There was an error in this gadget

Wednesday, July 21, 2010

"Hindi Lahat ng positibo, Maganda...pano kung may nagalaw ka"


"Hindi Lahat ng positibo, Maganda..."

(AM I A POSITIVE-THINKER)

Alam kong hindi niya gagawin ang bagay na 'yon. kilala ko ang pamilyang kinabilangan niya. yung kay ka Belarde na may krusada madalas sa luneta, yung sumasalo ng biyaya ng Diyos gamit ang binaliktad na payong, yung may takot sa Diyos, yung mga ganoong tao. Alam kong hindi magagawa ni Kharren ang gayong bagay. Ang bagay na 'yon...

Nagkita kami noong nakaraang buwan bago ang araw ng Independence Day sa may Coffee Shop. Hindi yung STARBUCKS na ginto yata ang mga butil ng gamit na kape, at silver Powder ang gamit na Creamer. Nag-usap lang kami ng mga ilang minuto, tapos umalis na siya. Umalis na nakayuko, na namumula ang mga mata. May ibinigay siya sa akin na noong mga oras na 'yon Ignorante ako kung ano ang Bagay na 'yon, o para saan nga ba talaga 'yon. Pero hindi niya pala ibinigay, inilapag niya lang sa may lamesa. Walang salitang binanggit na "Ayan! regalo ko sayo 'yan!" basta lang inilapag na parang nag-iwan ng gamit na Diaper sa kalsada. Tapos biglang umalis. Nakayukong umalis papalabas ng Coffee Shop, ni hindi man lang nagbigay ng pambayad sa in-order naming kape. Pero hindi ko inisip na naisahan niya ako doon, dahil alam ko bilang lalaki, ako dapat ang gumastos sa mga ganoong pagkakataon.

Nitong linggo lang, bigla akong tinawag ni nanay habang naglalaba siya. Nasa banyo ako noon at ginagawa ang nakahiligan ko ng gawin -ang paminsan-minsang pagligo. Pagkalabas ko ng banyo biglang pumutok ang Machine Gun na bunganga ni nanay "Ano ka bang Bata ka...Ano ka ba? Hindi ka marunong mag-ingat!!!" Sa isip ko, para 'kong si Mr. Anderson sa MATRIX na slow-mong iniiwasan ang sunod-sunod na balang iyon. Pero bigo ako. Lahat ng Bala ay sapul sa tenga ko. "Kaninong Pregnancy Test?! Umamin??" Teka, bakit sa akin siya galit e, halata namang hindi akin 'yon. Dahil kailanman hindi pa ko nakagamit ng Pregnancy Test. Kaya hindi ko inako kay nanay ang pinipilit niya. Nag-isip ako ng patok na palusot "B-baka kay Ate 'yan!" sabi ko. 'haha. wala na dito si ate' sa isip-isip ko. Saktong naglayas ito noong nakaraang Buwan. Napahinto si Nanay, Nag-emote na parang mas lalong nadagdagan ang galit kay ate, Ang kanyang Unica Hija... ang sumagot-sagot sa kanya ng ilang ulit, ng pabalang.

Naalala ko bago ang gabi nung naglayas siya. Naalala kong Gising pa si nanay noon dahil hinihintay si ate na alas Tres na ng umaga ay hindi parin nakakauwi. Hindi naman pang gabi ang pasok ni Ate sa eskwela. Pero baka nag-Overtime ang Profesor nila kaya wala pa ito, naisip ko. pero sana man lang nagpaalam, No Missed Calls, No Text ang labas. Labis ang pag-aalala ni nanay. Tumawag na siya sa mga kaklaseng kakilala pero hindi raw nila alam; Tumawag na si nanay sa mga kilala niyang mga santo't santa: kay Santo Tomas, San Antonio, Santa Ana, Santa Maria, at maging kay Santa Mesa... pero hindi ko alam kung alam nila.
Mag-aalas kuwatro y Medya na noong umuwi si ate, Naalala ko ngang nagmano pa si Ate kay nanay. Tapos nagbeso Bigla yung kamay ni nanay sa pisngi ni ate. "Bakit amoy alak ka?!" bungad na tanong ni nanay. "Bakit amoy Alak ka, Sinabi!!" ulit nito. Biglang namula yung pisngi ni ate matapos sunod-sunod na sampal na medyo malutong yung tunog. Plak! ata o Plaakatak! Basta lang narinig ko yung sunod-sunod na sampal, tapos nun ay Nagmura si ate (yung murang hindi pwedeng isulat dito, kasi baka maCensored) Napahinto si nanay, nag-Emote na parang mas lalong nadagdagan ang galit kay ate. Tapos nun ay walang makaaalam na maglalayas si Ate...
"Ang Paborito kong Ate..."

