!” siguro ay naniwala siya.
“bakit ka ba aakyat diyan? Hindi ka ba takot na mahulog?” ang liit ng boses niya na parang may kausap lang ako na ipis.
“siguro, gusto mong Makita ang kampana?”
At napatigil ako. “alam mo kung ano ang nasa itaas?”
“Oo. Ang malaking kampana”
“kampana? ‘yon ba ang tumutugtog?”
“Oo,” walang pag-aalinlangan na sabi ng ipis niyang boses.
“nakita mo na?”
“P-pano sila tumutugtog? Anong hitsura nila?”
“hindi pa. Pero nakakita na ko ng maliliit na kampana, maputlang pula ‘yon na matamis kapag hinog na,” aniya na may kasama pang kumpas ng kamay sa hangin, waring nagsasabi siya ng totoo.
“tsk. Nandito ka ba para magsimba?” tanong ko.
“syempre! Ano pa bang ginagawa sa simbahan?”
“marami,” naalala ko ang pangaral sakin ni Padre Albason, “kung sa’yo siguro.. pagkukumpisal, nakakawala raw ‘yon ng kasalanan sabi ni Pader. Lalo ang pagsisinungaling.”
“sinong sinungaling?!” kumunot ang nuo niya.
“ikaw,” matapat kong tugon.
“hindi a, totoong nakakita na ‘ko ng kampana..”
“maliliit nga lang, pero totoong nakakain sila!”
“gusto mong Makita?”


Bigla, hinila niya ang kamay kong parang hindi nakita ang sugat ko sa tuhod. Pero, kinasabikan ko ang kanyang sinabi; maputlang pula na matamis kung hinog. Kung ganun ay palaging busog ang mga ibon sa tuktok ng simbahan, lalo na iyong madalas dumapo sa kampanilya. Busog sila sa laki ng isang iyon.
Nakalimutan ko na ang sakit ng pagkakahulog . parang balewala lang kasi sa kanya kung ngumiwi ako sa higpit ng kanyang pagkakakapit. Tulad na ‘yon marahil ng pagpapakasal niya kay kuya.
Huminto siya sa harap ng konkretong pader na may mga halaman sa ibaba, na nakapaligid. Hindi ako umimik sa gagawin niya, parang may hinahanap na butas sa halamanan.
At lumusot na rin ako matapos siya sa punpon ng mga matatabang halaman . May daanan nga doon. Butas ang pader na pwedeng magkasya ang isang tao kung gagapang siya papasok.
Isa ‘yong halamanan. Kay daming mga matitingkad na kulay ng iba’t ibang bulaklak. May paru-parong namimiesta sa katas ng naggagandahang mga rosas, daisies at hasmin. Isa iyong paraiso. May bukal na tubig na umaagos sa konkretong maliit na talon; At higit sa anuman ang maliliit na kampana. Ang sarap sa mata na parang papahinog nang prutas ng mansanas –yung manibalang palang ang pagkakapula. Para rin yung namumukadkad na pulang rosas sa dami na hindi yata mauubos sa isang linggong lantakan.
“nakakain ba talaga ‘yan bata?”
“hindi bata pangalan ko!”
“Ano pa lang pangalan mo?”
“Marivic! Maria Rivina Claudia dede Cornelio Sampin”
“ha? E, Anong pangalan mo dun?”
“yung palayaw kong Marivic.”
“tsk. Bahala ka na nga ipis,” sambit ko ng matuliro ako sa haba ng pangalang binanggit niya. Hindi sa totoong ayaw ko sa pangalan niya, lamang ay hindi ko matandaan ang kabuuan ng kanyang binanggit.
“T-teka, baka may lason naman ‘yan… o b-baka hindi masarap o di talaga ‘yan kinakain”
Kumunot na naman ang nuo niya. At itinuro ang bunga, “Ba’t di mo tikman?! Kumuha ka ng isa, o ng marami, para sakin rin!”
Tumingala ako sa may kataasang puno…
“Bilis!” pangungulit niya pang lalo.
May kataasan rin ang punong iyong hiwa-hiwalay ang ungos ng mga sanga, manipis at waring makinis ang balat kaya’t hindi madali ang pagkapit. Walang pupwedeng kapitan. Ngunit isang mabangong prutas ang nakae-enganyong matikman sa unang pagkakataon.
Sinubukan kong umakyat. Madulas ang paa ko. Siya nama’y naghanap ng patpat. Ewan kung bakit dinala ako ng pananabik sa itaas ng puno. Abot kamay ko na ang mga kampana. Ang bawat tunog ng pagpintig ng dibdib ko’y isang tunog ng kampana ng simbahan.


