Wednesday, July 21, 2010

The way back Home…

ika-anim na kapitolo (Excerpt from Daigdig ng Tag-init ni Reymond Salvador C.)

Dumadalas na ang pag-uwi ko nang nag-iisa. Kapag mag-isa ko lagi kong naiisip na mas Masaya pala ang may kasama…


Tahimik kong binabagtas ang daan ng Aurora Cubao patungong sakayan ng Bus. Mag-isang naglalakad madalas. Hindi ko na pinapansin ang mga nagtitinda ng mga gulay, candy, sigarilyo, dyaryo, DVDs, kakanin, at prutas sa may bangketa. Tulad ng isang aleng kasama ang kanyang tatlong chikiting na puros busog yata dahil sa mga bundat na tiyan. (o sadyang pinaglihi lang sila sa Butete… silang tatlo) nakaupo sila sa may simentong nilatagan lang ng karton ng noodles enriched Sodium Glutamate. Nandoon silang matamang naghahantay sa kung sinong magtatanong kung magkano ang tumpok ng tinda nilang santol. (ganun yata) o mukhang mula pa kahapon ay naghahantay na sila sa sinumang lalapit at magtatanong kung magkano ang tumpok ng tinda nilang santol. Ganun nga yata.


Ilang beses ko na ring pinipilit alamin ang pakiramdam ng maghapong nagbanat ng buto pero walang kinita ni singko o tinderang walang nabenta sa buong maghapong pagtitinda. Kasi ako , kahit na naranasan ko na ang magtinda e, nakakaabenta naman ako. Minsan nga ay Sold-out pa! (patunay ‘yan na malakas talaga ang appeal ko)

Naaalala ko pa, nung summer, karamihan ng tao ay naghahanap ng mapaglilibangan. Puno ng tao ang beach, lansangan, ang daan, maraming nagbabakasyon sa probinsya, at maraming nagpapakaabala sa pagtitinda...
Tulad ng pamilya ko: kikiam, turon, halo-halo, kwek-kwek, ang nilaman sa mini tinda-tindahan namin na nakalagay lang sa isang matibay na lamesa. Ang tema: si ate ang sales lady sa Mini tinda-tindahan at ako ang taga-Lako ng maasukal na turon (magFi-first year lang ‘ata ko nun) Grabe. Ang saya ko nga nun, iniiisip ko pa lang kung sakali kayang Makita ako ng Crush ko dala ang paninda, ano kaya ang reaaksyon niya sa reaksyon kong pagpupunas ng luha, pati uhog, pati laway, bago sapilitang sinuong ang nakatakda.
Ganun pa man, sa mga pagkakataong hawak ko na ang tray na puno ng maasukal na Turon, binalak kong:
-Tumikhim ng ilang piraso sa tinda ko, mga 10.
-Palitan ang presyo na P 2.50 ang isa, para maging P 5.00 ang tatlo. Para mas abot kaya ng masa (at para makauwi ako agad)
-Sabihing wala akong nabenta ni isa sa layo ng napuntahan kong lugar (pero hindi ko sasabihing hindi ako umalis)

Sa mga ganung pagkakataon, naaalala ko yung mga matatamis na salita sakin ng inang, yung “Walang Hiya kang Bata ka!!!” (sabay palo sa p’wet kong hindi niya alam na may kartong nakasukbit) ayon, epektib. Tumitibay ang loob ko kahit papano. Maedyo nawawala ang hiya ko, medyo nagiging walang hiya ako. Ang labas? Negosyante.

Sa lahat ng iyon , matapos ang halos dalawang buwang paglalako, akalain mong nasiyahan din pala ‘ko. (kahit papano!) lalo na tuwing umuuwi akong walang laman ang bitbit kong tray, tuwing nakakaubos. May premyo kasi akong malamig na Halo-halo sa malaking lalagyan, tapos bibigyan pa ako ng bente (P 20) ni ate. Panalo!!! Dagdag pa yung kinupit kong P 30. Grabe ang hirap at saya. Kay sayang libangan, pero ang hirap paglibangan. Buti na lang at mabilis lumipas ang oras. Parang Fast-Break sa pagsalo ng isipan tuwing binabalik-balikan…
Hindi ko na detalyadong ikukwento kung paano sa isang iglap tila dinaanan ng whirlwind ni Tazmanian yung matibay na lamesang pinagpapatungan ng aming Halo-Halo, kikiam at kwek-kwek na may sawsawang suka, at iba pang tinda… Salamat sa pagsasabong ng dalawang nagngangalit na magkaribal na aso. Nasanggi ang pundasyon, nabali ang isang paa ng matibay na lamesa, at iyon! Goodbye na Tray, Goodbye turon, at Goodbye kahihiyan.

