Sa paibabang eskaleytor aakyat ako
hindi ititigil paghakbang paitaas
kahit pa pagtinginan ng mga tao
o sitahin, pituhan ng mga sikyo
hindi ako titigil
pagkamalan man nila akong baliw
sa pababang eskaleytor aakyat ako
at hindi titigil
maranasan ko man lang
maiba ang idinidikta ng sistema ng daan
sisigaw ako na nakataas-kamao
"GUMISING KAYO!!
MALI ANG SISTEMA NG ESKALEYTOR NA ITO!"
uulitin ko ang pagsigaw, hindi titigil
tutukan man nila ko ng baril
45' o shotgun man
hindi ako titigil
hanggang magising
mga nag-uubos ng pera tuwing kinsenas-katapusan
mga nagmomoling,
nagmamadali tuwing "sale" sa kung saan
"GUMISING KAYO!!
BULOK ANG SISTEMA NG ESKALEYTOR NA 'TO!!
lahat tayo pinapaikot ng mga burukrata-kapitalista
inuuto tayo ng mga 50-70% ang halaga!"
mali ang ganitong sistema!
BULOK ANG SISTEMA NG ESKALEYTOR NA 'TO!!!
paulit ulit kong isisigaw
na nakataas-kamao
hanggang iputok ng mga sikyo
kanilang mga baril
ilang alingawngaw ng putok!
hanggang sa magulat ang mga nakasasaksi
at mag-uunahang aakyat
sa pababang eskaleytor
.
No comments:
Post a Comment