Hindi ko namalayan ang pagtungtong ni Marivic sa harap ng altar. Bakas na bakas sa kanya ang di matawarang kagandahan, ang kariktang pinalabas lalo ng kanyang suot na puting bestida na lantay sa seda. At makipot na labi, ang kanyang ngiti, ang malamlam na mata na mala-porselana ang tingkad ng loob… nang mga sandaling iyon, hindi ko mabaling sa iba ang aking paningin ay narining kong umaawit ang mga ibon. Ninais kong takpan ang aking tenga upang hindi marinig ang mga koro at ng tunog ng mga kampana sa aking isip. Subalit tinatangay ako ng himig sa ‘iyon. Malayang pumapasok sa aking pandinig. Nagbablangko sa isip ko ang nagaganap. Tila may ibang mundo akong kasalukuyang binabalikan, na hinahanap ko sa daan ng lihim na hardin ng aming hacienda.
Malambot sa bibig ang maliliit na kampana na may manamis-namis ang katas. Sa una kong tikim, tila iyon na ang pinakamasarap na prutas sa mundo. Marami akong kinuha. Pinuno ko ang dalawang bulsa ko at ang loob ng aking suot na damit at hindi ako bumaba hangga’t hindi ako nabubusog. Bawat mapitas ko’y diretso sa bibig kong sige ang nguya. Tumutunog sa tiyan ko ang maliliit na kampana. Anong sarap sa pandinig…
Ewan, kung papaano ako nakababa sa taas ng punong iyon. Sa liit kong iyon noon. Mas mataas pa sa akin ang alaga kong asong may mga batik-batik -kapag ito ay nakaupo. Siguro’t dala na marahil ng labis na galak.
Naging magkaibigan kami. Sa tuwing magkikita ay hindi mawawala sa usapan ang maliliit na kampana. Hanggang sa naging lugar na iyon ng aming palaruan, ansaya ko kapag nakikita siyang nakangiti habang ngumunguya ng pulang kampana. Masayang kumakabog ang aking dibdib.
Ngunit isang araw, habang Masaya kaming namimitas ng mga kampana ay biglang dumating ang isang may edad na lalaki. Kita ko ang panlilisik ng kanyang mata habang nagmamadaling papalapit sa amin. Kumabog ang dibdib ko nang malakas. Nang pagkalakas-lakas. Minadali ako ni Marivic na bumaba subalit hindi ko na kaya. Ang bigat ng tuhod ko, na hindi ko na maigalaw sa takot. Nakatatakot ang mukha ng matanda habang papalapit nang papalapit ito sa aking kinapupwestuhan. Kung tatalon ako’y baka ako mapilayan. Masyadong mataas. Ilang hakbang na lang ang agwat namin. Bumigay ang sangang kinakapitan ko at nawala ang balanse sa pagkakaupo. Ang alam ko’y nakatawid na si Marivic at naiwan akong mag-isa.


Gusto kong magsalita. Sabihing tumututol ako! Ihinto ang kasalang ito. Hindi ka dapat pakasal sa kanya. Kailangan kong sabihin ito, kung hindi ay sasabog ako. Isa..dalawa…tatlo!
tahimik ang paligid, waring naghihintay ng sakunang hihinto sa isang banal na seremonya.
“kung gayong walang tumututol sa kasalang ito, ipagpatuloy na natin ang banal na seremonya…” mabagal ang salita ng pare. Tila inulan ang araw ko. Nabasa ang mitsa ng pagbabalak. Wala nang pagsabog na magaganap. Nasayang ang pagkakataong kay hirap buklatin subalit hindi naman napasubaliang gamitin.
Sa pagkapatid ng kaganyakan ng naglalakbay na kamalayan, noon pa inakala ng hindi palaging pagkalunod ang dulo ng pagkalubog o pagkalito sa pagkalimut. Hindi pa. kung hindi siya tutugon,


“I do,” sagot ng kuya.


T-teka, hindi pa. kung malilimutan ni Marivic ang sasabihin. Wala sanang lumabas na boses sa bibig niya. Hindi sana niya masabi ang dapat sabihin.


“I do.”