Unang buwan ng pasukan; 2nd year na noon si ate. Comsci yung kinukuha (vocational lang); yung isa ko pang ate kumukuha ng passport Visa sa Japan (pangarap din yatang maging Geisha) pero hindi makaaalis kahit na nakapag Down na siya ng P 15,000 sa mabait na illegal Recruiter; Tapos si kuya, nasa 4th year na. Graduating (kukuha ng special Project after ilang buwan, para makapasa); yung isa ko pang kuya nag-aalaga ng pananim sa Bicol (kinuha ng Auntie ko noong bata pa siya); tapos ako, 1st year na nun. Kay tatang din kumukuha ng pamasahe’t pambaon. Yung nakababata kong kapatid na babae, Grade 4. Madalas makakuha ng medal at Ribbon; yung isa ko pang nakababatang kapatid Grade 1, madalas mangupit (mas madalas kaysa sakin); yung bunso, sa suso ng botelya kumukuha ng kailangang Nutrients ng katawan. Parang collector’s item yung gatas niya, mula Bona 1,2,3,… hanggang Bonamil at Bonakid


Naalala ko yung panahong sinukat-sukat ko ang lawak ng aming bahay. At tiyak ngang nagkaroon ng kaluwangan. Mga ilang pulgada siguro. Ito yung mga araw na hindi na umuuwi si ateng panganay… sabi nila nagtanan? May nakapagsabing nakita raw sa Pangasinan. Kaya sinundan, pauuwiin, susunduin. Parang the parable of Prodical Son nga raw nung nagkita sila ni tatang at nanay. Mahigpit na niyakap pa adaw ni nanay si ate. Mahigpit na mahigpit. Halos hindi na makahinga sa higpit (hanggang magkalas kalas yung mga buto) pilit ipinaluluwa yung dinadalang maliit na tao sa sinapupunan… (ganun yata kapag nagtanan, matapos malunok yung ulo, magiging tao yung ‘yon…)

Sa awa ng Diyos, nakatungtong ng entablado si Ate nang malaki na ang tiyan. Hindi lang halatang buntis dahil kulay itim yung Toga niya. Mga ilang buwan ang lilipas, may mamamanhikan para sa isang kasalan. Tapos ganap na niyang lilisaanin ang aming tirahan. Magkakanya na raw. Tantananantantan! ‘Dagdag na Espasyo na naman sa aming masikip na Barong-barong’ .

Nakasakay na ‘ko ng Bus. Bandang likuran ako pumuwesto, malapit sa bintana. Sakaling tayuan na e, hindi obligadong tumayo para mag-alay ng upuan sa mga aleng nagpaparamdam sa mga tulad naming Gentleman. Lumapit na yung Konduktor. Naisip ko lang bakit kaya konduktor ang tawag sa mga Konduktor? May kinalaman kaya ang mga Duktor sa trabaho ng mga Konduktor? Anong pagkakapareho ng dalawa? Siguro kasi Parehas lang silang nakabase sa OPERA?

Isang halimbawa ng paghahambing:
Doktor
-kumukonsulta sa Doktor Yung pasyente.
-Tatanungin ng Doktor kung Ano o saan ang masakit…
-Magbibigay ng reseta sa pasyente
-(kung mayaman, kahit ‘di Malala yung sakit) tiyak OPERA ang suggest ng Doktor

konduktor

–yung pasahero sa Konduktor Kukunsulta
-Tatanungin ang Pasahero kung saan bababa o ano ang bababaan…
-Magbibigay ng Tiket sa pasahero
-(Mayaman ka man o mahirap, basta ‘di ka kilala ng Konduktor o Driver) ay kailangan
mo maglabas ng “o, PERA?!”


Tulad ni kristo Hesus na may labindalawang alagad o sa pinagandang Tawag ay mga apostoles, si Lucifer sa kanyang mga Demonyeto’t Demonyetang alagad at si Santa Cluse na may mga Elves, ang mga Doktor ay may mga Nurse…

Gusto kong maging Nurse noong 1st year highschool ako, iyon yung sinagot ko sa tanong ng Substitute teacher namin sa science –sa kung anong gusto naming maging paglaki. Ewan ko kung bakit tumawa yung katabi ko sa sagot ko… Inisnaban ko nga!!! Tapos inabangan ko yung isasagot niya, para ako yung unang tatawa sa kanya… ang sabi niya, gusto niyang maging Doktor. Tinawanan ko sarili ko.

Siguro, kaya naging Demonyo si Lucifer (Dating Anghel) ay dahil sa ayaw niyang magpasakop kay Hesus. Yung para bang nakaramdam ng inggit. Na si Hesus ang tangi niyang niyuyukuran, sinasamba, sinusunod; na may Boss siyang kailangang sambahin, na siya ay isang tagasunod, tagapagsilbi. Kaya naghangad na matulad kay Hesus, na may tagasunod/tagayukod; siguro ganun. O siguro masama nga yung kaisipan niyang ayaw magpalamang sa iba, pero masama rin kaya ang naisin mo kahit man lang ang ating pagkapantay-pantay. Yung walang Diyos, walang alipin; walang panginoon. Wala si GMA, walang mahihirap na lalong naghihirap… lahat ay pantay-pantay base sa lebel ng lipunan, ng karapatan, ng pag-aari, ng kaangkinan?, yung ganun, mas OK kaya? Pero pano na ang kagandahan ng pagkakaiba-iba? Ang kaibahan ng iba’t ibang nilalang. kung ano ang pinagkaiba natin sa iba o ng iba sa atin. Bilang natatangi. Bilang buhay na patunay ng kagandahan ng daigdig o bilang daigdig ng mga buhay.


Bakit ba tayo magkakaiba-iba? Dahil hindi tayo nakatira sa iisang lugar. Hindi makapagtatanim ng palay yung mga iskemo tulad ng mga magsasakang hindi makakapangisda sa bukid nang nakaSweater Jacket –dahil magkaiba ang Geological Location nila; Hindi sasamba’t yuyukod sina Scooby at pulgoso kay Garfield na Diyos ng mga pusa, o yuyukod at sasambahin nila Felix at Tom(sa tom and jerry) si Snoopy na diyos ng mga aso –kasi magkaiba ang kanilang Relihiyon; magkakaiba ang pananaw ng isa’t isa kasi may magkakaibang ideolohiya; hindi magsasalita ng Bisaya yung mga Amerikan Citizen (makaintindi man sila ng Gay lingo o G-words ng mga pinoy), tulad ng mga pilipino sa latin (bagamat wika na natin ang Ingles) –kasi nga magkaiba ang lenggwahe nila, natin sa kanila; Ano pa ang ita kung tulad din sila ng mga puti (mahahaba tit*); hindi naman nagsusuot ng Bahag o Barong-Tagalog ang Ibanag –at sasayaw ng Tinikling… -dahil iba ang kanilang Etnicity at Kultura; Kaya dumadami ang tao, kasi iba ang Gender ng babae sa lalaki. (iba rin ba yung sa bakla at lesbian? E, parehas lang naman sila ng Pag-aari. At bakit kaya patuloy ang pagdami ng mga bakla? Hindi naman sila nabubuntis?); Kaya nga nananatili ang Pilipinas bilang 3rd World Country kasi may 1st World Country na tagapagpalubog sa mga 3rd world Country na daan upang manatili sila bilang 1st –na maayos ang Economic Condition like European at Amerikan Country… Kaya asahan na nating mas maganda ang trabahong nilalaan ng Gobyerno ng 1st world sa kanyang mamamayan, kasi kaya nilang magpasweldo ng ilang daang presidente, ilan libong Government officials, ilan daang libong General… Pero yung Trabahong nakalaan sa mga mamamayan ng bansang nasa 3rd World ay hindi first come, first serve Basis. Iyon bang sa isang kompanya may isan daang Aplikante. Nauna ka man sa pila o nahuli o naningit lang –ay out of 100 na applicants, kalahati lang ang kukunin, o bente, o sampu, o limang mapapalad at Rumble Selection. Pero syempre yung salang –sala na nila. Dehado parin yung walang mataas na pinag-aralan sa mga may mas mataas na Credibility daw, at syempre kawawa ang mga HighSchool Graduate lang, dahil mas malaki ang pag-asa ng mga College Graduate na maging Boss yung kasabayan nilang nag-apply na may Masteral Degree… kasi nga, yung mga nakalaang pampasweldo (dapat) sa milyun-milyong magtatrabahong Pilipino sa Pilipinas ay nilaan na ng gobyerno sa suswelduhin ng Presidente, mga government official, at mga Generals… at iba pang kawaning-kapit ng Gobyerno, (Ganun yata, kaya nag-uunahang makaupo ang mga ito sa napupusuhan nilang pwesto, ilang beses man sila mandaya o madaya (kuno)), Pasalamat na rin daw tayo at may tira-tira pa para sa mga Social Services. Dahil nga sa Priority rin ng Gobyerno ang pagbabayad ng utang sa mga mababait na nagpapautang sa atin… at ganun nga siguro talaga, May mga lumulubog at may mga tagapagpalubog.


