Monday, July 26, 2010

LAWA NG MATA

initsa ng bata ang boomerang na luha
may takot sa yungib at kaba
muling bumalik ang nagyeyelong langit
may hiwagang nakaukit.
nanlilisik, nakakunot, may bugtong na sino?
naglaro sa sulok, natinik sa pinto.

inaaway ang bangungot
sa paggising ay ibinaluktot ang buto at mabilis ang takbo
hawak ang sagot-hindi sigurado.
namangka sa kaarawan, may ningning ang gasera
makalawang hakbang
sa lilim ng duyan, nadulas na naman
sinturon'y naipilipit nang sumungit ang langit, kulimlim
sa lawa ng buyo, muntik higupin, poso-negro
inukit ko sa bula -basahin mo.

kamaong patak sa tasa-ang pawis
hindi na yata mapuno, may butas ang paligid
ang langit nagngingitngit ,nabingi sa patak ng alulod
nagtampisaw ang kalyadong paa, hindi pumayong-sa silong
kinaibigan ang salamin ng pagkatao...puting anino?
dumagundong ang unos sa dulo ng lubid
hawak ang sagot, may gintong bitbit
tumilaok na ang araw.ngumiti ang bulak
kamatayan sa namunga, (alaala)
sa lawa ng mata.

. . .hitik na ang baul
at ito ang susi-
walang sara. . .
(030508)

No comments:

Post a Comment