Tuesday, November 19, 2013

Ulan sa Kapanahunan



Sa pagbuhos ng ulan
papatak sa bubong
at dadaloy sa alulod
mapupuno ang timbang nakasahod
aapaw ito, aapaw nang aapaw
hanggang sa umabot sa tuhod
sa baywang, sa dibdib,
at lalampas sa bakod
hanggang abutan ka ng pagkalunod
nitong buhos ng ulan sa kapanahunan
papatak sa tigang na lupa
tuyot na uhay ng palay
,uhaw na pananim ay madidiligan
at magdidiwang naman
silang naggagapas sa sakahan
silang nagdarasal sa pagbisita ng ulan
ay magdiriwang, magdiriwang nang magdiriwang
hanggang sa matapos
pagdidilig ng ulan
nilimas ng ragasa
ginapas nang walang awa ng baha
itong nalunod na lupang taniman

A, sa pagbuhos ng ulan
lilinisin nito maruming lansangan
basurang itataboy hanggang sa karagatan
itataboy nang itataboy
hanggang ulan ay maging karagatan
at lilinisang lahat
waring kalat mga sasakyan, ari-arian
milyong tao na aanurin sa sangangdaan

oh! ulan sa kapanahunan
magtampisaw ka't may hapdi sa balat
inumin nang lalamunan'y mamamalat
isantabi mo ay labis na ikagugulat
mabigat ang ganting-gawad
kung sa bawat pagbuhos ng ulan
tao na ang nagpapatupad.

No comments:

Post a Comment