Sa pagbagsak ng Dice…
Papailanlang ang malakas na ingay ng pagsabog. Kasabay ng ilang mga putok ng malalaking armas. Sunod-sunod ang kalabit ng gatilyo at pagbunot ng ditsa ng Granada, sabay hagis. Mangagsisiliparan ang mga tinamaan, sa ere ang nagsikalasang mga bahagi ng katawan ay isa-isang mahuhulog sa lupa, kalat-kalat, hiwahiwalay. Ang binti, ang braso, katawan, ulo at mga daliri ay tila mga parte ng jigsaw pasel na laruan. Mahirap tukuyin kung alin ang magkakarugtong, ang magkakapares.
Wasak ang ulong may baluti na pang matikas na kawal. May bumaong bala sa nuo. Kasabay ng di mapigil na pag-agos ng dugo, lamang ay hihinto oras na masaid na sa mga ugat ang pulang likido. Apat na sundalo ang bumulagta sa lupa. Hiwahiwalay silang nagsibagsakan.
Sa pagbagsak ng Dice… ang tumapat na numero ay anim,
Nakatutok sa kanilang puso ang paningin ng bala. Sinisilip sa lente ng teleskopyo ng isang mahabang baril. Sniper. Nakasilip sa may asintahan hinahanap ang tinutudla, kaalinsabay ang pagpulas ng galit at pagtilamsik ng dugo mula sa nabutas na dibdib, tagos sa puso, labas sa may likod. Magkakaroon ng kaunting liwanag ang nabutas na katawan.
Gumapang ang isang sundalong may bitbit ng kanyon. Pumwesto. Nakapasak na ang bala. Pumailanlang sa ere at matamang binabagtas ng mapanirang bala ng kanyon ang pinatatamaang kampo. Isang malakas na igtad ng mga nahagip. Natupok ng apoy ang tanggulan, ang pinagkukutaan ng ilang sugatang kawal. Ang isang sundalo’y paulit-ulit umiikot sa damuhan, gumugulong–gulong, pilit pinapatay ang apoy na mabilis na kumakalat na sa kanyang ulo, sa kanyang mukha. Ang amoy ng sunog na buhok, balahibo, hibla ng kilay at pilik-mata, ng buong mukhang nilalamon unti-unti ng apoy… Tinutupok ng galit. Sa huli ay magwawagi ang nagngangalit na apoy. Iiwang nakaratay ang sunog na bangkay at magiging abo, na pagdaka’y liliparin ng hangin. Anim na katawang bumagsak… wala ng pagpintig… wala ng buhay.
Muling inihagis sa ere ang Dice, at tumapat sa bilang na isa. Nag-isip ang naghagis, kung isa lang ang matutumba ay bakit hindi ang may hawak ng kanilang tapang, ng kanilang lakas, ng kanilang pinaghuhugutan ng pag-asa… ang siyang mawala.
Sa pagitang ng mga putok at pagsabog at pag-igkas ng mga palahaw ng pangamba at takot, may isang sundalong mula sa kabilang hanay na ang tanging mithiin ay makalapit sa may tanging kampilan. Hawak ang matalim na tabak na may sariwa pang dugong tumutulo, mula sa mga ibang nangahas humarang . isang matalim na pagdatal sa leeg sa pinaka may ranggo. Ginilitan. Agad na sumirit ang dugo sa leeg. Tumalsik pa sa mukha ng gumilit, laslas ang litid at wakwak ang lalamunan. Unti-unting pinapanawan ng ulirat, ng dugong walang tigil sa pagpulas. Matapos sa leeg ay hiniwalay nito ang ulo sa katawan, sa pagkakadugtong. Pinugot. Hawak ng pumugot ang tapyas na ulo ng pinakapinunong sundalo. Matamis na tagumpay. Tumikhim ang may hawak ng pugot na ulo ng dugong tumutulo sa kanyang patalim. Nilasahan ang dugo. Iwinagayway sa kanyang mga kawal, sa mga kalaban, sa lahat, “ang inyong pinuno!! Ang aming tagumpay! Ang inyong pagbagsak!!!” “Andres!” ang tawag ng ale sa anak. “Andres! Pumarito ka’t may iuutos ako,”
“sandali po!” ang tugon nitong may pagkabagot. Dali-daling tumayo at at tumugon sa inuutos ng ina.
Sa kabilang banda ang mga laruang sundalo (ng magkabilang kampo) ay naiwang nakakalat… ang ilang nakatumaba, ang mga nawasak na tanggulan, ang dugong bumaha…
Bukas ang bintana nang humihip ang malakas na hangin. Dali-daling pumasok sa may bintana at tinangay ang parihabang laruang may mga bilang.
Sa muling pagbagsak ng Dice… walang numero ang makikita. Blangko. Walang bilang, “walang dapat mamatay!” ang sigaw ng isa. “kayo ang dapat mawala!!” “hindi!! Kami ang matitira sa hanay!”
“kayo ang dapat mamatay!!!” ang giit ng isa.
Muling nagpatuloy ang gyera…
No comments:
Post a Comment