Wednesday, July 21, 2010

KABITAK

yung mga hindi contented with one love, nagiging mga bulag?

" minsan hindi na natuturuan ang puso kung sino ang dapat nitong ibigin,
dahil minsan, iniisip nating mas matimbang ang nadarama kaysa naiisip"

Marahil, hindi niya alam kung paano ako unti-unting nauupos at tinatakasan ng aking hininga sa oras na isang daliri na lang ang pagitan ng aming katawan, tuwing mahahawakan ang malambot niyang palad at ikakampay habang naglalaro sa katahimikan. hindi niya lang alam kung gaano ako nananabik na mayakap siya nang mahigpit tuwing nakakalong ang ulunan niya sa nanlalamig kong hita -sa 'king kanlungan.
at unti-unting madarama ang init ng kanyang katawang kumikitil sa lamig ng hangin. unti-unti na ring nilalamon ng kakaibang emosyong lumalatay sa kaibuturan ng aking laman at buto. paanong hindi ko kahuhumalingan ang tikwas ng kanyang buhok. may kinang ang bawat hiblang kay itim -na parang mapanglaw na gabi sa bukana ng aking bintana, sa loob ng tahimik kong kwarto. samyo ang mahalimuyak na amoy na nanunuot saking paligid...ng aking daigdig. dulot ng kanyang kagandahan at angking ningning. ginugupo ako ng kanyang liwanag. ang katotohanan ay lumalatay...makirot.
hinayaan ko ang aking daliri na gapusin ang kanyang malambot na palad. biglang nangilid saking mata ang ilang butil ng luha, ngunit pinahid ko agad nang hindi niya ito makita...
"malamig ba erik?" tanong niya. pagdaka'y hinigpitan ang kapit saking palad, at agad lumikha ito ng init. "...nilalamig ka na ba?.." lumitaw ang kislap ng matamis niyang ngiti. saglit ko siyang tinitigan at daka-daka'y natikman ko na naman ang malambot niyang labi ... sino ba ang lalaking hindi aayon sa takbo ng kanyang mundo. kahit na sa malayo...
naaalala ko pa. madulas ang kalsada nang gabing 'yon dahil sa ulan; sa daan kung saan mas pinili kong bagtasin kahit mukhang inaayawan ito ng ibang sasakyan dahil marahil sa kwento kwentong pinamumugaran raw ito ng mga engkanto't lamanlupa. kung sa bagay hindi naman ako naniniwala sa multo, lalo namang hindi takot -sa bagay na likha lang ng malikot na kaisipan ng tao. Maliban lang noong nakita kong may nakatayo sa gilid ng kalsadang iyon.
babaeng naka bestidang puti. nakalugay pa ang kulot at basang buhok. walang tinag sa pagkakatayo...walang kagalaw-galaw. tila nalaglag sa kamay ko ang pinanghahawakan kong kasabihang "To see is to Believe" nagsitayuan ang mga balahibo ko sa katawan nang subukan kong aninagin ang hitsura ng kanyang mukha... at nakita ko ang kakaibang anyong angkin niya. Hindi! ang bulong ng aking isip... bahagya na kong nakalampas kahit nakita ko ang bigla niyang pagkaway, ang nanginginig niyang katawan dahil sa lakas ng ulan, at ang pagtamlay ng kanyang mukhang larawan ng kawalan (bigla) ng pag-asa –dahil sa hindi ko man lang siya hinintuan. Nagtatalo ang aking isip at konsensya. Hininto ko ang sasakyan at inatras. Ang babaeng ito’y larawan ng di masukat na karikitan. Nagpaunlak na rin ako na sumakay siya kahit kakaiba ang nararamdaman ko, ibang iba… at hindi ako nagkamali sa hinala ko. Nagulat ako nang subukan niyang lumapit sakin na parang nanunukso. Hanggang sa dumikit ang malamig nyang katawan sa braso ko. Hindi ko na alam ang gagawin, sabi ko na nga ba –uumpisahan nya na akong lapain. Hindi! Hindi totoong hindi ako takot sa multo. Para na akong istatwa. Nang hanggang sa kauna-unahang pagkakataon dumampi ang malambot niyang labi sa labi ko. At bumilis ang pagpintig ng puso, gusto kong tumutol ng mga sandaling iyon subalit dinala ako ng emosyon; nangintal ang kakaibang pakiramdam. At nakisabay na sa pag-indayog ng kanyang pagmamalabis… nangyari ang hindi ko inaasahan.
Hinatid ko siya sa sinasabi niyang lugar. Isang mansyon. Ang babaeng ito. Hindi! Nagkasala ako… “Mommy! Where have you been…? I miss you…” sa malakas na bati ng batang iyon –parang tabak na humampas sakin ang narinig. “Who is he, mom?!” at tumingin siya sakin at ang ilan pang sumalubong sa kanya: ang matangkad na lalaki-na una nang humalik sa kanya? ang ibang kamag-anak marahil at ang ilang pulis(?) “Thanks to him honey, he’s a good guy… my savior” sa sinabing ‘yon, tila nagpantig sa tenga ko ang hindi mawaring bagay; ito ba’y katotohanan o isang panlilinlang. Laking pasalamat ng lahat sa akin bagaman alam kong hindi ako nararapat para sa pasasalamat na iyon.

Hanggang sa aking pag-uwi’y bitbit ko parin ang kakaibang pakiramdam –lito!. Hindi ko mawari ang tunay na kaganapan pero alam kong may kwento ang lahat –bagay na hindi na mababatid ng isang di kasangkot sa bagay na ‘yon –maliban pa sa naganap saming dalawa… gumagambala sa isip ko, humihilagpos sa aking katauhan. Nag-aalab. Matutulog na sana ako noon nang biglang tumunog ang telepono. “L-Lea?!” sa kabilang linya. S'ya nga. Siya ang gumawa ng daan ng pagsasama namin ngayon.
“Erik, bakit?” sa isang tapik niya’y agad akong nagbalik sa realidad. “Ah…w-wala. May iniisip lang ako.” Napatayo ako at niyaya sya sa bandang ilog. “Tara sa duyan dun,” Agad siyang tumugon sa yakag ko... At para siyang batang naglaro. Ang bawat tikwas ng kanyang buhok, ang matamis niyang ngiti… Siguro nga isang laro lang ang lahat. Isang larong hindi ko kayang tigilan. Isang malaking kasalanan? Ewan. Basta ang tanging alam ko, hindi ko siya magagawang iwanan.

kung ikaw ang nasa katayuan ko, ganun din kaya ang gagawin mo?!
…Kahit na siya lang ang kumukumpleto ng iyong mundo?
Kahit na siya lang ang iyong mundo?

…Wag yung plastik! Yung totoo???

hai! minumulto ako ng sarili kong anino...

No comments:

Post a Comment