"OO anak, ang iyong ate... Buntis ang ate mo! Buntis siya!" ang sabi ni nanay habang hawak niya ang Pregnancy Test na galing sa aking pantalon. Tapos, bigla kong naalala ang Ex-girlfriend kong si kharren...

At kahapon, may nagtext na kaibigan na pamatay ang dalang balita. Sabi sa text: dalawin daw namin si Kharren sa lamay niya. makipaglamay raw kami?! Dahil Dun, parang biglang nagunaw ang mundo ko, dahil nabitawan ko bigla ang Cellphone ko. lagapak sa semento. Dumami. Masyado akong nabigla. si kharren? Bakit si kharren? E, marami akong kilalang kharren, may kharren joy, Ana kharren,Maria karen at yung Ex kong nagbigay sa akin ng Pregnancy Test nung isang Buwan. Hay! kharren...

At pumunta nga kami...
May mga Hale-Halelujah amen kaming naabutan, narinig at natutunan na rin. Hindi ako nagpakilala bilang dating Ex ni kharren sa mga medyo may pamumula pa ang mata ng mga magulang, kamag-anak at kapatiran. Naghale-halelujah, amen na rin kami ng kaibigan ko. yung kaibigang nagyaya sa lamay na ito ni kharren. totoo nga ang text niya. Grabeng pamatay!
Nagbigti raw ang kanilang anak. sa loob ng banyo, nakita ang namumutlang matigas na katawan ni kharren. Nakabitin. Gamit ang kable ng telepono. Nakasakal sa leeg. yung kawad ng PLDT na hindi pa raw nababayaran mula noong nakaraang buwan. wala silang malaman na dahilan kung bakit nagawa ito ng kanilang anak. Maliban sa hinala nilang baka yung natagpuang Fetus na may mga dalawang buwan na rin ang Buhay, doon sa basurahan ,malapit sa bahay nila ay baka raw kay kharren. baka Buntis ang kanilang anak, baka inilaglag niya ang bata sa sinapupunan, tapos ay naguilty kaya nagpakamatay. pero baka lang naman. at mananatiling baka sakali ang palagay na 'yun, dahil hindi na raw pag aabalahang ipa-autopsy pa ang bangkay. kesyo may bayad pa raw o matagal pa ang proseso, kaya ipagpapasa Diyos na lang ng mga magulang ni Kharren ang lahat,... Mahabang pagkukwento rin ang nangyari, pero matapos magpunas ng Tissue, matapos mamugto ang mga mata ay muling naghale-halelujah, amen. ang buong kapatiran.

Kapatiran ang tawag sa bonding nila, at kahit mas matanda yung iba sa kanila at hindi naman kami magka-anu ano ay brother, ang tawag nila sa amin. "GOD BLESS YOU, BROTHER!!" sabay kamayan. Natuwa ako't napapangiti kapag nakikipagkamay sila sa amin. Para kaming mga tatakbo sa eleksyon, parang mga kandidatong nakikipag-kamayan sa bawat isa.
Mas tumamis ang pagkakangiti ko nang may nakipagkamay saking mala-anghel ang mukha, babaeng pagpapantasyahan kahit na may tangan ng bibliya at rosaryo. Tapos makalaglag panga ang ngiti, na daan para makalimutan mong bumitaw sa palad niyang makinis at mabango at malambot, na mabibingi ka sa katahimikan "Ah, B-brother?! yung kamay ko?" tapos biglang liliwanag ang lahat "A, S-Sorry po. Sister...!"

Naniwala akong wala ngang epekto para sa akin ang mga bagay na 'yon. kung hindi ko man napag-isipan ang magiging resulta ng lahat, sana maisip man lang niyang maaari ring malusutan ang ganoong gusot kaso huli na 'ata para mag-isip...

1 comment:

  1. nakakarelate naman...
    i had a sad story same as here..,
    sana wala ng kagaya ni kahrren..,
    tulad ng lost boyfriend ko..,

    please!!dont be selfish...
    remember there are many peoples, who still care and loves u...
    dont give sorrow to others...,

    ReplyDelete