Naalala ko kagabi, maaliwalas ang paligid sa muli kong pagbisita sa dati naming palaruan ni Marivic at doon ay kinausap ko siya. Mahirap para sa akin ang tanungin siya, “Mahal mo ba talaga ang kuya?” habang kunwari ay nasa akin ang lakas ng loob na marinig ang kanyang kasagutan.
Matamis ang kanyang pagkakangiti, sabay sabing,
“Oo.”
Musika sa pandinig. Napaluha ako nang hindi ko napapansin. Nagtaka siya at nagtanong, “ha, ah, w-wala ito! Labis lang akong nagagalak para sa inyo. Mabait ang kuya at alam kong liligaya siya sa piling mo… hangad ko ang inyong kaligayahan.”


Ngayon, dapat nang iwanan ang nakaraan. Hindi na dapat pang ibalik ang masasayang araw na kasama ko siya. Hindi na maaari ang pagbuhay sa mga kupas na larawan sa aking isip, tuwing nilalamig ako. Dapat na kong magsawa. Libangan ko lang naman ang mga liham ko sa kanya at susunugin rin lang naman iyon ng panahon. Sampung taon at higit pang mga buwang pagpapagaling sa Estados Unidos. Sa pagpapatuloy ng therapy session ng limang taon. Ang ngayo’y malaking pagbabagong naganap sa akin. Nakakapaglakad na kong muli sa tulong na rin ng baston. Ngunit hindi madaling humilom ang sugat ng puso –gawa ng pagkakawala ni Marivic sa akin.

Si Marivic. Ang pagkawala ni Marivic, alam ko at walang ibang dahilan kundi ang sakim na 'yon. Noon pa man kahit sa simpleng bagay, bakit hindi niya kayang umalis sa hindi naman talaga sa kanila, nang wala nang problema. Parehas siya ng kanyang ina -kung alam ko lang -pakawala, isang puta! at nadampot lang sa lagian ng mga kalapating mababa ang paglipad. Ang kanyang ina, hindi ko alam kung paano nauto nila si ama. Anong pinakain ng mga hampas-lupang 'yon! At akala niya tutulad ako't magpapauto rin? Sapat lang na nahulog ang babaeng iyon sa hagdan, sinadya man o hindi, masaya ako! Nabawasan ang mga mang-aagaw sa pagmamahal ng aking ama. Wala na! Madali na para sa akin ang kuya. Kuya?! kahit nakakaasiwa, nakaduduwal, masakit sa pandinig ang sabihin, ang tawagin siya sa ganoon. Nakatatawa. Para lang mapagbigyan at hindi na maungkat pa ang mga nangyari sa malanding iyon, pagbibigyan ko na at hindi na ko matitiis ng ama ko. Bakit hindi? Ako! Ang siyang tunay, ako at wala ng iba!

Ngunit, kung ayaw tumahimik ng nag-iingay, takpan ang tenga nang di marinig ang sigaw niya, “Ina ko! Wag mo kong iiwan.. Ina!” malakas ang kanyang palahaw nang patakbo siyang lumapit sa walang hiya niyang ina, nakahandusay na sa ibaba ng hagdan, may bahid ng dugo sa kanyang kamay nang haplusin niya ito. “I-ina kooooo!” di ko balak na pakinggan ang kanyang sigaw, pagmamakaawa,  subalit sa pagitan ng tengang pilit tinatakpan ng mga palad, sumisingit parin ang kanyang nakaririnding paghingi ng tulong, ang paulit-ulit na pagtawag sa pangalan ng kanyang ina. Tang ina!
At kung ayaw umalis ng pinaaalis, ikaw na nagpapaalis ang umalis. Kaya’t hindi na ko tumangging magpatuloy ng pagpapagamot sa Estados Unidos, sa lola. Ngunit nakakapagod pala na takpan ang tenga. Lagi sa isip ko ang mumunting tinig ng kampana at si Marivic. Si Marivic! Sinong nagsabing makikilala niya ang kuya. Teka, anong pinagkaiba ko sa talunan na piniling umalis, wala sa pinuntahan ko ang aking mundo, ang aking daigdig, naiwan ko si Marivic. At hindi ko akalain matapos ang sampung taon, sa aking pagbabalik ay gunaw na ang aking mundo, winasak na daigdig. Hindi. Dahil ito ay inagaw sa akin. Mang-aagaw! Sakim! Traydor! Bakit! Bakit!