May kanya-kanya kasi tayong papel na ginagampanan sa mundong ito, kanya kanyang Gawain, (wag ng magtataka sa mga taong mapapel, dahil iyon na marahil ang papel nila sa mundo) at dito makikita ang malaking bahagdan ng ating pagiging iba sa bawat isa, ng pagkakaiba-iba sa kakayanan, talento, kalikhaan, panlasa at interes ng bawat isa. Dahil meron na tayong tinatayang 5,000 ethnicities sa buong mundo; sa ngayon 4,500 mga wikang naitala, buhay man o patay –ng mga sosyolohista; dahil ang mundo ay nahahati na sa kulang kulang 250 na bansa… dahil sa kabila ng lahat ng ito, merong babae at lalaki, mayaman, mahirap at mas mahihirap, at alipin (sagigilid man o mamamahay); itim at puti, may hepa, at kayumanggi; katoliko at Protestante, Rizalista’t Arabe, Hindu at Muslim; Dahil ang planeta natin sa ngayon ay tinitirhan na ng humigit-kumulang 6.5 billion na tao, (hindi pa kasama diyan ang mga kahayupang naglalagi sa ating pamahalaan, tulad ng mga Buwitre, uwak at mga Buwaya) at nadadagdagan pa ng 90 million kada taon. Ibig sabihin 6.5 billion tayo na may pagkakaiba-iba, at humihigit pa kada araw; Dahil lahat tayo’y larawan ng natatanging nilalang (unique human being) at may katangi-tanging pag-aari, propyedad, at kagalingan na humuhubog sa pag-unlad ng lahi ng tao. Ang pagkakaiba-iba ay dahilan ng ating problema at suliranin. Gayunman, ang solusyon at kasagutan ay natutugunan din ng ating mga pagkakaiba-iba. (Global Recall)


Iba pala yung naiabot kong ticket. Paano ba naman kasi e, biglang nangalabit si Inspector Clavio sa gitna ng aking mahimbing na pag-idlip. Hindi ko malaman kung saan sa panaginip ko nahulog/nalaglag yung ticket… para tuloy akong lasing na hindi malaman kung saan isusuka ang kahihiyan. Nakatingin parin yung iba sa akin, at para ‘kong tanga sa pagkalaykay ng bag ko. Si Inspector Clavio naghihintay. May hawak siyang papel na anumang oras handa niyang lamukusin at bilugin para ipasak sa bibig ko; Tapos yung Ballpen, baka may electric shock wave na anumang oras handa niyang ipangkuryente sa maputi kong singit, na anumang oras magiging silya Elektrika yung kinauupuan ko. “Nagbayad ka ba ‘toy?” pag-iimbestiga ni Inspector. “O-Opo,” matapat kong tugon. Luminga ako’t naghanap ng kakampi, saktong papalapit si manong Konduktor. Ayus! (may starwitness na ko, pero paano kung itanggi niyang nagbayad nga talaga ako. Lagot, baka bigla niya 'kong ipagkanulo. Nagdadalawang isip tuloy ako kung nagbayad nga ba kong talaga o sa panaginip ko lang 'yon ginawa) “Nalaglag po ‘ata, di ko po alam kung saan na napunta” depensa kong tila maamong tuta… siguro, may dumaan na hangin at lumamig ang umiinit niyang bunbunan. Hindi na muling nag-usisa si Inspector.isang mahabang Haay!!! Meron na yatang konklusyon –sa tulong ng mga ibedensiyang pinatotohanan ng ilang Pasahero at si Manong Konduktor (buti na lang hindi niya kamag-anak si Judes Iscariotes) at nailigtas niya ko sa banta ng Kuryente, hindi sa sermon ni Inspector, “Itatabe n’yo kase ang tiket niyo, gusto niyo ‘atang magbayad ule…” banat niyang may puntong malapot na Bisaya.


Bumaba ako ng Bus nang nakayuko. Hindi ko parin malaman kung saan ba napunta yung ticket ng Bus. Dalawa lang ang nakikita kong posibilidad: una, Itinago yun ng katabi ko. O pangalawa, Ninakaw yun ng katabi ko.


Madalas na ang pag-uwi ko nang nag-iisa. Kapag mag-isa ‘ko, lagi kong naiisip na mas masarap pala ang may kasama…

No comments:

Post a Comment