Wednesday, July 28, 2010

SA ALITAPTAP NI BINGI

(deafarture)
Kung ba't ang dagta sa labi'y di sumibat
ngayon ay nilalango ang sariling ulirat
katambal pa si estong na siyang tanging alagad
sa bukana ng uwang do'n malimit magpuyat

Bulong ni estong sa minsan niyang kalabit
suntok sa buwan daw kung ako'y managinip
ang alindog sa paggiling ni Nena sa kabaret
kay Juan na nga raw malimit 'tong kumakapit

Tugon naman'y, "magaling s'ya ang buwitre kagabi,
at walang alingawngaw ang sumupil sa pagsaksi
s'yang naglaro ng baril sa kanlungan ni pipi
sumisigaw ang luha n'ya sa damuhang kay-kati."

Panikil lunggati sa oras na kantahin
lalamigin si Nena ko't ako na ang pipiliin
kung ganun'y mangaso man sa dilim ay iigting
buwan ay iaalay magtulak man ng lagim.

Nanumbat si estong sa kanyang pag-ismid
mas sukdul sa kawa daw itong pagkamanhid
natiis sumang-ayon ang saksi lang ay kuliglig
sa duguang si pipi na kanya raw kapatid.
-081908

No comments:

Post a Comment