"Kaawaan kayo ng puong may kapal," usal ng pari para sa pangwakas na panalangin. Kaawaan ng puong may kapal? Mga hangal. Kahangalan. Ang karamihan ay nakayuko at taimtim ang pagsamyo sa magarbong kasalan. Hindi pa. kung ang paring nakaputing abito ay maging marahas sa pagbuklat ng bibliya. Doon ay kukuhanin ko ang isang bagay na nakaipit. At isasakto ko sa pagbigkas ng Amen. Puputok ang baril… saglit. Nagulantang ang lahat, parang langgam na nabulabog, ang iba ay nanatiling estatwa sa pagkakatayo.
“H-hindeeee! Miko!” napatda ito sa aking harap at duguan ang puting kasuotan.
“M-Mikooo…” ang sigaw ni Marivic.
Lalapit siya sa akin pagdaka. “A-anong ginawa mo! Bakit?!” mariin ang pagkakakapit ng kamay ng Marivic sa suot-suot ko nang abito. Dumaloy ang palasak na luha niya sa kanyang mukha.
“Bakit!? Bakit!? Dios ko… Bakit?!” nabitawan ko ang baril dahil sa panginginig ng aking kamay. Nakita ko ang kuya, duguan.Ngunit hindi ko maramdaman ang awa, siguro ay ang pagdiriwang sa aking kalooban. Nailigtas ko si Marivic. Oo, at wala akong maisip na dahilan kung bakit hindi ko ito gagawin, mahal kita Marivic. Mahal na mahal.
Bakit ang kuya? Alam kong hindi ka liligaya sa kanya. Walang karapatang lumigaya ang mga mang-aagaw. Wala! Alam ko ‘yon, dahil sa akin ibinigay ng Diyos ang kalooban niya.
Narinig ko mula sa malayo ang mumunting kalembang ng mga maliliit na kampana, kasabay ng unti-unting paglikha ng mga kalabog sa aking dibdib.
“Ligtas ka na!”
Sa sinabi ko’y humigpit pang husto ang kanina nang mariing pagkakakapit niya sa akin, wari’y pinapainit pa ng hinagpis ang nanginginig niyang mga palad. Napansin kong nagusot niya na ang aking abito…
“MAaari mo nang hagkan ang iyong asawa,”
Lumakas ang hiyawan, nalusaw ang tagpong hinahabi ng aking isipan. Narinig kong muli ang kalembang ng kampana ng simbahan. Tapos na ang seremonya. Tinapos ito ng hiyawan at palakpakan. Bumaba na ang pari sa kanyang pulpito. Hindi. Ayoko ng nakikita ko. Binaling ko ang tingin sa iba. Napadungaw ako sa Istayon ng krus na nakadikit sa magkabilang gilid ng simbahan. Sabi’y ang isang nananalangin dito'y makakatagpo ng pakikipag-isa sa hirap, sakit, kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoon. Sinabi sa aklat ng Lucas, “Ang sinumang nais sumunod sa akin ay dapat na lumimot sa sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.”
Maya-maya ang tunog na nagmumula sa mga kampana ay tintawag ang aking pangalan. Ang kakaibang tunog na iyon. Agunyas? Ng pusong binatbat ng kapighatian. Iniwan ko ang aking pwesto. Nagmumula sa itaas ng kampanaryo ang tunog na waring binibigkas ang aking pangalan. Tinatawag ako ng tunog na iyon ng kampana. Inakyat ko ang kampanilya. Doon, mas lumakas ang musikang nagpapagaan ng aking pakiramdam. Waring umaangat ang aking paa sa kakaibang pakiramdam na ito. Umaawit ang kampana at sinasabing sumabay ako sa ritmo ng kanyang pagsaliw. Makasansaglit, napansin kong pinanunuod ako ng mga ibon. Ewan, kung natutuwa sila o natatawa. Iba ang tuwa sa tawa. Alam kong pinagtatawanan ako ng mga ito. Naisip ko, Huhulihin ko sila. Subalit mabilis ang pagkampay ng kanilang pakpak sa hangin. Masarap marahil ikampay ang mga kamay sa hangin at isiping ako’y ibon. Lilipad ako. Lilipad.
Narinig ko na lang ang mga tinig mula sa ibaba, “ May tatalon! Naku po, Maghunos dili ka…”
Napailing ako sa kanilang pagkabahala. Baliw ba sila. Hindi ako tatalon. Lilipad ako. Lilipad sapagkat ako’y ibon.


2 comments: